Chapter 09

3K 147 8
                                    

PINAGMASDAN ni Sanria ang pagpatak ng malakas na ulan buhat sa labas ng kanyang silid. Hanggang ng mga sandaling iyon ay hindi pa rin maalis sa isip niya ang huling eksena sa pagkikita nila ni Gray. Para iyong nananadya na paulit-ulit dumadalaw sa alaala niya.

Hindi na siya masyadong ginugulo ng katotohanan na nalimutan na siya ng kaibigan. Pero ginugulo naman siya ngayon ng nangyari kagabi sa pagitan nila ni Gray. Ang pagkakalapit nilang iyon. Nahahaluan ng malisya sa kanya.

Alam niyang hindi iyon normal na pakiramdam.

Kina-Lunesan ng tanghali ay nagulat pa si Sanria nang makita si Gray sa labas ng classroom niya. Balik eskuwela na rin pala ito. Gusto sana niya itong ngitian katulad ng nakasanayan niyang gawin noon, mabilis lang niyang napigilan ang sarili.

Baka naman may pinuntahan lang ito roon at hindi siya ang talagang pakay. Baka nagkataon lang na naroon ito. Nagbawi siya ng tingin at minabuting magpatuloy na.

"Sanria."

Huminto siya. Lilingunin sana niya si Gray nang siya namang dating ni Ford. Kumaway pa ito nang makita siya. Bigla niyang naalala ang pangako nito sa kanya na ililibre siya nito ng lunch pambawi sa pagkakatapon ng wine nito sa suot niyang dress.

Pero hindi pa man nakakalapit sa kanya si Ford ng mula sa likuran niya ay akbayan siya ni Gray at magpatuloy sa paglalakad. Nagulat siya sa ginawang iyon ng binata kaya napasabay siya sa paglalakad nito. Para siyang papel na tangay-tangay nito.

"S-Sandali," apila niya nang lampasan nila si Ford. "Gray—"

"What?" patay malisya nito.

"Si Ford—"

"As if I care?" mabilis nitong putol sa sasabihin niya.

Nilingon niya si Ford at nagpapasensiyang tiningnan ito. Pagkuwan ay siniko niya sa tagiliran si Gray na ni hindi nagreklamo sa ginawa niya bagaman at bahagyang napangiwit. "Alam kong alam mo na may pangako sa akin ngayon si Ford na ililibre niya ako ng lunch. Narinig mo 'yon. At hindi ko rin ma-explain kung bakit pinuntahan mo ako sa last subject ko ngayong umaga. Akala ko ba, wala ng pakialamanan? Sabi mo rin, layuan na kita. Bakit narito ka ngayon sa tabi ko?" Ang dami niyang gustong itanong.

Nang makalabas sila sa department building na pinapasukan niya ay binitiwan na rin siya ni Gray. Sobrang seryoso ng mukha nito na animo may pinipigil na kung anong gustong sumabog mula sa loob nang harapin siya.

"Kay mommy ka magreklamo at hindi sa akin. Siya ang nag-insist na samahan kitang mananghalian."

Napatawa siya ng pagak. "Oh, really? At ngayon mommy's boy ka na? Sabihin mo na lang kay Tita na sabay tayong nag-lunch kahit hindi. Hindi mo kailangang gawin 'yong ayaw mo naman talagang gawin. Alam ko naman na ayaw mo na akong kasama."

Nilampasan niya ito pero hinawakan nito ang pulsuhan niya kaya muli siyang napahinto. Pinigilan niya ang sarili na tingnan ito. Sandali siyang napapikit dahil sa init na hatid ng kamay nitong nakahawak ngayon sa kanya. Nanunuot iyon sa kalamnan niya.

Damn her traitor heart and senses. Sobrang na-mi-miss niya ang presensiyang iyon ni Gray.

"You really hates me now?"

Saka lang nagawang tingnan ni Sanria si Gray ngunit nag-iwas ito ng tingin nang magtama ang mga mata nila. Unti-unti rin itong bumitiw mula sa pagkakahawak sa kanya.

Bakit nahimigan niya ang lungkot sa boses nito? Dinadaya lang ba siya ng pandinig niya?

Naiinis siya rito pero hindi naman ibig sabihin niyon ay kinamumunghian na niya ito. Magkaiba iyon.

"I'm not," sabi na lang niya. Nahawakan niya ang tiyan nang kumalam iyon. Uminom lang siya ng gatas kaninang umaga dahil sa pagmamadali dahil tinanghali na siya ng gising. Kaya naman gutom na siya ng mga sandaling iyon. "Kung makiusap man uli sa iyo si Tita Chello, anything na related sa akin, hindi mo kailangang sundin. Ayaw kong napipilitan ka lang kaya ka lumalapit sa akin." Iyon lang at nagpatuloy na siya sa paglalakad. Gusto na niyang kumain.

Pagdating sa cafeteria ay nagulat pa siya nang maupo sa tapat ng kinauupuan niya si Gray. Gusto sana niya itong sitahin pero mas matindi ang nararamdaman niyang gutom kaya sa pagkain na lang niya itinuon ang buong atensiyon.

Nang matapos kumain ay lakas loob niyang tiningnan si Gray. Sa pagkain nakatuon ang atensiyon nito. Paano ba siya makakapag-move on kung ito naman ang lumalapit? Ano ba'ng gusto nitong mangyari?

"Kumusta na 'yong sugat sa ulo mo?" nag-aalangan pa niyang tanong. May suot pa rin itong malapad na headband na panglalaki sa ulo nito.

Tiningnan siya nito. "Medyo bahaw na pero kumikirot pa rin." Uminom muna ito ng tubig sa plastic bottle bago muling nagsalita. "Nakuwento sa akin ni mommy kung bakit ako naaksidente. At involve ka roon."

Alam naman niya ang bagay na iyon. "Okay lang naman kung sisihin mo ako. Kasalanan ko naman talaga." Isinukbit na niya sa balikat ang kanyang shoulder bag. "Mauna na ako sa iyo," aniya bago tumayo.

"I change my mind."

Napahinto siya sa akmang paghakbang. Muli niyang tiningnan si Gray na tumayo na rin. Mataman siya nitong tinitigan. At nang mga sandaling iyon, hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman dahil sa titig na iyon ni Gray sa kanya.

"Binabawi ko na 'yong sinabi ko last time. Involve ka sa nangyari sa akin. Kaya sa tingin ko, malaki ang responsibility mo sa akin ngayon. In short, kailangan mong bumawi sa nangyari."

Matagal bago nag-sink-in sa isip ni Sanria ang pinagsasabi ni Gray.

"Stay."

Malayo iyon sa pakiusap. Mas tamang sabihin na inuutusan siya nitong manatili rito. Iyon ang pagkakaintindi niya sa tono ng boses nito.

"Bumawi? Hindi mo siguro alam kung ano'ng pinagdaanan ko sa lumipas na isang buwan dahil sa nangyari sa iyo. Siguro sapat na 'yong nangyari sa akin sa tinutukoy mong pagbawi ko sa iyo, Gray. Selfish na kung selfish sa tingin mo. Pero gusto ko na munang mag-move on sa nangyari. I miss my bestfriend. Pero hindi ko alam kung kailan siya babalik o kung babalik pa ba siya." Humigpit ang pagkakakapit niya sa handle ng kanyang bag. Masyado na naman siyang nadadala at nagiging emosyonal. "'Wag mo ng bawiin 'yong sinabi mo noong birthday mo. Tinatanggap ko na sa sarili ko na hindi na tayo katulad noon." Nagbawi na siya ng tingin at nagmamadali ng umalis.

Ano pa bang silbi? Hindi na rin naman siya nito maalala. Kung hindi naman dahil sa mommy nito ay hindi siya nito lalapitan. Ano lang bang alam nito sa kanya ngayon?


A Princess In Disguise 2: A Princess PromiseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon