SAKTONG katatapos lang ayusin ni Sanria ang mga damit niya sa kanyang bag nang bumukas ang pinto sa gamit niyang silid. Ano mang oras ay darating na ang ama niyang si Sanji para sunduin siya pabalik sa Hacienda nila.
Nagbawi siya ng tingin nang makita si Gray. Naglakad ito palapit sa kinaroroonan niya. Nakasalampak siya nang upo sa kama nang mga sandaling iyon.
"'Wag mong kalimutan next weekend. Sasamahan mo ako sa resort nina Alonica."
Isinara niya ang zipper ng duffel bag bago tinapunan ng tingin si Gray. "Hindi ko maipapangako na masasamahan kita." Kung alam lang nito na ayaw na niyang sumama kapag involve si Alonica. Kung naaalala lang ni Gray kung ano'ng nangyari three years ago.
"Do it as a favor, Sanria."
Bakit ba pupunta pa rin ito? Sa isip ay napairap siya. At isa pa ay puwede naman itong pumunta kahit hindi siya kasama.
Tumayo siya sa ibabaw ng kama at naglakad papunta sa gilid niyon. Kung kanina ay tinitingala niya si Gray na nakatayo sa gilid ng kama, ngayon naman ay medyo nakayuko na siya rito. Humalukipkip pa siya habang matamang nakatitig sa guwapo nitong mukha.
"Bakit gusto mo akong kasama?"
"What friends are for kung hindi mo ako sasamahan?" kaswal nitong wika.
What friends are for...
Friends...
Marahan siyang napatango-tango. Bago pa niya makalimutan ang bagay na iyon sa pagitan nila ni Gray ay muli niya iyong ipinaalala sa sarili. Magkaibigan sila at mabuting manatili sila sa ganoon. Kung lalampas siya sa inilaan niyang boundary sa pagitan nila ng kaibigan, maaaring may masira sa pagitan nila. At ayaw niyang mangyari iyon.
"Pag-iisipan ko."
"Bibigyan kita ng five seconds para mag-isip."
Napamaang siya. "Give me at least five days," apila niya.
"Three. Two. One," sa halip ay bilang nito. Ngumiti pa ito kapagkuwan. "Times up."
Naiimposiblehang tiningnan niya ito. "Grabe siya."
Napabaling siya sa may pinto nang makarinig ng katok mula roon. "Señorita Sanria, dumating na po ang papa ninyo," ani Sacil na bahagyang sumilip sa may pinto.
"Bababa na po ako."
Nang sumara ang pinto ay muli niyang itinuon ang tingin kay Gray. "Okay. Sasamahan na kita. Pero may kundisyon 'yon," ngumiti pa siya nang matamis. "Pero iisipin ko muna kung ano 'yon. Ang lagay, eh, ikaw lang ang may pakiusap? Lugi yata ako doon."
"Whatever," pagpayag din nito.
Isang linggo bago uli sila nito magkita. Ma-mi-miss niya si Gray. Sa university naman kasi hindi rin sila nito nagkikita. Maging ito ay hatid-sundo rin ng family driver ng mga ito dahil hindi pa ito hinahayaan ng ama nito na mag-drive ng solo.
Lumapit siyang lalo kay Gray at walang paalam na yumakap dito. Sandali itong natigilan sa ginawa niya. Nang makabawi ay umangat din ang mga kamay nito at gumanti ng yakap sa kanya. Alam niya na alam naman nito kung gaano na niya ka-miss ang dating si Gray.
"See you next week," aniya bago kumalas na rin ng yakap dito. Kinuha na niya ang duffel bag niya at bumaba na rin sa kama.
Kinuha naman ni Gray sa kanya ang duffel bag at ito na ang nagdala. Hinayaan na lang niya ito. Pagkuwan ay nagpatiuna na sa paglabas ng guest room. Kung noong punta niya roon noong Friday ay kakaiba ang pakiramdam niya. Ngayong uuwi na siya sa kanila ay bumalik na sa dati ang pakiramdam niya kapag nakina Gray siya. Much better than before. Feel at home na uli siya.
"Papa," masaya niyang salubong sa ama nang makita ito sa salas. Mahigpit niya itong niyakap.
Napangiti ito nang makita ang sigla sa maganda niyang mukha. "Mukhang hindi kami nagkamali ng mama mo na papuntahin ka rito."
Kumpara nga naman noong mga nakaraang linggo na hindi makikitaan ng sigla ang awra niya. "Thank you, 'Pa," makahulugan niyang sabi rito.
Nagpaalam na rin ang ama niya sa mga magulang ni Gray na aalis na sila. Hinanap ng mata niya si Gray na wala sa salas. Nagpaalam na siya na mauuna na sa sasakyan matapos magpaalam kina Tita Chello at Tito Andrei. Si Ferncez naman ay tulog ng hapong iyon kaya hindi na siya nakapagpaalam dito.
"Bye, Blue," kinawayan pa niya ito na nakadungaw lang sa may taas ng hagdan. Gumanti ito ng kaway.
Nang makalabas siya ay saka lang niya nakita ang hinahanap. Nakasandal si Gray sa pinto ng kotse ng ama niya. Inilagay na siguro nito ang gamit niya sa compartment ng kotse kaya ito naroon.
"Ipagpaalam mo ako kay Papa kung gusto mo akong sumama next weekend. Hindi kasi niya ako basta-basta pinapaalis sa hacienda," inporma niya kay Gray."
Tumango ito. "I will."
Isang sulyap pa kay Gray bago naglakad papunta sa may passenger side ng kotse. Nakasunod naman ito ng tingin sa kanya. Binuksan na niya ang pinto sa passenger side. Pero bago tuluyang pumasok ay tiningnan uli niya si Gray. "May sasabihin ka ba?" untag niya rito.
"Ingat."
Nakangiting tumango siya bago sumakay sa loob. Nang sulyapan niya si Gray ay kausap na nito ang kanyang ama. Siguro ay ipinagpapaalam na siya nito.
BINABASA MO ANG
A Princess In Disguise 2: A Princess Promise
Novela JuvenilLumaki si Sanria na halos si Gray ang palaging nakakasama kaya daig pa nila ang magkapatid kung ituring ang isa't isa. Si Gray rin ang tumatayong protector ni Sanria kaya halos nakadepende ang dalaga rito sa lahat ng bagay. Kapag isinasama si Sanria...