MAY ngiti sa labi nang ibalik ni Sanria ang wireless phone sa ibabaw ng bed side table. Alam niya at sigurado siya na pagkalipas lang ng ilang minuto ay darating ang hinihintay niyang tao.
Ilang araw na rin na masama ang pakiramdam niya. Kasalanan din naman niya dahil nagpaambon siya. Katakot-takot din na sermon ang natanggap niya mula sa kanyang ama na si Sanji Marquez nang malaman nito na naambunan siya noong pauwi sila ni Gray mula sa beach resort sa karatig bayan ng San Rafael na pagmamay-ari ng pamilya ni Gray. Ang resulta? Halos isang linggo ng masama ang pakiramdam niya. Wala silang dala noon na kahit anong pamandong sa ulo, naambunan din naman si Gray ngunit hindi tumalab dito ang sakit.
Hindi nga nagtagal ay narinig niya ang ugong ng papalapit na kotse sa mansiyon nila na matatagpuan sa bungad ng Hacienda Marquez. Napangiti si Sanria ng masigurong si Gray iyon. Sanay na siya sa ugong ng Audi nito.
Sumunod ay ang maingat na pagbukas ng pinto sa kanyang silid.
Nang ipaling niya roon ang tingin ay sinalubong agad siya ng seryosong mukha ni Gray. Walang kabakas-bakas ng ngiti kahit katiting sa guwapo nitong mukha. Ang mukhang iyon na alam niyang maraming nagpapakabaliw. Bagay na madalas niyang pagtawanan kapag may babaeng naghahayag ng damdamin para dito.
"Ano na namang kabebehan ito, Sanria? May sakit ka na nga at lahat pero nakukuha mo pang pag-inartehan pati pagkain dito sa bahay ninyo," sita agad nito habang papalapit sa kanya.
"Oo nga, eh. May sakit na nga ako pero nakukuha mo pang sermonan," aniya na umubo pa pagkatapos magsalita. "Excuse me."
Naiiling na umupo ito sa gilid ng kama niya ng makalapit. Napakurap pa si Sanria ng walang sabi-sabing salatin ni Gray ang leeg at noo niya.
"Mainit ka pa rin," anito na bahagyang nagsalubong ang kilay. "Sigurado ka ba talaga na gusto mong lumabas ng Hacienda ninyo? Alam mo naman na ayaw na ayaw ni Tito Sanji na aalis ka dito ng hindi niya alam. Lalo na ngayon na may sakit ka pa."
Naisip na niya ang bagay na iyon. Pero ng mga sandaling iyon ay wala pa rin siyang ibang gustong kainin kun'di ang paboritong lugaw sa bayan ng San Rafael. Iyon ang dahilan kung bakit niya pinapunta si Sanji sa Hacienda. Ganoon siya kapag nagkakasakit, daig pa ang naglilihi.
"So, ano'ng gusto mo, Gray? Mamatay ako sa gutom? Alam ko naman na hindi mo hahayaang mangyari 'yon, 'di ba?" Kumilos siya para maupo na mabilis namang inalalayan ng binata.
"Kaya naman sinasamantala mo? Kung bakit kasi pinalaki kitang spoiled," naiiling nitong sabi. Palibhasa lahat ng request niya rito ay ibinibigay nito. "Pati itong plano mong pagtakas, makakain lang ng lugaw sa bayan ay gagawin mo. Bakit kasi ayaw mo ng luto ni Nana Ason?" Tukoy nito sa kusinera nila sa mansiyon.
Umiling siya. Bagay na pinagsisihan niya dahil nakaramdam siya ng bahagyang pagkahilo. Kagat-labing nahilot niya ang noo. Kaya pa naman niyang lumabas, basta kasama ang kaibigan.
"'Yong lasa ng lugaw sa bayan ang gusto ko. Ang mabuti pa ay umalis na tayo habang wala pa sina Mama."
Bumaba na rin siya sa kama kapagkuwan. Pero hindi niya magawang tumayo. Nanlalambot pa rin ang pakiramdam niya. Napabuntong-hininga siya bago muling tiningnan si Gray na tumayo na rin.
"Ibili na lang kaya kita para hindi mo na kailangan pang tumakas?"
"Hindi na mainit kapag dinala mo rito."
"Puwede namang initin sa microwave oven."
"Hindi na fresh 'yong init niya kapag ni-reheat mo lang sa oven."
"Ang babaeng hindi nauubusan ng dahilan," pakli pa nito sa sinabi niya.
Naglakad si Gray papunta sa harapan ni Sanria. Pagkuwan ay bahagyang nag-squat.
"Anong ginagawa mo?" sa pagtataka ay tanong niya.
Tinapik ni Gray ang balikat nito. "'Yong hitsura mo daig pa ang lantang gulay. So, I wonder kung makakalakad at takbo ka ng mabilis palabas ng mansiyon. Kaya ipi-piggy back ride kita para mas mabilis tayong makaalis. Sumakay ka na para makaalis na tayo."
Unti-unting sumilay ang ngiti sa labi niya. Kahit na labag sa loob ni Gray ang pagtakas nilang iyon ay nagpapasalamat pa rin siya dahil pinagbigyan siya nito. Kailan ba siya nito pinahindian?
"Sige," aniya na lumapit sa likuran nito. Kasabay ng pagsakay niya roon ay ang pagtayo naman ni Gray.
"Tss. Ang gaan mo masyado, Sanria. Kailangan kumain ka ng marami mamaya para naman sulit ang pagtakas mo. Payat ka na nga lalo ka pang pumayat."
"I will..."
Malaya niyang ipinulupot ang kamay sa may leeg nito para hindi siya malaglag. Nang makalabas ng silid niya ay daig pa nila ang magnanakaw na pasilip-silip sa dinaraanan sa takot na may makakita sa kanila. Salamat sa Diyos dahil walang tao ng makarating sila sa may grand staircase ng mansiyon.
Nang makababa sa hagdanan ay mabilis ang mga hakbang na hinayon ni Gray ang palabas ng entrada ng mansiyon. Napahinto pa ito sa paglalakad nang makitang palapit ang isang kawaksi.
"Shit," ani Gray na mabilis nagkubli sa isang poste na malapit sa pinto.
"Wala na," bulong niya mayamaya rito nang makitang dumiretso na papunta sa kusina ang kawaksi. Hindi niya maiwasang kabahan dahil malilintikan sila kapag nahuli silang tumatakas.
Nang makalabas sila ng tuluyan sa mansiyon ay isinakay agad siya ni Gray sa kotse nito. Nang maikabit sa kanya ang seatbelt ay agad na rin itong sumakay at mabilis na pinasibad ang kotse.
Saka lang siya nakahinga ng maluwag ng makalabas sila ng Hacienda. Nang magkatinginan pa sila ni Gray ay parehas pa silang nagkatawanan.
Hindi iyon ang unang pagkakataon na itinakas siya nito sa Hacienda. Pero napakatagal na nang huli nila iyong gawin.
Panganay siya sa kanilang tatlong magkakapatid. Ang ama niya na si Sanji ay siyang namamahala sa buong Hacienda Marquez. Ang ina naman niya na si Anria ay ang siyang tumatayong resident nurse sa Hacienda. At ng araw nga na iyon ay magkasama ang kanyang mga magulang para sa monthly check-up na buwan-buwan ay isinasagawa para sa mga tauhan ng hacienda at pamilya ng mga ito.
Ang dalawa naman niyang nakababatang kapatid ay parehas nasa school ngayon. Katulad niya ay bahay-eskuwelahan lang din ang mga ito. Hindi sila katulad ng ibang estudyante na nakakapunta pa sa ibang lugar, dahil paglabas pa lang nila sa school ay naroon na agad ang sundo nila. Kung may puntahan man sila for school project ay kasama rin nila ang personal maid nila para samahan sila.
Pagdating sa seguridad nila ay may kahigpitan ang kanilang ama dahil ayaw na ayaw nito na mapapahamak sila. Lalo na at kaliwa't kanan ang issue ng rape at murder ngayon.
Kaya thankful siya dahil may isang Gray Samaniego sa buhay niya. Ito lang din ang pinagkakatiwalaan ng ama niya. Kapag wala si Gray, isang himala kung payagan siya ng ama na lumabas ng Hacienda.
Bata pa lang siya ay si Gray na ang kasama niya. Matanda ito sa kanya ng tatlong taon pero hindi iyon naging hadlang para maging malapit sila sa isa't isa. Noong wala pa kasi sa mundo ang mga kapatid niya ay silang dalawa na ang magkasama at magkalaro. Magkasama sa kalokohan at kakulitan. Sabi nga ng iba ay daig pa nila ang totoong magkapatid.
May ngiti pa rin sa labi niyang bahagyang nanunuyo dulot ng sama ng pakiramdam. Saka na niya iisipin ang galit ng ama. Ang mahalaga lang ngayon ay makakain siya ng lugaw.
BINABASA MO ANG
A Princess In Disguise 2: A Princess Promise
Fiksi RemajaLumaki si Sanria na halos si Gray ang palaging nakakasama kaya daig pa nila ang magkapatid kung ituring ang isa't isa. Si Gray rin ang tumatayong protector ni Sanria kaya halos nakadepende ang dalaga rito sa lahat ng bagay. Kapag isinasama si Sanria...