"STILL mad at me?"
Mula sa isdang pinapakain sa fishpond ay sandali niyang sinulyapan si Gray na palapit sa kanya bago muling ibinalik sa hindi magkandaugagang mga isda ang tingin. Mas nauna siyang nagising dito. Matapos ayusin ang sarili ay doon siya sa may fishpond humantong. Mukha ring tulog pa ang iba nilang kasama.
"'Wag mo akong kausapin. Friendship over na tayo."
"Okay," walang gatol nitong sang-ayon.
At talagang hindi man lang ito kumontra na friendship over na sila? Naiimposiblehang hinarap niya si Gray. "At okay lang talaga sa iyo?"
Nagkibit ito ng balikat. "Kung 'yon ang gusto mo, wala naman akong magagawa, eh," kaswal pa nitong sabi.
Pinaningkitan tuloy niya ito ng mga mata. "Fine. Simula sa araw na ito, F.O. na tayo." Tiim ang labi na ibinaling niya ang tingin sa mga isda. Isinaboy na niya sa tubig ang natitirang pagkain na hawak niya. Naiinis siya sa madaling pag sang-ayon ni Gray na friendship over na sila. Kailan ba kasi babalik ang lahat ng alaala nito? Hindi na siya natutuwa.
Pakiramdam niya ay lalong nanganganib ang puso niya rito.
"Wala ng bawian," sabi pa nito.
"Oo kaya magpakasaya ka na," aniya na hindi na ito pinansin pa.
Hanggang sa sumapit ang pag-uwi nila ay hindi pa rin niya pinapansin si Gray na hindi naman umalis sa tabi niya. Naging kaswal lang din ang pakikitungo nito sa mga kasama nila. Lalo na kay Alonica.
"Sanria, sa akin ka na sumabay."
Napatingin si Sanria kay Alonica na nilapitan siya habang inilalagay sa compartment ng Audi ni Gray ang gamit niya.
"Pero sabay kami ni Gray pag-uwi."
"I know. Sa akin ka na sumabay. Gusto rin kitang makausap."
Nang lumapit sa kanila si Gray ay ipinagpaalam din siya ni Alonica rito.
"May pag-uusapan lang kami ni Sanria kaya sa akin na muna siya sasabay pag-uwi. Don't worry, safe naman akong mag-drive ng kotse," nginitian pa nito si Gray.
Binalingan siya ni Gray. "Ikaw ang magdesisyon, Sanria."
Sa isip ay nairapan niya ito. Hindi man lang kinontra ang request ni Alonica.
"Okay," pagpayag na rin niya sa gusto nito.
Hindi na siya nag-abala pang kunin ang mga gamit sa sasakyan ni Gray nang sumunod siya kay Alonica papunta sa kotse nito. Sa may passenger side siya sumakay.
Nang isa-isa ng mag-alisan ang mga sasakyan ng mga kasamahan nila ay sandali munang nagpaalam sa kanya si Alonica na may nakalimutan sa suite nito.
"Madali lang ako," sabi pa nito na nagmamadaling bumalik sa hotel
Natanawan pa niya ang kotse ni Gray na nahuling umalis. Napabuntong-hininga siya. "Bakit hindi man lang siya kumontra na friendship over na kami? Hindi man lang ba niya na-appreciate 'yong pinagsamahan namin ngayon?" Malungkot tuloy na napatingin siya sa labas ng bintana. Hindi katulad ni Gray noon na hindi gugustuhin na matapos ang pagkakaibigan nila ng ganoon na lang.
Halos sampung minuto ang lumipas bago nakabalik si Alonica. "I'm sorry for keeping you waiting, Sanria. Nahirapan akong hanapin 'yong kapares ng hikaw ko. Hindi ko basta puwedeng balewalain na lang 'yon dahil sobrang mahal ng bili ni mommy sa hikaw ko. Let's go," paliwanag pa nito bago in-start na ang kotse nito.
"Bakit gusto mo akong kausapin?" ungkat na niya habang daan. Hindi na kasi muli pang nagsalita si Alonica habang nabyahe sila.
"Ano'ng score, between you and Gray?" walang pasakalye nitong tanong. Saglit siya nitong sinulyapan bago ibinalik sa daan ang tingin. Napatawa ito. "Don't get me wrong, Sanria. I'm just being frank here."
BINABASA MO ANG
A Princess In Disguise 2: A Princess Promise
Teen FictionLumaki si Sanria na halos si Gray ang palaging nakakasama kaya daig pa nila ang magkapatid kung ituring ang isa't isa. Si Gray rin ang tumatayong protector ni Sanria kaya halos nakadepende ang dalaga rito sa lahat ng bagay. Kapag isinasama si Sanria...