J E N N I E
Ako na siguro ang pinakamasayang tao sa buong mundo. Hindi lang isang kundi dalawa, dalawang beses akong ikakasal sa iisang tao, kay Lisa. Sa pagkakataong ito, sigurado ako na hinding-hindi na kami magkakahiwalay pa.
Bago kami umuwi rito sa Thailand nagtungo muna kami sa America para muling patingnan ang lagay ng puso niya. At magandang balita na bumuti naman daw ito. Naisip ko, siguro hiniling ni Chaeng na bumalik na sa normal ang health condition ni Lisa. Alam niyo naman napakabuting tao niyon, siguradong malakas siya sa itaas. Napatawad ko na rin ang sarili sa nangyari. Tama nga si Lisa, gumaan ang pakiramdam ko pagkatapos ng lahat. 'Yon nga lang, may kulang pa rin, si Jisoo Unnie. Sa kabila ng mga nangyari umaasa pa rin ako na mapapatawad niya ako. Kung hindi man ngayon alam kong magtatagpo ulit kaming dalawa.
Beach wedding, normal na seremonya para sa espesyal na araw para sa aming dalawa at syempre pati na rin kay Rj. Nandito ang family ko at ang family ni Lisa. Pati na rin ang malalapit naming kaibigan. Mas mukha pa nga 'tong outing kaysa kasal. Kasi naman 'yung mga suot namin parang maliligo lang sa beach. Pero syempre katulad ng gusto ni Chaeng, bumabaha ng pagkain. At hindi ako makapaniwalang sa rami ng pinagdaanan namin end game pa rin namin ang isa't isa. Naghiwalay, nagkita, naghiwalay ulit hanggang sa nawalan na ako ng alaala pero sa kanya pa rin ako bumabalik. Totoo ngang nakalilimot ang isipan ngunit hindi ang puso. At kung sakaling magkahiwalay man kayo palaging gumagawa ng paraan ang tadhana para muli kayong magtagpo. Gaano man ito itanggi ng ating isipan hindi makapagsisinungaling ang ating mga mata sa tunay nating nararamdaman.
(Ang korni. Kinikilabutan ako. Hahahaha.)
Bumalik lahat ng mga pinagdaanan namin habang naglalakad akong papalapit sa kanya. Nakangiti lamang siya. Kitang-kita ko ang saya at kakontentuhan sa mga mata niya. Katabi niya sa gilid si Rj na halos hindi na mapakali sa puwesto niya. Ganito ba talaga ka-atat ang batang 'to? Ngiting-ngiti siya na kulang na lamang ay sabihin niyang, "Mama bilisan mo naman sa paglalakad. Ngalay na ngalay na kami ni Mama Lisa rito oh." Napakaswerte ko sa anak ko, matalino, manang-mana sa akin. Mabuting bata, nakikinig sa magulang. Alam niyo 'yung batang papangaraping maging anak ng sinumang nanay. Hindi ako puwedeng umiyak. Noong unang beses na nakita ko siya, nakaramdam agad ako ng kakaibang pintig. Sabi nga ng mga matatanda lukso raw ng dugo. Sinong mag-aakalang anak ko pala ang nawawalang bata na 'to.
(Gaano kaya kalayo ang dulo nito? Parang lahat na lang naalala ni Jennie pero hindi pa rin siya nakakarating kay Lisa. HAHAHA.)
Hinding-hindi ko sasayangin ang ikalawang buhay na binigay ni Chaeng.
Kung nasaan ka man ngayon, Hubby sana kumakain ka. Hahaha. Alam ko namang lagi kang gutom. Kidding. Pero salamat, salamat sa lahat ng sakripsiyong ginawa mo para sa amin. Simula pa sa umpisa hindi ka nawala. Hindi mo ipinaramdam na hindi kami mahalaga. Salamat sa lahat ng pagmamahal at pag-unawa. Kung nasaan ka man, kahit alam naman naming sa langit ka mapupunta sana masaya ka riyan. 'Wag ka nang mag-alala sa amin dito, magiging masaya kami para sa isa't isa at para sa 'yo. Gabayan mo lang kami ha? At itong mga pagkain dito? Para sa 'yo 'to, makikain ka na lamang. Bawal magbalot. Mahal na mahal kita, Park Chaeyoung.
At sa hinaba-haba raw ng prusisyon sa simbahan pa rin ang tuloy. Syempre iba ang sa akin. At sa hinaba-haba ng nilakad ko kay Lisa pa rin ang bagsak. Parang walang-wala na akong choice. Nagbibiro lang ako. Ngiting-ngiti siya habang hinihintay ako. Ang hirap pala kapag beach wedding tapos walang sapin ang paa mo. Ang sakit ng buhanging humahalik sa talampakan ko. Parang gusto ko nang tumakbo papalapit kay Lisa.
"Napakaganda mo," sabi ni Lisa bago hinawakan ang mga kamay ko.
Tinitigan ko siya sa mga mata niya, "Mas maganda ka, 'wag kang patatalo." At pareho kaming humagalpak ng tawa.
"Ako ang pinakamaganda," sabi ni Rj at kaagad naman kaming sumang-ayon.
"Simulan na natin," sabi ni Judge habang nakangiti.
"Hindi niyo man lang ba ako hihintayin?" sigaw ng pamilyar ng boses.
"Jisoo Unnie?!"
Lumapit siya sa amin at bigla niya kaming niyakap.
"I'm sorry, natagalan ako."
"Sorry din, Unnie. Alam kong kasa-"
"Tapos na 'yon, Jendeuk," bumitaw siya sa pagkakayakap at tumingin kay Judge.
"May I?" sabi ni Unnie at sumang-ayon naman ito.
"Hello, visitors."
Nagsigawan ang mga bisita namin, bakas ang saya sa kanilang mga mata. Umalis na rin sa tabi namin si Rj ay sinalubong niya si Jiro.
"Wag kang iiyak," bulong ni Lisa.
Baliw talaga.
"Hindi 'no," sagot ko sabay sampal nang mahina sa braso niya.
"May hinanda ba kayong vows para sa isa't isa?" Pagsisimula ni Unnie.
Pinaghahandaan ba talaga 'yon? Napatawa ako nang payak.
"Syempre naman, Unnie," sagot ni Lisa at inilabas niya ang kapirasong papel na nakatupi.
"Wow! Palagi talagang handa itong aking manok," at nagtawanan kaming lahat.
"Jennie," hinawakan niya ang kamay ko bago nag-umpisa.
"Ni sa panaginip ay hindi ko naisip na muli kitang makakasama. Noong inakala kong wala ka na, ilang beses kong pinagtangkaang bawiin ang sarili kong buhay. Alam kong mali pero nawalan na ako ng ganang magpatuloy. Salamat na lamang at nariyan sa tabi ko si Rj, Jisoo Unnie at si Chaeng. Utang ko sa kanya ang ikalawang pagkakataong ito," sandali siyang tumigil at nagpahid ng luha.
"Kung naririnig mo ako riyan sa itaas, Chaeng. Mahal na mahal kita! Salamat!" Napansin kong nagpahid din ng luha si Jisoo Unnie.
"Ituloy mo na 'yan, Lisa. Mag-iiyakan na lang ba tayo rito?"
"Marami na tayong pinagdaanan at heto tayo, nandito. Mukhang hindi ko na kailangan nito," itinupi niya ang papel at ibinalik sa bulsa niya.
"Jennie, alam ng Diyos, alam nilang lahat kung gaano kita kamahal," hinawakan niya ang magkabila kong pisngi at pinahiran ang mga luha ko. Hindi ko namamalayang umiiyak na pala ako.
"Mahal na mahal na mahal kita at hindi ko na nakikita ang kinabukasan na hindi kita kasama," hinawakan ko rin ang magkabila niyang pisngi at pinahiran ang mga luha niya.
"Mahal na mahal na mahal din kita, Lisa. Ipinangangako kong magiging masaya tayo sa bawat araw na daraan. Ikaw, ako, ang anak natin. Babawiin natin lahat ng pagkakataong naging madamot sa atin ang tadhana," marahan ko siyang hinalikan sa labi.
"Tama na 'yan, love birds. Gutom na gutom na kami, oh." Kahit kailan talaga itong manok na 'to, oo.
Mabilis naming isunuot ang bagong singsing na binili ni Lisa at nagpalakpakan ang mga bisita.
Tumingin ako sa mga magulang namin at nginitian nila kami.
"Cheers para sa bagong sakal este bagong kasal," sabi ni Unnie at itinaas niya wine glass na hawak niya at ininom ito.
Naglakad na kami pabalik sa table namin para makapagkuwentuhan. Nag-umpisa na ring mag-swimming ang mga bista. Sabi sa inyo, outing 'to e. Pinabantayan ko kay Jiro si Rj, mukhang miss na miss nila ang isa't isa.
"So?" Lumapit sa amin si Jisoo unnie.
"Anong so ka riyang manok ka?!" Kinabig ni Lisa si Unnie at niyakap niya ito.
"Miss na miss kita. Bakit kasi ngayon ka lang?" Mlay halong pagtatampong turan ni Lisa.
Ang saya nilang pagmasdan.
"Thank you, Hubby." Bulong ko bago nakiyakap sa kanila.
Maraming pagkakataong susubukan tayo ng tadhana. Paniniwala, tiwala at pagmamahal. Maaaring bawiin sa atin ang mga taong higit na minamahal at pinahahalagahan natin pero hindi ibig sabihin niyon ay hihinto na tayo. Magtiwala lang tayo sa proseso.