36

2.3K 103 9
                                    

36

"Sahod mo."

Nagniningning ang kanyang mga mata habang kinukuha mula sa kamay ni Jane ang kulay brown na sobre. "First time mo bang magsahod?" Napansin ni Jane ang kakaibang saya sa kanyang mukha.

Tumango-tango naman siya, binuksan niya ang laman ng sobre. Alam niyang kakarampot lang iyon pero iba ang sayang nararamdaman dahil sa wakas may sarili na siyang pera.

"Ah, oo nga pala. Naghahanap ka nang malilipatan di ba?"

Itinago niya ang sobre sa bulsa ng kanyang pantalon, "Opo."

Nagsalita naman si Jane, "Lilipat na kasi ako sa isang apartment, pero hindi ko pa masasabi kung kailan ako eksaktong lilipat doon. Interesado ka bang maging roommate ako?"

"Oo, okay lang po ba?"

"Oo naman."

Bigla namang may isang tanong ang sumagi sa isip niya, "Ma'am Jane, bakit po kayo lilipat?"

Napansin niya ang paglungkot ng mata ni Jane, "Wag mo munang ipagsasabi sa iba hah?" Humalukipkip siya at sumandal sa may lababo. "Nakahanap na kasi ako nang mas magandang trabaho, department manager sa isang hotel. Nasa transition process pa kasi ako kaya hindi pa ako tuluyang nakakalipat doon."

"Wow, magandang opportunity yan. Bakit ka naman malungkot?" tanong niya ulit.

"Nalulungkot lang ako dahil mamimiss ko ang mga tauhan ko rito sa café. Kayo."

Nakaramdam ng lungkot si Kandisse, iba nga naman kasi ang pakiramdam niya sa kanyang mga katrabaho. Mababait sila at responsable, hindi kailanman naging sakit ng ulo kay Jane.

"Huwag mo sanang mababanggit ito sa kanila ha? Ayoko kasing maging malungkot ang lahat." Tinapik ni Jane ang kanyang balikat bago lumabas sa may kusina.

Naging maganda naman ang takbo ng kanyang araw, sa katunayan ay alas kwatro ng hapon ay nagpaalam muli siyang maagang aalis sa trabaho dahil kailangan niyang bumili ng regalo para sa house blessing party o housewarming party ni Irina at ng kanyang mapapangasawa.

Hindi na siya umuwi pa ng bahay, kaagad siyang pumunta sa isang malapit na mall upang maghanap nang ireregalo. Di niya maiwasang mapangiwi na sa tuwing may ideya na siya kung anong bibilhin ay napakamahal naman.

Pagod na ang kanyang mga paa at wala pa rin siyang mahanap na regalo sa mall. Naisip nga niya ay iyong cooking utensils pero siguradong may magbibigay na ng mga ganun.

Dalawang oras na siyang paikot-ikot sa mall, nagugutom na rin siya pero hindi siya kumain dahil makakakain naman siya mamaya sa housewarming party.

Lumabas na siya ng mall at naglakad-lakad baka sakaling may mahanap. She wants something unique. Pumunta muna siya sa may palengke upang makabili nang maiinom.

Habang naglalakad siya at bitbit ang kanyang malamig na gulaman ay natigil siya sa tapat ng isang garden center.

Unti-unti naman siyang napangiti at kaagad na pumasok sa loob ng garden center. Manghang – mangha siya sa lugar, all green and other earthly colors.

Isang matandang babae ang lumapit sa kanya.

"Good afternoon! How may I help you?" Bakas ang hirap sa pagsasalita ng Ingles ang ginang, kapansin-pansin naman kasi ang kanyang banyagang hitsura.

"Magandang hapon po!" Bati naman niya at nakahinga nang maluwag ang ginang dahil sa nakakaintindi at nakakapagsalita siya ng Tagalog.

Ngumiti ang ginang, "Ano iyong hanap nila?"

Just Like Twin FlamesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon