"Astra, saan ka ba kasi pupunta?"
Iritado kong nilingon ang kakambal kong nakabuntot sa akin pababa sa bulwagan ng aming palasyo. "Paulit-ulit? Makikipagkita nga lang ako sa kaibigan ko!"
He eyed me suspiciously. "Kay Steffy?"
Suminghap ako at pagod siyang tiningnan. "Bakit ba ang dami mong tanong? Sumama ka pa kung gusto mo!" nauubos ang pasensyang sabi ko.
Sinuot ko na ang dalang backpack kung saan pinagkasya ko ang lahat ng kakailanganin ko mamaya at ipinusod ang maikli kong buhok. Huminto ako sa paglalakad upang harapin ang kapatid ko. "Ano ba, Sage? Bakit ba sunod ka nang sunod? Sasama ka ba o hindi?"
Humalukipkip siya at matalim akong tiningnan. "Hindi kita titigilan hangga't hindi mo sinasabi sa akin ang totoo, Astra."
Nalilito ko siyang tiningnan. "Anong totoo? Ano bang hindi mo maintindihan sa 'makikipagkita lang ako sa kaibigan ko'? Kailangan bang ipaliwanag ko pa ang bawat detalye para mapatunayang nagsasabi ako ng totoo?"
Napasinghap siya sa sinabi ko. "Huwag ka na lang kasing umalis! Wala akong kasama mamaya! Ayaw mo bang makita ang pamangkin natin?"
Hindi ko na napigilan ang pag-irap nang mapagtanto kung anong ipinuputok ng butsi ni Sage. Nanganak na kasi si Ate Callista, ang nakatatandang kapatid namin, at mamaya gaganapin ang binyagan. Dito sa aming rehiyon, kasama sa tradisyon ang pagbibinyag ng mga sanggol bilang pagpupugay sa namayapang Emperor ng Galaxias na ipinanganak din sa Nephos.
Ang mga sanggol ay binebendisyunan ng Grand Prince at pinapatungan ng sagradong espada ng Nephos sa ibabaw ng ulo. Sabi sa alamat ay isa raw itong paraan upang mapalayas ang masasamang espiritu ng engkanto sa katawan ng bata at mapanatiling busilak ang kanyang puso hanggang sa paglaki.
"Nagpaalam na ako kay Ate Callista, Sage. Pinayagan niya ako at sinabi niyang humabol na lang ako sa maliit na salo-salong gaganapin mamayang gabi rito," napapagod na paliwanag ko.
Nagtagal ang tingin niya sa akin na tila ba sinusubukan niya pa ring hulihin kung gumagawa lang ba ako ng kuwento. Taas-noo kong nilabanan ang intensidad ng tingin niya dahil sigurado akong malinis ang konsensiya ko ngayon.
Noon pa man ay nahihirapan na talaga akong magsinungaling sa kakambal ko dahil kilalang-kilala niya talaga ang ugali ko. Alam na alam niya kung kailan ako nagsisinungaling kaya hindi niya ako titigilan hangga't hindi niya ako napapaamin. Wala ring point kung hindi ko sasabihin sa kanya ang totoo dahil kahit anong dahilan at palusot ko ay mahahanapan niya ito ng butas.
Sa huli ay napabuntong-hininga siya at sumuko na. "Bumalik ka na lang dito nang maaga. Huwag kang magpapaabot ng gabi dahil malilintikan ka talaga sa akin," bilin niya. "May pasok tayo bukas kaya huwag kang magpapagabi masyado kung ayaw mong ako ang sumundo sa'yo roon sa pupuntahan mo."
Napapalunok akong tumango. Kinurot ko ang kanyang pisngi bago pumihit na paalis. Inilabas ko ang aking pakpak at lumipad na palabas ng palasyo. Pagkababa ko sa mataas na puno kung saan nakapatong ang aming palasyo ay mabilis kong nilipad ang daan sa gitna ng malaking hardin namin. Pinagbuksan naman agad ako ng gate ng mga guwardiya bago sumaludo sa akin. Nagpasalamat ako sa kanila bago tumungo na sa daan patungong istasyon ng tren.
Pagkalabas ko sa malaking arko ng Camp Nephos ay tumapak na ako sa lupa. Unti-unting sumilay ang isang matamis na ngiti sa aking labi habang pinagmamasdan ang kagandahan ng mundo sa labas ng aming santuwaryo. Patakbo akong naglakad sa kapatagan habang nakatingala sa bughaw na kalangitang napupuno ng puting ulap na mayroong iba't ibang anyo.
Lumipat ang tingin ko sa malaking palasyo ng Galaxias at dahan-dahang napahinto sa paglalakad. Ipinilig ko ang aking ulo at muling nilabas ang aking pakpak upang liparin ang distansya patungong istasyon ng tren. Sumakay ako sa Galaxias Express at umupo sa pinakadulong upuan. Sinuot ko ang dalang itim na sumbrero at sunglasses upang itago ang naiibang kulay ng aking mga mata.
BINABASA MO ANG
Nexus Academy: The Enchanted Home
Fantasy[#Wattys2022 winner in the Fantasy category with a special award of "Pinakanakaeengganyong Mundo"] GALAXIAS SERIES # 3: CAMP NEPHOS - "Hogar de los Encantados" Nexus Academy, one of the four top schools of Kingdom Galaxias, is considered the home fo...