ACKL 2

228 10 0
                                    

RANDALL'S POV

"Nandito na tayo!" Pasigaw na sambit ng bunso kong kapatid na lalaki.

Palihim akong ngumiti habang hinihintay ang driver na iparada ang habal-habal. Isang pampasaherong motorsiklo na syang sinasakyan namin papuntang lungsod. Maliblib ang lugar namin kaya ang pagsakay nito ay mas mainam para makapunta ng bayan sa gayong walang ibang pampasaherong sasakyan sa amin.

Pinarada ni Manong ang motorsiklo malapit sa isang panaderya kong saan nakatambay ang ibang driver ng pampasaherong sasakyan. Naunang bumaba ang Mama ko na nasa huli umupo. Sumunod ako at si Noah. Habang nagbabayad si Mama ay hawak ko ang kamay ng kapatid kong kanina pa palinga-linga.

Madalang kaming gumawi rito kaya hindi ako magtataka kung ganito nalang sya kasaya makita ang mga bagay na hindi nya makita sa lugar namin. Ang iba't ibang klase ng sasakyan, mga gusali, mga naglalako ng pagkain at abalang kalsada.

"Sana pala nagdala tayo ng payong, ang init," ipinatong ko ang kanang palad ko sa ulo ni Noah.

"Dyan lang naman tayo sa tapat," tinuro ni Mama ang isang grocery store. "Uuwi rin agad tayo," sambit ni Mama habang palipat lipat ang mata sa magkabilang parti ng haywey para tumawid.

Sabado ngayon, araw na bumibili kami ng mga paninda para sa munti naming tindahan sa Rizal.

"Kuya ano po 'yun?"

Binaling ko ang tingin sa isang tatlong palapag na gusali. May nakasulat sa tuktok nito 'Villa'. Baka iyon ang pangalan ng may-ari ng building. At halatang bagong tayo lang ito.

"Tara sa loob," inabot ni Mama sa akin ang dalawang basket.

Ngumiwi si Noah ng hindi ko masagot ang tanong nya. "Saka ko na sasabihin kung ano, hindi pa ako nakapasok do'n e," inakbayan ko sya.

Pumasok na kami sa grocery store, nilagay ko lahat ng nakalista sa listahan sa basket. Junkfoods, mga kendi, mga dilata, noodles, ilang inumin, at iba pa.

Naglakad kami patungo sa kahera para magbayad ng mga pinamili. Ngumiti sa akin ang kahira kaya nginitian ko rin sya. Ibinalik pa nito ang ilang hibla ng buhok nya sa likod ng tainga.

"Pasyal tayo!" Excited na usal ni bunso na agad din nabura.

"Wala tayong pera, uuwi na tayo," ani Mama saka may tinawag na isang driver. Sa kabilang kalsada.

"Hayaan mo sa susunod, ipapasyal kita," pangako ko sa kanya para hindi naman sumama ang loob ni Noah.

"Talaga?" Umaliwalas ang mukha nya, nakangiti naman akong tumango sa kanya.

Tinulungan ko si Manong Driver na ikarga ang pinamili namin sa motorsiklo nya. Nilapag ko ang dalawang kahon sa habal-habal ni Manong sa kabilang pakpak na syang naging sidecar nito. Ang magkabilang kahoy sa gilid nito na pwede lagyan ng mga dala ng pasehero o ng pasahero mismo. Huli naming kinarga ay ang isang sakong bigas.

"'Ma bili lang ako ng tinapay, ang pangit umuwi ng walang pasalubong," akmang hahakbang na ako.

"Ito ibili mo," inabot nya sa akin ang 50 pesos.

"May dala akong pera, dagdag nyo nalang 'yan sa pamasahe," dinungaw ko si Noah, inabot ko sa kanya ang kamay ko. "Sama ka?" Tinanggap nya 'yun

Pinili ko iyong tinapay na tingin ko'y magugustuhan ng kuya, kapatid at papa ko.

"Kuya ito," tinuro nito ang isang cupcake na may kung anong nakalagay sa ibabaw nito. "Mukhang masarap."

"Miss, dagdagan mo ng isa nito. Pakilagay sa maliit na paperbag pwede?"

Ang Crush Kong LoadingWhere stories live. Discover now