Damien
"Damien, sa section mo pala si Louise." Agad akong tumango bilang sagot. Ibinaba ko ang backpack ko sa may Usher's table at hinanap sila Louise.
Napalunok ako nang makita itong nakangiti habang kausap ang mga attendees. Lumapit ako at nag-aalangan na binulungan siya.
"Sa section B ka, gitna nalang kita ah." Mabilis kong inalis ang kamay kong nakapatong na pala sa balikat niya. Napakamot tuloy ako sa ulo ko at pumanik sa likuran para mag-ikot.
Nakita kong mabilis na kinuha ni Louise ang gamit nito at nilagay sa section ko, sa may bandang gitna. Doon rin siya tumayo at inasikaso ang mga attendees na nagsisidatingan. Napangiti ako sa kasungitan nito.
Ilang buwan na kaming magkakilala pero hindi pa rin kami gaano ka-close. Sinusubukan ko naman pero parang sobrang ilap niya sa 'kin. May nagawa ba 'ko sa kanya?
Hindi ako makapakali sa kinakatayuan ko sa tuwing nasa 'kin na naman siya naka-assign. Palagi akong pumunta sa kanila para mag-remind pero minsan gusto ko lang naman talaga siyang puntahan kahit na tango lang naman ang palaging sinasagot niya.
'Tss.. Parang tanga lang.'
Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Gusto ko na lagi siyang nakikita. Parang satisfaction na ata ang makita siya, sulit na araw mo bro. Gusto ko siyang kulitin. Gusto ko siyang asarin. Gusto ko siyang makausap at higit sa lahat gusto ko siyang makilala pero ayaw niya akong hayaan.
Isang taon niya akong hindi masyadong pinapansin. Naiinggit tuloy ako minsan, kapag sa iba kasi kinakusap naman niya? pero kapag ako, olats na? Awit naman.
Halos tawagin ko lahat ng santo para lang pasalamatan dahil pinansin niya na rin ako sa wakas at mas nakakagulat pa nga 'yung bigla siyang tumawa sa 'kin kahit inasar ko siya bro. Hindi ko mapigilang mapangiti ng sobra at tinago iyon sa malakas kong pagtawa sa kanya.
Solid ng ugali bro. Nakakatuwa pala siyang kausap.
"Ang ganda mo," Mabilis na sinabi ko matapos guluhin ang buhok niya at naunang maglakad dahil sa hiya. Ang tapang ko ron bro ah. Bigla akong napailing at natawa sa sarili ko.
Paikot-ikot kami sa Mall noon at napansin kong pagod na siya. Bigla akong nahiya dahil mas babae pa ako sa kanya kung mag-window shopping ng mga sapatos. Nilapitan ko siya at tumungo dahil nakaupo siya. Tinignan ko siya sa mga mata at tinawanan.
"Gutom kana ba, baho?" Natatawang tanong ko sa kanya habang hindi mapigilang mapangiti dahil nakabusangot na naman siya. Gustong-gusto ko 'yon sa tuwing ginagawa niya. Ang sarap lang kurutin ng pisngi niya sa tuwa. Mukha siyang siopao.
"Merry Christmas, Baho!" And more Christmases with you. Ngumiti ako nang batiin rin niya ako pabalik kasabay ng totoo niyang pagngiti. Buo na ang araw ko.
Gusto ko siyang isabay para sana ihatid sa kanila dahil gabi na rin kaso may sasabay sa 'kin kaya pinanood ko nalang itong umalis. Umirap pa bago umalis na para bang kayang-kaya niyang umuwi mag-isa. Natawa nalang ako at hinarap sila Jane.
"Baho!" Tuwang-tuwa na sabi ko nang makita ko ito. Pumasok ito at lumapit. Kumakain kasi ako habang kumakain siya. Ang tagal nga, dapat sana kasabay ko siyang kumain. Nakapang-uniform pa ito. Nakapalda, white polo, necktie at vest. Ang cute niya talaga, nakabusangot na naman nung nakita ang pogi kong mukha.
Umupo siya sa tapat ko at nilahad ang kamay, Napataas naman ang kilay ko. " Nasaan na regalo ko?" Natawa naman ako. Oo nga pala, nangako ako.
"Mamaya na baho ka." Sabi ko. Pinanood niya lang akong kumain habang nakapangalumbaba siya. Naiilang tuloy ako kaya mabilis kong tinapos ang pagkain.