BIGLANG tumigil ang pag-ikot ng mundo ni Happy habang unti-unting bumabagsak ang katawan sa harap ng madaming tao. Mariin na lang siyang napapikit habang hinihintay na mapasubsob.
"Aray ko!" Ani niya nang tuluyan bumagsak ang katawan niya sa semento.
Napaigik pa siyang lalo ng napagtantong tumama ng malakas ang kanyang tuhod at siko sa lapag. Nagkagulo-gulo din ang kanyang mga gamit kaya kahit hirap gumalaw ay dali-dali niyang inayos ang mga ito.
Tiyak na may sugat siya dahil nakakaramdam siya ng hapdi pero hindi iyon ang nakakuha ng kanyang pansin kundi ang mga naririnig niyang mga bulong-bulungan sa kanyang paligid. Imbes na tulungan siyang makatayo ay narinig niya pang nagtawanan ang mga kapuwa niyang estudyante.
"Ano ka ba naman Happy? Bulag ka ba? Ang tanga-tanga mo talaga kahit kailan." Nang-aasar na sabi ni Jane habang nasa tabi nito ang kanyang dalawa pang kaibigan na si Paula at Sheena. Ilan sila sa mga hinahangaan ng mga kalalakihan dito. Bukod kasi sa mayaman, sikat na sikat din. Madami ding mga estudyanteng ayaw makalaban ang mga ito dahil nga natatakot silang mapahiya. "'Di ka na nagbago, lampa ka pa rin. Lagi na naman akong mabubuwisit dahil makikita na naman kita. Sinisira mo ang araw ko."
Ininda ni Happy ang sakit na naramdaman dahil sa mga sinabi nito. Sa tagal ng panahon na naging magkaklase sila, walang pagkakataon na hindi siya pinahiya ng mga ito. Nasasanay na siya na palaging mainit ang kanilang dugo sa kaniya pero hindi pa rin niya maiwasang masaktan.
"Look how pathetic you are. Nakakahiya ka talaga." Sabat ni Paula habang hinahagod ng tingin ang kanyang kabuoan. "So cheap. Nakikita mo ba 'yang sarili mo sa salamin? Nakakadiri. You're still the ugly fat duckling girl na nakilala namin." Sabay tawa nilang tatlo.
Napailing-iling at natatawa na lang ang ibang nakikiusyoso dahil hindi na bago ito sa kanilang paningin.
Kapagkuwan ay pinilit niyang makatayo kahit nararamdaman niya ang mga matang mapang-insultong nakatingin sa kaniya. Bahagya niyang inayos ang kanyang nagalaw na salamin para hindi ito tuluyang malaglag. Napanghihinaan na naman siya ng loob dahil sa mga binibitawan nilang mga salitang dumudurog sa kanyang puso. Dito siya mahina, hindi siya marunong lumaban mula sa mga nang-aapi sa kaniya kaya palaging siya ang kawawa. Wala naman din siyang laban dahil pagtutulungan lang siya.
Kahit mabigat ang kalooban ay tahimik at mabilis siyang naglakad papunta sa banyo dahil kaunti na lang ay papatak na ang kanyang mga luha. Ayaw niyang nakikita siya ng mga tao sa ganitong sitwasyon dahil alam niyang hindi niya kayang ipagtanggol ang sarili. Hangga't maaari ay ayaw niyang umiyak sa harapan nila at ipakitang bumibigay siya dahil mas lalo silang masisiyahan.
Happy, everything will be okay. Tiwala lang.
Mabilis niyang pinalis ang luha na nalaglag sa kaniyang pisngi at nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.
Napagdesisyunan niya ng pumasok sa kanilang silid. Bawat hakbang ay maingat na maingat siya dahil ayaw na niyang mangyari ang nangyari kanina. Nakakatanggap pa rin siya ng mga mapanghusgang titig kaya wala siyang nagawa kundi ang yumuko na lamang. Sobrang bigat na naman ng pakiramdam niya.
Nang makarating na siya, nakahinga siya ng maluwag nang hindi pa pumapasok ang tatlong laging may inis sa kaniya. Nilibot niya ang kanyang tingin sa kabuoan ng silid. Halos naroon na rin ang mga magiging kaklase niya. Ang iba ay kilala na niya dahil naging kaklase niya na ang mga ito noong nakaraang taon at may mga bagong mukha din naman na halatang nanggaling sa ibang eskuwelahan.
Naglakad si Happy papunta sa bandang likuran. Nakasanayan na niya ang pumuwesto sa hindi gaanong napapansin ng mga kaklase niya para naman kahit papaano ay makaiwas siya sa gulo. Umupo siya sa isa sa mga bakanteng upuan sa sulok dahil sa palagay niya ay dito siya magiging komportable.
Pagkaupo ni Happy ay ngayon lang niya tinignan ang mga sugat na nakuha niya mula sa pagkakadapa kanina. Hindi niya na ito nabigyang-pansin dahil nakapokus siya sa kanyang emosyonal na nararamdaman. Nakita niyang medyo malaki ito dahil nga sa biglaan niyang pagkakabagsak.
"Ano ba naman kasing ginagawa mo Happy? Ayan tuloy nagkasugat ka pa." Pabulong na sabi niya sa kanyang sarili.
Habang pinupunasan at maingat na nililinisan ni Happy ang kanyang sugat, hindi nakatakas sa kanyang pandinig ang kuwentuhan ng dalawang kaklase niyang nasa harapan lang niya. Wala sa sariling pinapakinggan ni Happy kung anong chismis na naman ang dala ng mga ito. Kahit papaano ay hindi naman siya gaanong nahuhuli sa mga balita dahil nga sa mga kaklase niyang laging updated sa kung ano mang nagaganap. Kahit noon pa man ay ganito na sila kaya nasanay na din siya.
"Hoy bes, alam mo na ba?!" Kinikilig na sabi ni Gina
Nagtataka naman siyang binalingan ng kausap niyang si Trina. "Hindi pa bes, kuwento ka dali!" Sabay may paghampas pa sa kanyang armchair.
"Omg, bes! Nalipat daw sa section natin 'yung mga crush nating pinagkakaguluhan dito sa campus. Kinikilig ako! Kailangan magpaganda tayong lalo para mapansin nila tayo. Nakakahiya naman kapag mukha tayong 'di nag-aayos."
Hindi makapaniwalang napatitig si Trina sa kaibigan. "Talaga?! Bakit hindi ko agad nalaman? Shems teka kunin ko lang 'yung salamin ko. Pahiram nga liptint dali!"
Dali-dali naman nitong kinuha ang liptint sa bag. "Ngayon ko lang din nalaman kasi nakita ko sa listahan sa labas kanina. Nandoon 'yung mga pangalan nila! Mukhang exciting 'tong school year na 'to."
Mukhang alam na ni Happy kung sino ang pinag-uusapan nila. Malamang sa malamang ay ang mga lalaking sikat na sikat at pinagkakaguluhan dito sa school. Mga dahilan kung bakit madaming nagtitiliang mga babae tuwing may mga okasyon o aktibidad na ginagawa.
Hindi na lang niya binigyang pansin ang mga narinig niya. Hinintay na lamang niyang lumipas ang oras hanggang sa pumasok na din ang tatlong babaeng kinaiinisan siya na tila nagmamalaking nagtungo sa mga upuan nila.
Mga ilang sandali pa ang lumipas bago dumating ang kanilang guro sa umagang iyon. Napatingin si Happy sa pintuan nang may biglang pumasok na apat na kalalakihang naging sanhi ng pagpula ng mga mukha ng mga babae niyang kaklase.
"Nandito na sila gosh!"
"Kinikilig ako mga mamsh!"
"Sana katabi ko na lang sila!"
Ilan lang ito sa mga salitang narinig ni Happy. Tila nagheheristerikal pa ang iba sa galak.
"Be quiet, Grade 10! We are not in the market." Madiin na sabi ng kanilang guro.
Natahimik ang mga kaklase niya.
Dirediretso namang naglakad ang apat patungo sa likod kung saan din siya nakapuwesto. Saktong apat lang din ang mga bakanteng upuan sa tabi niya kung kaya't wala siyang nagawa nang umupo na ang mga ito.
Napansin ni Happy ang pagbago ng ihip ng hangin. Nang tignan niya kung anong dahilan, nagbaba na lamang siya ng tingin. Ang tatalim kasi ng mga tinging ipinapataw sa kaniya at alam na niya kung bakit.
Sana pala hindi na ako dito pumuwesto. Hayan tuloy pag-iinitan na naman ako.

BINABASA MO ANG
Easily Broken
Teen FictionPeople describe Happy Smile Pascua as an ugly fat duckling girl with big eyeglasses on. Nang dahil sa katangian niyang ito, palagi siyang pinagtitripan at pinagsasabihan ng mga masasakit na salita. Wala siyang kaibigan kaya palagi siyang nag-iisa. ...