HAPPY woke up with a heavy heart. Unang araw na naman kasi ng klase niya sa Golden Bright High School at alam na niya kung anong bubungad sa kanya pagkapasok. Nandiyan na naman ang pangungutya at panglolokong titiisin niya araw-araw.
"Sana naman maging maayos ang unang araw ko sa school ngayon." Pabulong na sabi niya sa kanyang sarili. "Sana maging maayos lang ang lahat."
Kahit ayaw pa man niyang gumalaw ay maingat siyang bumangon mula sa pagkakahiga upang makapag-ayos na ng sarili at maihanda ang mga gagamitin para sa pagpasok sa paaralan. Kailangan pa ring magsikap kahit nahihirapan para makatulong sa magulang. Alam niya kung paano maghirap ang mga ito para sa kanya kaya nangangako siyang susuklian niya ito ng buong pagmamahal.
Hangga't maaari ay gusto niyang makita siya ng mga ito na masaya at maligaya para hindi siya makapagdala ng problema sa kanila. Ayaw niyang nahihirapan ang mga ito dahil nasasaktan siya. Siya na nga lang ang nag-iisang anak ng mga ito kaya kailangang matulungan niya sila kahit sa simpleng paraan man lang.
Sa loob ng dalawang buwang bakasyon niya ay ibinuhos niya ang kanyang oras sa bahay upang tumulong sa mga gawain kasama ang ina. Ang ama naman niya ay todo kung kumayod para sa kanila upang mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Palagi pa itong umuuwing pagod na pagod dahil sa kasipagan sa pagtatrabaho. Kahit magkasakit ito ay pumapasok pa rin para kumita at may maipantustos sa pang-araw-araw.
Ayos lang din kay Happy na sa bahay lang siya. Wala siyang panahon para gumala kung saan-saan dahil una sa lahat ay kailangang magtipid dahil hindi naman sila mayaman at pangalawa, wala naman siyang makakasamang mga kaibigan.
Sa lahat ng masasakit na nangyari sa kanya, parang na-trauma na nga yata siya. Pati yata paglapit sa ibang tao eh natatakot na siya.
"Kakayanin mo 'to Happy. Strong ka 'diba? Alam kong malalampasan mo din 'tong pagsubok na 'to." Pangungumbinsi niya sa kanyang sarili habang nakatingin sa salamin. Nakasuot na siya ng uniform na may mahabang palda at maluwag na damit. Malabo ang kanyang mga mata kung kaya't may suot din siyang salamin na may mataas na grado. 'Di niya ding maiwasang mapatitig sa kanyang katawan na ikinukumpara sa baboy. Habang tinitignan niya ang kanyang kabuoan ay hindi niya maiwasang malungkot dahil ito ang madalas bigyan ng atensiyon. Palagi siyang nakakatanggap ng masasakit na salita na madalas niyang iyakan buong magdamag. Kahit nahihirapan at mabigat ang kalooban ay sinikap pa rin niyang gumuhit ng kahit maliit na ngiti sa kanyang labi nang sa gayon ay maibsan ng kaunti ang kanyang kalungkutan.
Habang naglalakad papuntang kusina upang mag-agahan ay napansin niya ang mga lungkot sa mata ng kanyang mga magulang. Nagtatakang tinitigan niya ang mga ito dahil hindi siya sanay na nagkakaganito sila. Parati kasi silang may mga ngiting nakahanda para sa kanya tuwing umaga na nagpapagaan ng kanyang mabigat na kalooban subalit ngayon, parang may nag-iba.
"Ma, Pa, bakit mukha kayong pinagbagsakan ng langit at lupa?" Natatawang sabi niya.
"Anak, wala ito. Halika na kumain na tayo." Sabi ng kanyang ama na may kasama pang ngiti ngunit hindi nakalampas sa kanya ang lungkot sa mga mata nito.
"Pa, alam kong hindi totoo 'yan. Alam kong may bumabagabag sa inyo kaya kung pupuwede ay sabihin niyo din sa akin para makatulong ako." Sambit niya.
Napilit din niya ang kanyang mga magulang na magkuwento patungkol sa mga dinadala ng mga ito. Kaagad na bumalatay ang lungkot sa kanyang mukha ngunit agad ding napawi nang pinatatag ng kanyang magulang ang loob niya.
"Huwag kang mag-alala anak, gagawan ng paraan ni papa ito okay? Maghahanap ng bagong trabaho si papa para sayo. Malakas ata 'to." Sabay pakita pa ng braso.
"O siya, anak halika na rito at nang makakain ka na. Papasok ka pa man din sa school kaya kailangang madaming laman 'yang tiyan mo." Pagtawag ng kanyang ina.
Lumukot ang mukha ni Happy. "Naku, madadagdagan na naman 'yung timbang ko mama."
Nagtawanan naman ang kanyang magulang.
"Mahal ka pa rin namin anak."
Masayang nag-agahan ang kanyang buong pamilya. Pinaaalahanan siya ng mga ito na laging mag-iingat sa eskuwelahan at magsikap sa pag-aaral para makatapos. Sinabihan din si Happy na maging matapang para hindi binubully na sinasagot naman niya ng tango. Hindi man ganoon kaperpekto ang estado nila sa buhay ngunit masaya pa rin siya basta't sila ay kumpleto at magkakasama.
Pagkatapos kumain ay nagpaalam na siya sa kanyang magulang. Kailangan na din kasi niyang umalis at baka mahuli pa sa klase. Nakakahiya naman kung sa unang araw ng pasukan ay late pa siyang makakarating. Medyo kakaunti lang ang dumadaang trycycle sa kanilang banda kaya kailangan pa niyang maglakad papuntang paradahan ng mga sasakyan.
Nang makasakay na sa loob ng trycycle, lubos-lubos ang kabang nararamdaman ni Happy. Malakas din ang kabog ng kanyang dibdib. Kung ang ibang kaedaran niya ay excited tuwing papasok sa school dahil makikita na nila ulit ang kanilang mga kaibigan, kabaliktaran ito ng sa kaniya. Lagi lang naman kasi siyang nag-iisa at walang nagtatangkang lumapit sa kaniya. Kung ituring siya ay parang may nakakahawa siyang sakit na kailangang layuan.
Kaya ibinubuhos niya ang oras sa pag-aaral dahil sa ganoong pagkakataon, may maganda pa siyang ginagawa. Alam niyang ganoon na naman ang magiging routine niya sa buong taong pag-aaral. Ayaw din niyang sayangin ang scholarship na ibinigay sa kanya dahil napakalaking tulong nito para hindi mamroblema ng sobra-sobra ang mga magulang niya para sa mga bayarin.
Ilang beses pang bumuntong-hininga si Happy bago bumaba ng sasakyan at pinakalma ang sarili habang papasok sa eskuwelahan.
Okay kalma lang Happy, huwag mo silang papansinin
At habang naglalakad siya, nakayuko ang kanyang ulo at mahigpit ang hawak niya sa kanyang mga libro. Parang mawawalan siya ng hininga sa sobrang kaba. Nanlalambot din ang kanyang mga tuhod kaya nahihirapan siyang igalaw at ilakad ng maayos ang kanyang mga paa. Nagpatuloy ang ganitong sitwasyon habang naglalakad siya sa pasilyo kaya naman sa hindi inaasahang pangyayari, bigla siyang nawalan ng balanse.
Ano na naman ba itong kahihiyang ginawa ko?

BINABASA MO ANG
Easily Broken
Teen FictionPeople describe Happy Smile Pascua as an ugly fat duckling girl with big eyeglasses on. Nang dahil sa katangian niyang ito, palagi siyang pinagtitripan at pinagsasabihan ng mga masasakit na salita. Wala siyang kaibigan kaya palagi siyang nag-iisa. ...