Isang gabi, napatitig ako sa isang tabi.
Isang libong ala-ala ang biglang nakita- rumaragasa na para bang gustong mangambala.
Mga ngiti nyo at mga tawa niyo ang biglang nagpakita sa isip ko.
Ang mga kunot na noo at magkasalubong na kilay habang hirap mag-isip ng mga sagot sa exam.
At ang mga ingay at gulo na minsa'y nakakapag-init ng ulo ko kaya kayo'y nai-English ko ng diretso.
Hindi ko inakala na magkakaroon kayo ng espesyal na parte sa puso ko;
Na magiging malaking parte kayo ng buhay ko.
Noong una ay akala ko'y magiging estudyante ko lang kayo
Ngunit muli ay nagkamali pala ako.
Hindi lang pala kayo naging estudyante ko dahil naging mga anak na rin ang turing ko sa inyo.
Nakakatawang isipin na "anak" ang tawag ko sa ilan sa inyo samantalang napakalapit lang ng agwat ng edad natin.
Nakakatawa ring isipin na ang ilan ay naging halos barkada ko dahil sa kwela at saya na nangyayari sa loob ng maikling panahon.
Hindi ko alam kung bakit rumaragasa ang mga salita upang maisulat ko ang tulang ito.
Marahil ay dahil mamimiss ko kayo?
Kayo kaya, mamimiss niyo rin kaya ako?
Maaalala niyo kaya si ma'am na mabilis at diretsong mag-Ingles sa harapan niyo na kahit managalog ay paminsan-minsan pa ay may accent na kahalo?
Maaalala niyo kaya ang mga pag-irap at pagbigkas ko ng katanggang "chaka" tuwing matatawa o maiinis ako sa inyo?
O di naman kaya ay yung mga panahong pinagtitripan natin ang mga mag-e-excuse sa ating klase at sasabihin niyong Ingles lang ang naiintindihan ninyong lengguwahe?
Hindi niyo man ako maalala o makalimutan niyo man ang mga panahong naging parte ako ng inyong buhay sekondarya,
Kayo naman ay hinding-hindi ko malilimutan
Dahil kayo ang mga una kong naging estudyante; ang mga unang bata na bumusog sa aking puso.
Hinding-hindi ko makakalimutan yung mga panahong hihiling ako na kayo'y mag-Ingles
Tapos kahit na baliko, baluktot, at minsan pa'y tumatalbog ang inyong grammar
Ay kiber lang basta't kayong matapos sa harapan.
Nang dahil sa inyo ay mas minahal ko ang kursong dati akala ko'y hindi ko gusto.
Nang dahil sa inyo, ang pagtuturo ay mahal ko na.
Pangako ko sa inyo na muli tayong magkikita at ang tanging hiling ko ay maging maunlad at maayos kayong mga mamamayan.
Nawa ay may naiambag ako sa inyong buhay sekondaryo - 'di lang kabugukan at kakalugan pati na rin sana kaayusan at karunungan.
Paalam mga anak, kapatid, o kung ano man ang inyong turing sa akin. Paalam sa ngayon dahil balang araw, magkikita-kita muli tayo.
