Iba pala talaga 'pag wala kayo
Ibang pakiramdam ang naramdaman ko.
Kung dati'y pagpasok ko ay may babating mga masasayang tinig at masasayang ngiti.
Kanina naman ay isang tahimik at malungkot na silid...
Iba pala talaga 'pag wala kayo.
Iba kapag walang ingay ang pumapailanlang sa apat na sulok ng kwartong ito.
Iba kung wala ang nakakadalang tawanan na namumutawi sa mga labi niyo.
Iba kung wala ang mga anak ko.
Nakakalungkot pala talaga 'pag wala kayo.
Nakakalungkot dahil hindi man lang tayo nabigyang pagkakataon para makapagpaalam ng husto;
Para masabi ko man lang sana ang mga huling mensahe ko para sa inyo...
Para sa Kapayapaan ko, sa mga nagsilbing saya ng puso ko sa taong ito at marahil mananatili sa puso ko hanggang sa huling sandali nito:
Nais kong malaman niyo na naging malaking parte kayo ng buhay ko;
Na hinding-hindi ko kalilimutan ang mga pagkakataong pinagtagpo tayo;
Na hinding-hindi kayo kalilimutan ng puso ko...
May mga pagkakataon mang 'di tayo nagkaintindihan, mas matimbang pa rin ang ating pagmamahalan.
Nawa'y sa susunod nating pagkikita, masilayan ko sanang muli ang mga masasayang ngiti sa inyong mga labi.
Maraming salamat sa aking Kapayapaan.
You made my first advisory job an unforgettable one. 💓