"Mahirap nang labanan mga espada ng orasan. Kung pipilitin lang, lalo lang masasaktan," pumailanlang ang mga letra sa magandang musika ni Moira.
Bakit pa natin kailangang labanan ang mga espada ng orasan kung pwede naman nating sayawan ang pag-ikot at paggalaw nito? Sa ganitong paraan, hindi tayo masasaktan.
"Nangangarap hanggang sa pagbalik... Nangangarap pa rin kahit masakit," patuloy ng kanta sa aking tainga.
Bakit pa natin kailangang pangarapin na bumalik? Bakit pa natin kailangang mangarap at masaktan? Kung sa umpisa pa lamang ay dapat hindi na tayo nasaktan; kung sa umpisa pa lamang ay dapat wala nang umalis nang luhaan?
Hindi na natin kailangang magbakasakaling makita nating muli ang pagsikat ng araw at ang paglipas ng gabi. Dahil hindi naman natin kailangang pilitin na 'di tayo para sa isa't isa dahil ang alam ko ay tayo ang nararapat na magsama. Masakit umasa. Masakit maiwan. Pero mas masakit kung ikaw ang mang-iiwan. Dahil 'di mo alam kung tama ba o mali ang iyong gagawin; kung makabubuti ba ito o makakasama sa dalawang taong nagmamahalan ngunit kailangan muna ng oras na pagitan.
"Malaya na..." At natapos na ang musika na nagdala ng mabigat na pakiramdam sa aking puso't isipan.
Malaya na yung persona sa kanta. Ikaw, malaya ka na rin ba?