Para sa Aking Kapayapaan
ni Cathleen Joy Vicencio Dela Cruz
Isa at anim
Mga isip na di pa kabisado
Mga pusong di pa nakukuha ng husto
Mga labing di pa alam ang sinasabi
Ngunit mga mata'y tunay ang sinasabi
Ang tulang ito ay para sa mga iniibig ko
Para sa mga pusong nais kong makuha ng husto...
Lumipas ang mga araw at nagdaan ang ilang buwan
Ako'y napapaisip kung ako ba'y inyong mahal
Nakakaloko kasi ang tadhana dahil ako'y nabigyang pagkakataon
Upang maging ina ng labing anim na puso
Ngunit di man lang nabigyan ng asignatura at oras para makilala ang mga ito ng husto
Lumipas ang mga at araw at nagdaan ang ilang buwan
Maraming narinig na nakasakit saking puso't isipan
Ang sabi'y puso natin ay 'di malapit
Wala naman akong magawa at ayaw ko namang ipilit
Tanging ginawa na lamang ay ipinaramdam ang aking pagmamahal
Kahit 'di ko alam kung inyo nga bang napansin man lang
Ngunit ngayong araw ay iba
Nawindang ang puso
Ngunit pagpatak ng luha ay pinigilan ng husto
Isang salu-salo ang inihanda para sa espesyal na araw-
Ang araw para sa mga guro, ang inyong mga pangalawang magulang
Ikinagulat na kayo'y naghanda;
Hindi sumagi sa aking isip na inyo palang naalala
Hindi ko rin kasi hinayaang ako'y umasa
Dahil may nakapagsabi sa akin na inyong loob ay malayo sa akin.
Lahat ng sakit na naramdaman noon, mga sakit na itinago kahit na gustong-gusto nitong sumabog
Lahat ng iyon ay napalitan ng tuwa, ng saya
Dahil mga iniibig ko'y ako'y naalala.
Maraming salamat sa araw na ito
Maraming salamat sa pagpaparamdam na ako'y mahal nyo
Hindi niyo alam kung gano kasaya ang puso ko
Basta laging pakatandaan nyo, na kayo ang una at huling mamahalin ko ng ganito
Maraming salamat, 11-Peace!
Mahal na mahal ko kayo
