Malaya Na (2017)

1 1 0
                                        

Kasabay ng paglubog ng araw at pagpapalit ng buwan ang pagkawala ng kung ano man ang nararamdaman.
Ang dating pagmamahal na bumabalot sa puso ko at ang tanging pangalan na isinisigaw ay ikaw at ikaw lamang
Ay ngayon'y naglaho na dahil sa wakas ang puso ay napagod na.

Kung matematika lang ang pag-uusapan, maihahalintulad tayo sa dalawang linyang minsan ay pinagtagpo lamang ngunit 'di na muling magkikita pa.
Magiging dalawang linya na lamang tayong nag-iikutan ngunit kahit anong pagod ng isa para mahanap ang kapareha ay hinding-hindi na matatagpuan pa.
Maaaring naihalintulad tayo dati sa kutsara't tinidor, kape't gatas, o tisa't pisara na kulang o hindi maaaring wala ang isa.
Ngunit ngayon, ibang-iba na.
Marami na ang nagbago sa "mo" at "ko" at doon sa dating "tayo" nating dalawa.
Hindi na tayo tulad ng dati.
Hindi na ako tulad ng dati na isang mensahe mo lang ay gagawa ako ng paraan para magkaoras ka lang.
Hindi na ako tulad ng dati na isang "sorry" mo lang ay pilit kong aalisin ang mga bahid ng luha saking mga pisngi.
Hindi na ako tulad ng dati na puros ikaw lang ang iniintindi; na puros ikaw lang ang mahal.
Dahil ngayon, ako na ang matimbang.
Mas mahal ko na ang sarili ko at mas pinapahalagahan ko na ang "ako".
Kasabay ng paglubog ng araw at pagpapalit ng bagong buwan ang pagsibol ng bagong umaga.
Sa pagkawala ng tinidor sa kutsara, sa pagkaubos ng kape na ihahalo sa gatas, at sa pagkaputol ng tisa na ipapanulat sa pisara, natuto na siya -- yung iniwan at mag-isang umiyak at naghinagpis sa pagkawala ng kapareha -- na hindi lahat ng bagay na makakapagpasaya sa'yo ay paliligayahin lagi ang puso mo;
At hindi lahat ng mahal mo at mahalaga sa'yo ay mananatili sa buhay mo.
Kasabay ng paglubog ng araw at pagpapalit ng bagong buwan ang paglaya ng tuluyan sa pait ng nakaraan.

Screams and TearsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon