Probinsiyana 14

6.4K 351 47
                                    

Tania

"Anong pinagsasasabi ninyo, Lola Celsa?! Anong isa akong sorceress?" gulat kong tanong dahil sa kanyang sinabi.

"Makinig ka sa akin, Tania. Totoo ang sinasabi ko. Matagal na panahon ko na itong itinago sa'yo. Ngunit nararamdaman ko na ang nalalapit na paglusob ng kadiliman, kaya dapat mo nang malaman ang totoo mong pagkatao. Mula ka sa maharlikang angkan ng mga sorcerers. Ikaw si Tania Witchter White!"

Inalis ko ang kamay niyang mahigpit na nakahawak sa balikat ko. Napailing ako at pilit na iwinaksi lahat ng aking narinig. Nahihibang na ba siya?

Malaki ang utang na loob ko kay Lola Celsa dahil siya ang nagpalaki sa akin. Ngunit hindi ko matanggap na kung anu-ano na lang ang gagawin at sasabihin niya mapigilan lamang ako sa pagluwas papuntang Centrus City.

Noong nakaraang linggo kasi ay sinabi ko ang tungkol sa scholarship na aking natanggap at tutol siya sa pagpunta ko sa Centrus upang mag-aral.

"Nahihibang ka na Lola Celsa. Bakit ninyo ito ginagawa sa akin? Walang katotoohanan ang pinagsasasabi ninyo. Ang apeliyido ko ay Valdyz at hindi kung anu-ano," naiiyak ko nang pahayag.

Hindi kasi ako nakapaniwala na kailangan naming umabot sa ganito.

"Nagkakamali ka, Tania. Totoo lahat ang sinabi ko. Totoo ang mga sorcerers. Sa mundo ng Gabiarmun, nakikibaka ang katulad natin. Namumuhay sila kasama ang mga bampira, taong lobo, at iba pang nilalang ng gabi."

"Tama na, Lola Celsa. Tama na!" Sigaw ko sa kanya at agad na pumasok sa aking maliit na kwarto. Nagtalukbong agad ako ng kumot.

"Balang araw, Tania, malalaman mo rin ang tungkol dito. Hindi ako nagkulang ng paalala sa'yo. May mas malaki gampanin kang dapat gampanan. At oras na madiskubre mo ang pagkatao mo, sambitin mo lang ang totoo mong pangalan na sinambit ko kanina, iyan ang susi."

"Ay susi!!!" sigaw ko dahil sa kung sinumang gimising sa aking pagtulog.

"Miss, nandito na tayo sa terminal," pag-iimporma sa akin ng konduktor ng sinakyan kong bus kaya napatango ako.

Agad kong binitbit ang aking dalang maleta at bumaba na sa bus. Alas dos na ng hapon kaya tirik na rin ang araw.

Nang magising ako kaninang madaling araw ay agad akong nag-impake. Nagulat pa ako dahil hindi ko alam kung paano ako napunta sa aking dorm. Ngunit hindi ko na ito pinagtuonan pa ng pansin dahil nagmadali akong umalis.

Tama si Lola Celsa, hindi para sa akin ang Centrus.

Dahil sa kakaiba at kahindikhindik na nangyari sa akin kahapon, hindi ko na nanaising manatili pa roon. Nakokonsensiya rin ako dahil sa inasta ko noon kay Lola Celsa lalo pa't muli ko na namang napanaginipan ang huli naming pag-uusap.

Hindi siya nagsisinungaling. Totoo lahat ng sinabi niya sa akin noon. Totoo ang mga nilalang ng dilim. Nakita ko ito mismo. Isang bampira ang sumulpot sa aking harapan kahapon.

Agad na nanginig ang aking katawan dahil sa takot. Nagsitaasan din ang aking balahibo habang inaalala ko ang nangyari.

Nilibot ko ang tingin sa buong terminal at napakagat-labi ng isang alaala ang sumagi sa aking memorya. Dito kami mismo sa lugar na ito unang nagkita ni Caleb.

At sana hindi na kami nagkausap noon. Sana hindi ko na siya hiningan pa ng tulong.

Dahil siya pala ay mula sa isang nakakatakot na lahi.

Ilang ulit kong kinumbinsi ang aking sarili na hindi totoo ang nangyari sa akin, ngunit patunay ang aking nga sugat at pasa.

May parte sa akin na gustong tanggapin kung ano man siya. Tanggap ko naman sa aking sarili na kakaiba si Caleb sa mga nakilala kong lalaki. Nabibighani ako ako sa kanya ng husto. At kung nakikita ko siya ay parang buo na ang araw ko.

Pero, isa siyang bampira.

Hindi ko maiwasang mapaisip tungkol sa kanilang pamilya. Tanyag ang pamilyang Cole dahil sa kanilang yaman. Ngunit hindi alam ng karamihan na may tinatago pala ang pamilya nila. Si Callias? Isa rin ba siyang bampira tulad ng kambal niya? Alam ba ito ni Skelly? Ni Flin? Ng CEU? Sino pa ang ibang nakakaalam bukod sa akin?

Kung totoo ang bampira, siguro ay totoo rin ang pagiging sorceress ko tulad ng sabi ni Lola Celsa. Kaya napagdesisyunan ko na ngayon na alamin ang tungkol dito, ang tungkol sa akin.

Hindi ako normal. Unti-unti ko itong tinatatak sa aking sarili. Dahan-dahan kong tinatanggap.

Nang may pumarada nang jeep patungo sa aming bayan ay napatayo na ako upang sumakay.

Nagulat naman ako ng may bumunggo sa akin na isang matandang lalaki kaya napatumba ito. Halatang pulubi siya dahil sa kanyang suot.

"Pasensiya na po, manong," pagpapaumanhin ko sa kanya kahit alam kong siya ang bumunggo sa akin.

"Huwag mo na akong isipin pa, hija. Natulungan mo na ako," nakayuko niyang wika na medyo nagpagulo sa akin.

Gusto ko pa sana siyang abutan ng tulong ngunit malapit nang mapuno ang jeep kaya't tinalikuran ko na siya. Nang muli ko siyang lingunin ay nagtaka ako ng makita kong wala na siya sa paligid.

Habang nilalandas namin ang lubak-lubak na daan, hindi ko maiwasang malungkot. Napalapit na sa akin ang Centrus. May mga naging kaibigan na ako roon. Kaya mahirap sa akin na iwan lugar, lalo pa't kasabay ko ring iiwan ang aking minimithing pangarap.

Naisip ko bigla si Mira. Si Nikki. Ma'am Andy. Sir Augustine. At iba pa. Ngunit alam kong sa paglipas ng mga araw, makakalimutan ko rin ang aking pangungulila. Masasanay na ulit ako sa aking nakagawian, at patuloy na mamumuhay na wala na sila.

Siguro may mga bagay talaga na kahit anong pilit natin, hindi talaga para sa atin. At mas makabubuti kung tayo na lang mismo ang lalayo, dahil sa bandang huli, talo pa rin tayo. Talo tayo dahil ang tadhana mismo ang kalaban natin.

Hindi ko namalayang nakatarating na pala kami sa aming distinasyon. Agad din akong bumaba at sumakay sa isang habal-habal pauwi sa aming baryo.

Halos sampung minuto lang ang biyahe at nandito na ako ngayon sa harap ng aming bakod na gawa sa kawayan. Medyo malayo ang bahay namin dahil nasa may bukana ito ng gubat. Iilang lakad pa ang kakailanganin para makarating sa aming pinakamalapit na kapitbahay.

"T-tania? Ikaw ba talaga iyan?" Napalingon ako sa tumawag sa akin at nakita si Lola Celsa na may dalang mga halamang-gamot.

Binitawan ko ang aking maleta at agad siyang niyakap. Napaiyak na rin ako.

"A-anong nangyari? Bakit bumalik ka agad?" taka niyang tanong. "Ganoon ba kadali ang eskwela sa siyudad?" dugtong niya pa kaya napa-iyak ako lalo. Na-miss ko rin naman siya.

"Lola, tama kayo. Patawarin niyo ako." Kumalas siya sa yakap at hinarap ako.

"Anong tama ako?" taka niyang tanong.

"Na hindi na dapat ako pumunta pa sa Centrus. Na sana nakinig ako sa inyo noon," hagulhul ko at doon niya pa lang napansin ang aking mga sugat at pasa.

"Anong nangyari sa'yo, Tania? Sabihin mo sa akin."

"Lola Celsa. Nakakita ako ng isang b-bampira," nauutal kong sumbong sa kanya.

Masyado nang masalimuot at magulo ang aking isipan. At siya lang ang alam kong dapat kong pagsabihan nito.

Namutla siya sa aking sinabi at seryoso akong tinignan.

"Pumasok muna tayo, Tania. Doon mo sa loob sabihin sa akin ang lahat habang ginagamot ko ang mga sugat mo," pahayag niya at napa-tsk pa.

Napatango lang ako at nauna nang pumasok sa aming munting kubo.

Meant To BeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon