Kabanata 6 Bayani

16 0 0
                                    

Bawat bansa may bayani tayong tinitingala, at bawat tao may personal na bayani na gusto nilang gayahin at idolohin.. Ang mga taong ito ang nakapagpapabago ng buhay nila. Ang mga bayani meron ding mga taong humubog o karanasan upang makamit nila ang kadakilaan. Ang tao ang pinakamataas na antas na nabubuhay sa mundo. Binubuo siya ayon sa klasikong kanluraning pilosopiya, ang tao ay dikotomi ng rason at pag–ibig, katawan at kaluluwa, laman at espiritu. Ang ugnayan ng isip at puso ang nagbibigay daan upang makamit ng tao ang pinakamataas na maaabot niya kung ang dalawang bahagi na ito mapagbubuklod sa dakilang layunin.

Kung tatanungin ako kung sino ang bayani ko, ang sasabihin ay si "Sophia" (ang karunungan). Tama ang philosophy (love of wisdom), siya ang una kong pag-ibig kaya siguro madalas lumakbay ang isip ko para bigyang kuro-kuro at opinion ang mga isyung panlipunan sa loob ko kahit sa realidad ay hindi naman talaga makakapekto sapagkat hindi naman ako representante ng isang grupo o ng sector ng lipunan.

Ang bayani ay mahalaga, pero may mga pagkakataon na dapat tayo din ang bayani ng ating sarili, alam nating ipaglaban ang tama at mali o ituwid ang baluktot na gawi ng iba. Sa modernong panahon ngayon, iba na ang konsepto ng mga bayani. Minsan sa isang simpleng pagsasaliksik namin, tinanong ang mga bata, sino ang bayani nila. Sumagot sila na si Darna, Superman, Batman, karakter sa X-Men o kung sinoman ang napapanood nila na superhero. Ito yung konsepto nila na hindi natatalo sa laban dahil sa kapangyarihan o mas alam nilang term na may magical powers. Simple lang naman kasi ang gusto ng mga bata o ang pananaw nila sa bayani, mabuti laban sa masama o kaya mala genie na ibibigay sa kanila ang magustuhan nila. Ang mga Filipino kaya ay may mataas pa ding pagpapahalaga sa mga bayani?

May isang biro tungkol sa mga bayani ang professor namin, sa isang lumulubog daw na barko, nagkaroon na ng red alert sapagkat sa di-alam na dahilan nagkaroon ng butas ang malaking barko. Para daw bumagal ang paglubog nito at maisalba ng maaayos ang mga pasahero, iniutos ng Kapitan na ihagis na ang mga bagahe, kasangkapan o anumang mag bagay na mabibigat. Nagtutulong tulong ang lahat para daw bumagal ang paglubog nito.

Sinabi ng kapitan, "mayroon bang tatalon sa dagat at ibubuwis ang buhay niya para masalba ang iba?"

Buong giting na tumayo ang mga grupo ng mga hapon. Kinanta nila ang kanilang pamabansang awit, nagsabi ng sayonara at tumalon sa dagat at lahat sila ay namatay.

Lumulubog pa din ang barko, Tumindig ang grupo ng mga Amerikano ng may pagmamalaki at kinanta nila ang Star Spangled Banner ang kanilang pambansang awit, nagsabi sila ng goodbye mg fatherland, at tumalon sila at namatay na mga bayani.

Lumulubog pa din ang barko, hindi na hinintay ng grupo ng mga Pilipino ang pag-aaayaya ng Kapitan. Sabay sabay silang sumigaw ng "mabuhay ang Pilipinas!" at tinulak nila ang mga nasa kabilang grupo na nabibilang sa ibang nasyon.

Kadalasan sa buhay natin, may mga ilang pagkakataon na sasagip sa atin sa pagkakalunod, o mayroon din naming pagkakataong sila maglulubog sa atin. Si Phoebe gusto kong lumaki ng maayos at ang pangarap ko, para sa kanya ay maging doktora. Kung magiging doctor siya at makapagsasalba ng maraming buhay, magiging bayani siya ng mga taong mapagsisilbihan niya. Paano kaya ako ituturing na bayani ng aking anak sa ganitong sitwasyon,.

Minsan nga nadapa siya, at may sugat sa tuhod. "papa, papa," ang palahaw niya.

" Tumayo ka anak," sabi ko.

"Dapa, sakit,"habang umiiyak.

Mayroong mga dalawang dipa ang layo ko sa kanya, pero hindi ko siya pinuntahan para itayo.

"Tumayo ka anak." Ang sabi ko lang.

Tumayo siya at tinintingnan ang nagdurugong tuhod, umiiyak pa din na lumapit sa akin. Hindi ko siya itinatayo o kaagad na tinutulungan kapag nadarapa o nasusugatan. Ang katwiran ko ang sakit ang nakapagpapalakas sa tao. Yumakap sa akin si Phoebe at tahimik lang na umiyak, at habang nakayakap sa akin, kinarga ko na siya at inihilig sa aking balikat. Sabi nila mas nadarama ang pagdamay sa sa pamamagitan ng mga kilos kaysa sa mga salitang maaari din naman taliwas sa nadarama ng iba kung umaaalo ng nasasaktan. Kung ako, mas gugustuhin ko na ako ang maging tanggulan ni Phoebe sa mga pagdaraanan niya sa buhay. Sa gayon magagabayan ko siya ng maayos sa kanyang paglaki.

Tanglaw sa KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon