Kabanata 5 Bilanggo

59 0 2
                                    



Pagakatapos ng orientasyon ko sa grupo at pasama sama sa mga lakad nila, ang una kong subok ay kay Ginang Sanchez at sa bilangguan ako humantong at tandang-tanda ko yun. Pagkatapos ng ilang taon, ilang beses na din ako napapasok at sa huli kong pasok sa bilangguan, doon ko nasilip ang pag-asa.

Sa unang beses kong pagkakakulong, nakita ko ang ibat-ibang mukha ng criminal. May parang disente, mukhang tipikal na pusakal, may mala-anghel ang itsura at hindi mo sasabihing pang-bilanggo ang itsura at may mayroon din na parang nanggaling sa impyerno.

Nung oras ng dalaw may isang eksena na nakakuha ng aking atensyon.

Pumasok ang may katangkarang lalaki na nakaposas na akay-akay ng dalawang pulis. Kasunod naman niya sa kanyang likuran ang kanyang ina. Malamang ang lalaki ay nasa edad 20 pa lang.

"Sabi ko naman sa iyo anak, iwasan mo na sila. Nagkulang ba ako ng paalala sa iyo?" Patuloy sa pag patak ng luha ng ina na dumidilig na din sa mga pisngi nito na kulubot.

"Huminahon lang kayo at hindi rin ako magtatagal dito." Kampante lang ang lalaki.

"Tapos ano babalik ka naman dito? Wala na bang kahulugan ang salitang dangal sa iyo? Kailangan bang mamuhay ka ng masama para mabuhay ng sagana?"

" Mama ito na ko. baguhin ko man ang suot kong damit, hindi na magbabago ang tingin ng mga tao sa akin."

"Bata ka pa, magsara man ang pinto sa iyo may magbubukas pa din na mga bintana para makapagsimula ka. Tiwala lang, maaaring nabibigo ka sa mga plano pero may nagdidikta ng kapalaran natin. Hindi lahat sa kinabukasan natin ay hawak natin sa ating mga kamay. Ganun ang bukas. Hindi natin alam ang mangyayari. Ang kaya lang nating impluwensyahan ay ang ngayon. Kung ano ang magagawa natin ngayon."

Hindi na kumibo ang batang lalaki. Ang pagngilid ng kanyang luha ay hudyat ng pagkatalo. Sayang at hindi ko nasaksihan kung nagbago ba siya o hindi.

Parang nagagalit din ako sa sitwasyon at sa realisasyong sinabi ng lalaki na "ibahin ko man ang suot kong damit, hindi na magbabago kung sino ako"

Ganuon mapang-husga ang lipunan, sa isang banda naman ay nakita ko kung paano mag-alala ang mahal natin sa buhay.

Naalala ko ang aking ina na bagamat papalit-palit ng asawa, hindi pa din nagbabago ang puso niya bilang isang ina.

Noong pagbintangan ako na nagnakaw ng mais sa probinsya namin, buong tapang siyang nagtungayaw at ipinagtanggol ako. Oo at hindi ako ang kumuha pero alam ko na kahit ako ang salarin ay ipagtatanggol pa din ako ng aking ina kasi walang masamang anak sa isang ina. Nakakatiis ang isang ama sa anak ngunit hindi ang isang ina.

Sayang at wala na ang aking ina. Ang dumadalaw na lang ay ang aking asawa at siya na din ang nagpipiyensya sa akin. Kung siguro M-16 na bala ang lumalabas sa misis ko pag nagtutungayaw, malamang wala na akong buhay na hahandusay sa sahig. Sa dalas ng pag tungayaw sa akin ni misis, isa lang ang namatay sa akin, ang hiya.

"Eidderf, ano ba talaga ang plano mo sa buhay?" tanong ni Sandra sa akin. Alam mo sa sampung ginagawa mo, labing isa mali. Asan na yung dating maprinsipyo, mahiyain, maayos manamit na lalaking nakilala ko? Ang sabi mo, balak mong mag-abogasya? Eh dapat lang na makatapos ka para ikaw na din ang aatend sa asunto mo. Ang tanga-tanga ko, kasi lagi akong naniniwala sa mga pangako mo, at nagpaloko ko sa mga napakasweet na tula mo. Alam mo magaling ka nga sa padodrawing, kasi pati kapalaran antin eto drawing! Buwisit!"

Medyo nagiging araw-araw na yun. Buti nalang madalang akong makipag argumento sa kanya.

Sa mga ganuong pagkakataon, hindi niya isinasama si Phoebe. Ayaw naming mag asawa na kamulatan niya ang ganuuong mundo. Ano ba talaga nagdidikta ng pagkatao? Nature- dahil nasa dugo na ang pagnanakaw o nurture dahil sa impluwensya ng kapaligiran.

Tanglaw sa KarimlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon