Pagkapihit pa lang ni Jodie sa siradura palabas ng hall matapos ang kanyang emosyonal na first testimonial para sa TV show ay agad na napatingin sa kanya ang ibang crew.
Nagpupunas kasi siya ng luha habang halata ang pagpupumilit na ngumiti. Hindi kasi niya napigilang umiyak kanina nang banggitin niya sa harap ng kamera ang masaklap na kapalaran nilang magkakapatid na napiliting magkalayo matapos pumanaw ang kanilang mga magulang.
"Are you okay, Jodie?" Lumapit kaagad si Kimberly Perez sa kanya at saka siya pinaupo.
Hindi niya ito sinagot at nagpakita lang ng isang malamyang ngiti.
"Oh my, we need to do some retouching. Teka lang, ha, babasain ko muna itong sponge ko para mas kumapit pa ang foundation sa face mo," ani Kimberly sa kanya bago ito maglakad palayo.
Sa kabilang dako naman, walang kamalay-malay si Jodie Tuazon na natatanaw at inoobserbahan siya ngayon ni Juan Enrique.
Komportable ang upo ng binata sa isang cushioned reclining chair, nakataas pa ang mahahabang binti sa isa pang kahoy na upuan. Inaayusan siya ng kanyang personal assistant habang abalang nagtitipa sa phone.
Nang lumabas mula sa hall si Jodie at nakita niyang umiyak ito, 'di tulad ng iba na nagpakita ng pagtataka at awa sa dalaga, bumungisngis lang siya. Mabuti na lang, nakasuot din kasi siya ng aviator glasses kaya hindi halatang pinanrorolyohan din niya ito ng tingin.
A crier? bulong niya, dismayado sa pagpapaawa ni Jodie.
Pagkatapos nito, hinanap niya ang isang naka-save na video sa phone niya. Pinanood niya itong muli, sa hindi mabilang na pagkakataon mula noong unang araw matapos niyang pirmahan ang kontrata sa pagsali sa show.
Ang video na ito ay ipinadala sa kanya ng kanyang Lola Alminda pitong taon na ang nakakaraan.
"Hello apo!" pambungad ng kanyang Abuela sa video.
Si Juan Enrique lang ang nakakarinig ngayon sa audio ng video dahil sa nakasalpak na puting wireless earbuds sa mga tenga niya.
"Kumusta ka na, Matteo? Kailan ka magbabakasyon dito, ha?" pagtutuloy ng matanda na malaki ang ngiti at kumakaway pa habang nakaupo sa isang wheel chair. Ito ay nangyari noong nagpapagaling pa si Alminda Fortaleza mula sa isang mild stroke.
Nasa bandang hulihan ng naturang maikling video ang pinaka-interesanteng bahagi nito sapagkat may isang pamilyar na pigura ang napadaan at umakbay pa sa kanyang Lola—ang teenager pa lang noon na si Jodie Tuazon. Nakasuot ito ng kulay rosas na scrub suit.
"Lola, oras na raw po para sa gamot niyo," masiglang sabi nito bago kinuha ni Mindy ang atensyon ng dalaga.
"Jodie, hija, kumaway ka muna, o. Say hi to my apo," pakiusap ni Mindy kay Jodie Tuazon bago naman ito lumuhod sa tabi ng matanda upang harapin nang maayos ang selfie camera.
"Hi, apo ni Lola!" anito sabay pindot ni Juan Enrique sa 'pause' button.
Pinagmasdan niya nang maigi ang mukha ng dalaga sa video, itinaas ang screen ng kanyang Iphone upang itapat ito mismo sa dalagang ngayon nga'y kitang-kita niya mula sa kanyang kinauupuan.
Palagay niya, hindi maalala ng kanyang Abuela ang naturang video ngunit para sa gaya niyang sadyang napakatalas ng memorya, hindi makakawala ang mga ganitong bagay.
Agad niyang nakilala si Jodie Tuazon noong unang beses niyang pinasadahan ng tingin ang iniabot sa kanyang profile ng mga empleyado ng Baguio branch. Namuo ang panggagalaiti niya para rito mula noong araw na iyon.
This girl knows Mindy. She probably knows me too, but she's acting all innocent. A total leech. Disgusting.
Tumaas ang isang gilid ng mga labi niya habang patuloy na tumatalim ang titig sa walang kamalay-malay na dalaga.
BINABASA MO ANG
Ciao, Mister Stranger (18+) (Wattys Shortlist Finalist)
RomanceWhen Jodie's restaurant branch is selected to join a televised social experiment, she finds herself face-to-face with Matteo Salvatore: a mysterious Italian man who is distractingly gorgeous, intimidatingly brilliant, and clearly used to getting wha...
