The child who is not embraced by the village will burn it down to feel its warmth.
African Proverb
"YOU GOT THE world, but at what price?"
Siguro kung pinakinggan lang ni Juan Enrique ang babala sa kanya ng nakababata niyang kapatid noon, hindi sana aabot ang lahat sa ganito. Gayunpaman, ito kasi ang ipinangako niya sa sarili noong siya'y nakakulong sa isa sa mga isolation room ng isang tagong terapyutikong convitto sa Veneto, Italia.
Presko pa sa isip ni Juan Enrique kung paano nagsimula ang kanyang vendetta. Napakabata pa niya noon, labing-anim na taong gulang.
Mag-isa siya sa isang madilim at malamig na silid, tadtad ng galos at pasa ang katawan, gumagapang sa sahig dala ng matinding gutom.
"Trascinatelo fuori! (Drag him out)."
Narinig na naman niya ang kinatatakutang kataga. Nanginig siya at umakyat ang asido mula sa tiyan patungo sa nanunuyot niyang bunganga. Parang nanununog iyon, pinapaubo siya nang maraming beses.
Lumangitngit ang mga bakal nang bumukas ang pinto. Dalawang kalalakihan ang pumasok para kaladkarin siya palabas. Hindi tulad ng mga nakaraang linggo na panay sigaw si Juan Enrique at wasiwas ng mga braso't paa, hindi na siya nanlaban ngayon.
Pinaupo nila ang binatilyo sa isang bakal na upuan. Mamasa-masa pa iyon dahil sa mapanghing dilaw na likido na marahil ay nanggaling sa nauna sa kanya. Tinali ang kanyang mga kamay at paa, binusalan ang kanyang bunganga ng maruming tela. Sadyang mas malala pa sa pinakamatinding kriminal ang turing sa kanya.
Bumungisngis na lang si Juan Enrique matapos siyang maaliw sa ideyang panganib pa rin ang tingin sa kanya ng staff gayong hindi na nalalayo sa pagiging bangkay ang kanyang kondisyon.
Nahuli naman ng isa sa mga tauhan ang kanyang nangungutyang ekspresyon. Sinapak siya nito nang paulit-ulit hanggang sa pumutok ang kanyang babang-labi.
"Bastardo! You are nothing but a disgrace to your family, capisci? You're only here because you're nothing more than garbage!" giit ng umaabusong lalaki sa kanya.
Iniangat ni Juan Enrique ang mukha at saka pinagmasdan ang ito. Tinandaan niya ang bawat detalye ng hitsura nito. . . ang sukat ng mga mata, ang kulay ng balat, ang pahabang pilat sa pisngi.
Balang araw, anang binatilyo sa sarili, siya mismo ang tatapos dito at magbabaon sa lupa.
"Vaffanculo a chi t'è morto (Go fuck your dead family members)," matalim na usal ni Juan Enrique ng isang popular na pagmumura na tiyak na babasag sa ulirat ng sinuman.
At nagtagumpay siya.
Nanggalaiting muli ang lalaking estranghero at saka naman siya sinuntok sa panga sa pagkakataong ito para mapadugo ang kanyang gilagid. Umikot tuloy ang paningin niya at agad na nawala ang angas.
Iyon ang kinuhang oportunidad ng mga staff upang isagawa ang kani-kanilang trabaho. Imbes na pagkain o tubig ang ibigay nila sa binatilyo, sapilitan nila itong pinainom ng limang magkakaibang klase ng tableta.
Batid naman ni Juan Enrique kung para saan ang mga gamot na iyon at kung ano ang plano sa kanya ng staff ng convitto. Namarkahan na kasi ang harap ng pinto ng kwarto niya: 'Da smaltire' o sa Ingles, "To be disposed." Ang ibig sabihin, kailangan nang itapon ng mga taga-convitto si Juan Enrique dahil masyado nang matagal ang tatlong taon na pagkakadetina niya rito.
Wala nang bumibisitang mga kaanak sa kanya; itinigil na rin ng mga ito ang pagbabayad upang mapanatili siya roon. Pabigat na siya sa mga taga-convitto. Kailangan nang mabakante ang kanyang silid para sa mga bagong dating.
Ibinalik siya ng staff sa kanyang kwarto, ibinagsak ang katawan niya roon na tila isang bagong katay na hayop. Bumuhos ang luha niya, sumama sa pagtulo ang dugo mula sa nakabukang sugat sa kanyang bibig.
Doon, sa kanyang pag-iisa, doon kung saan halos araw-araw ay umaabot siya sa bingit ng kamatayan at nakikipaglaro sa apoy ng impyerno, naririnig niya ang demonyong bumubulong sa kanya.
Anito, marapat lang na ialay ni Juan Enrique ang buhay sa paghihiganti laban sa mga sumira sa kanya at sa kanyang pinakamamahal na ina. Marapat lang na ibenta niya ang kanyang kaluluwa sa kasamaan upang makamit ang mga mithiin.
At iyon nga ang nangyari.
Paglipas ng higit sampung taon, tila rumolyo ang mapaglarong kapalaran. Hindi lang napasa-kamay ni Juan Enrique ang naturang convitto. Pagmamay-ari na rin niya ang hekta-hektaryang lupain sa paligid nito.
At ang lalaking isinama niya sa listahang hahatakin niya patungong impyerno? Narito na sa kanyang tabi, walang kamalay-malay na siya na ang binatilyong dati nitong pinahirapan.
"Grazie mille, Signor (Thank you very much, Sir)," magalang na bati ng lalaki. Matanda na ito, gusgusin, at namamayat. Nakapangalan dito ang naluluma at abandonadong convitto, gayon na rin ang mismong lupang kinatitirikan nito. Nagpapasalamat ito na may isang mayamang negosyante na nangahas na bumili ng tiwangwang na gusali sa napakalaking halaga.
Ang hindi nga lang alam ng lalaki, may itinakda nang plano si Juan Enrique hindi lang para sa naturang convitto kundi pati na rin sa kanya.
Kinabukasan, may magnanakaw ng perang ibabayad ng negosyante mula sa lalaki dahilan upang mas lalo itong malugmok sa kahirapan. Matatanggalan ng trabaho ang asawa at mga anak nito. Hahabulin ang buong mag-anak ng mga grupong kinauutangan nila, at saka sila sisingilin hanggang sa maubos ang lahat ng kanilang ari-arian.
Hindi magtatagal, gagapang rin ang lalaki sa lupa kasama ng pamilya nito tulad ng ginawang paggapang ni Juan Enrique sa malamig na sahig ng convitto. Matutulog sila sa ibabaw ng lupa, iinumin din nilang lahat ang sariling dugo.
At kapag sila'y kusang pumanaw, si Juan Enrique mismo ang huhukay ng kanilang mga libingan.
"What are you planning to do with the convitto, Signor?" Tinanong si Juan Enrique ng kinasusuklaman niyang lalaki. Hindi siya kumibo at saka binuhat lang ang isang galon ng gasolina sa tabi.
Laking gulat ng lalaki nang makitang ibinuhos iyon ng negosyante sa entrada ng convitto. Sinalaban niya ito hanggang sa kumawala ang isang mala-halimaw na apoy, lumalagablab sa ilalim ng madilim na himpapawid.
Matipid ang ngiti ni Juan Enrique habang pinanonood ang matagumpay na pagtamasa sa unang mithiin. Dito, sa lupaing isinumpa niya nang maraming beses, plano niyang itayo ang ikasampo niyang ubasan para sa kanyang international winery.
Aakyat si Juan Enrique sa pinakataas kung saan wala nang makakaabot sa kanya. Kung saan malaya niyang matatapakan ang mga taong walang-awang tumapak sa kanya! Wala siyang pakialam sa kahihinatnan ng lahat. Handa siyang masunog sa impyerno kasama ng lahat ng mga pinaghihigantihan.
Ngunit. . . nagbago ang lahat nang makilala niya ang isang tao.
Isang babae.
Pinagmasdan niya ang hubo't hubad na dalaga sa kanyang tabi. Nakayakap ito sa kanya at siya rito. Napakaamo ng magandang mukha nito. Mala-gatas ang kutis, malapad ang kaakit-akit na ngiti.
Tila ito isang anghel na napadpad sa madilim na teritoryo ni Juan Enrique at nagbibigay liwanag.
"You got the world but at what price, Juan Enrique?"
Sa pinakaunang pagkakataon, tumingala sa asul na kalangitan ang binata at nakiusap.
Ciao, Mister Stranger
by Lia De Flores
2025
BINABASA MO ANG
Ciao, Mister Stranger (18+) (Wattys Shortlist Finalist)
RomanceWhen Jodie's restaurant branch is selected to join a televised social experiment, she finds herself face-to-face with Matteo Salvatore: a mysterious Italian man who is distractingly gorgeous, intimidatingly brilliant, and clearly used to getting wha...
