Naglakad sila Shanaya sa may ilalim ng isang puno saka umupo. Magpapahinga muna sila bago bumalik sa bahay."Hindi ako pwedeng umuwi sa bahay ng ganito. Malalagot ako kay ina." saad ni Shanaya, ang tinutukoy ay ang basang damit.
Tumingin sa kanya si Andrew sabay sulyap sa kaniyang damit.
"Huwag kang mag-alala, pwede nating hintaying matuyo ang damit mo bago ka umuwi sa inyo." pagpapalakas-loob na saad ng lalaki.
"Sige." tango niya.
Hihintayin niyang matuyo ang kaniyang damit bago umuwi para hindi makahalata ang ina.
"Madalas ka ba dito?" pagbubukas ni Shanaya ng ibang usapan. Wala kasi siyang maisip na pwedeng itanong.
"Oo. Dito ako pumupunta kapag gusto kong mamasyal." sagot ng lalaki na ngayon ay nakahilig na sa puno.
"Alam mo ba, ngayon ko lang nalaman na may napakagandang lawa pala dito sa dulo ng gubat. Ang alam ko lang dati ay puro puno ang makikita dito, hindi pala. Saka iyong bahay mo na malamansyon, nakakamangha." mahabang ani niya na parang nanaginip. "Kaya sobra talaga akong nagpapasalamat sa'yo dahil binabahagi mo sa akin ang mga bagay na meron ka at mga ginagawa mo."
"Gusto mo bang malaman ang ibang bagay tungkol sa'kin?"
"Gusto, kung ayos lang sa'yo."
"Sige, ikekwento ko sa'yo ang tungkol sa aming pamilya." sambit ni Andrew. "Ang kwento sa akin ng aking ina noong bata pa ako, ang pamilya ng aking ama ang pinakamayaman sa lugar na ito. Sila ang nagmamay-ari ng malawak na palayan, maraming alagang iba't-ibang hayop, minahan ng ginto, maraming tauhan, saka iyong mansyon na ipinamana sa akin ni ama ay kanila. Nag-iisang anak ang aking ama kaya lahat ng gusto at hilingin nito ay agad binibigay, prinsepe ika nga kung ituring. Dahil doon lumaki ang aking ama na tamad at mapagmataas kaya marami sa aming mga tauhan at kahit ang ibang tao ay galit sa kaniya. Ngunit wala itong pakialam at kahit na pinapangaralan siya nina lolo at lola (magulang ng kaniyang ama) ay hindi niya pinaringgan."
"Hanggang sa namatay ang mga ito ay hindi pa rin nagbabago ang aking ama. Si ama rin ang namahala ng mga iniwang kayamanan dahil nga solong anak. At dahil walang alam sa pamamahala ay unti-unting nawala ang mayroon siya sa isang kisap mata. Hanggang 'yong bahay, ilang mga hayop at ilang pribadong yaman na lamang ang natira sa kaniya. Iniwan din si ama ng mga tauhan na matagal nang naglilingkod sa kanilang pamilya, hindi dahil sa hindi na mga ito mabayadan ng sapat na sahod kung 'di dahil sa gaspang mismo ng ugali ng aking ama sa kanila. Ang masakit pa hindi pa rin nagbabago ang aking ama ng panahon na iyon."
"Isang araw, may napadpad na isang pulubing matanda sa labas ng mansyon at nakita ito ng aking ama. Humihingi ito ng konting pagkain dahil nagugutom na daw siya pero hindi siya binigyan ni ama at sinabihan pa ng masasakit na salita. Nagbago ang anyo ng matanda sa galit at bago ito umalis ay nag-iwan ito ng mensahe kay ama."
"Nagising na lang isang umaga ang aking ama na anyong halimaw na. Gulat at awa sa sarili ang una niyang naramdaman ng mga sandaling iyon. Ayaw nya na rin lumabas ng bahay sa takot na may makakita sa kaniyang mga tao at may gawing masama sa kaniya. Nagsisi si ama para sa lahat ng kaniyang ginawa ngunit huli na."
"Lumipas ang mga araw na nandoon lang siya sa loob ng bahay hanggang sa mapadpad ang aking ina. Sa madaling salita ay nagkagustuhan sila sa isa't-isa. Tinanggap ng aking ina ng buo ang aking ama kahit na ito'y halimaw. Nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng isang lalaki at ako iyon. Kasunod niyon ay nalaman nilang napasa sa akin ni ama ang sumpa. Kahit na ganun ay masaya pa rin kaming nagsama. Buong pagmamahal at pagtanggap ang binigay sa akin ni ina at ama. Ngunit isang araw, sa aming pamamasyal sa labas ng bahay, may nakakita sa amin na ibang tao. Akala ni Ama ay sasaktan niya kami kaya tinakot niya ito. Natakot ang taong iyon at mabilis na tumakbo paalis. Nang makauwi sa bahay ay sinabihan ako ni ina na magpahinga na."
![](https://img.wattpad.com/cover/239879131-288-k448586.jpg)
BINABASA MO ANG
Ang Prinsepeng Mailap sa mga Tao (Completed)
FantasyIsang makisig na lalaki sa gitna ng gubat ang natagpuan ng dalagang nagngangalang Shanaya. Anyo nito na pumukaw sa mata at hinangaan agad ng babae. Anyo na walang ibang kawangis at madaling makahalina. Paano kung sa anyong iyon ay may kumukubli pa...