Hawak ni Shanaya ang kamay ni Andrew habang dinadala siya ng lalaki sa gitna at pinaupo sa tela. Bago siya umupo ay hinawakan niya muna ang mga origaming nasa kaniyang uluhan."Ito ba 'yong gawa ko dati?" tanong niya nang tuluyan siyang umupo.
Tumango si Andrew. "Oo, tinago ko, mabuti na lang. Magagamit ko pa pala 'yan ngayon para sa date natin."
"Tara kumain na tayo. Anong gusto mong kainin?" malambing ang boses na sabi pa ni Andrew.
"Eto." turo niya sa pritong manok na nakahanda. Isa lang dahil nakakahiya kung ituturo niya lahat.
"Isa lang, nakakapanibago ka? Niluto ko itong lahat para sa'yo dahil alam kong paborito mo lahat tapos isa lang kakainin mo."
"Nakakahiya naman kasi sa'yo kung ituturo ko lahat." nakanguso niyang sagot. Baka sabihan pa siyang matakaw.
"Iyon nga ang gusto ko." nakangiting ani ng lalaki.
Kinuha ng lalaki ang hawong na may putaheng karne at inilagay sa kaniyang pinggan kasunod ang isda, gulay at kanin. Todo silbi ito sa kaniya habang kumakain siya. Ultimo baso niya, ang lalaki pa ang naglagay ng juice doon.
"Ayos na 'to, kumain ka na rin." saad ni Shanaya kay Andrew.
"Nga pala kailan mo ito ginawang lahat? Para tayong nagpipiknik lang katulad ng gingawa natin doon sa lawa, pero siyempre mas maganda ito ngayon at mas romantiko tingnan." sambit niya habang kumakain sila.
Tinigil ng lalaki ang pagkain para makasagot. "Kanina lang. Maaga akong gumising para masimulan lahat. Mabuti at nagustuhan mo."
"Oo naman, sobrang ganda kaya nang ginawa mo. Hindi mo man lang sinabi sa akin na may angkin ka palang galing sa pagdedekorasyon." mangha niyang sagot. At ipinagpatuloy ang pagkain.
Sa kabusugan dala ng pagkain ay napadighal siya ng wala sa oras. Humingi siya ng tawad dahil doon.
"Ang sarap ng mga luto mo. Busog na busog ako." pagbawi niya.
"Walang anuman." at lumipat ito ng tingin sa kaniyang damit. "Ngayon ko lang napansin, bago ang suot mong kasuotan."
Tumango siya na nahihiya. "Suhestiyon ni ina. Bagay ba?"
"Bagay na bagay sayo. Ang ganda mong tingnan diyan lalo." puri nito.
"Binobola mo na ako niyan pero salamat." Ang laki ng ngisi niya dahil sa papuri ng lalaki.
Tuloy-tuloy lang ang masayang pag-uusap nilang dalawa hanggang pumasok sila sa loob ng bahay at umakyat sa kwarto ng lalaki.
Gusto ng matulog ni Shanaya pero hindi niya mapigilan ang sariling makipag-usap kay Andrew.
Nakaupo ang lalaki sa kama habang siya naman ay nakahiga sa hita nito.
"Paano mo rin pala nalaman ang salitang date, diba ingles 'yon?" tanong niyang kasunod.
"Nalaman ko sa aking ina. Isa 'yon sa tinuro niya sa akin noong bata ako. Nahuli ko kasi si ama na sinusupresa si ina sa may veranda, katulad nang ginawa natin kanina. At "date" daw ang tawag doon. Gusto mo bang ulitin natin ito?" Ngayon ay sinusuklay na nito ang kaniyang buhok.
"Oo." masigla niyang sagot. Ngayon palang natutuwa na siya sa isiping gusto siya ulit i-date ng lalaki.
"Okay. Sa susunod sa kabilang bayan naman tayo. Para pagkatapos nating kumain ay makakapamasyal pa tayo."
"Gusto ko iyon." Tuwang-tuwa siya sa naririnig mula sa lalaki. "Yey magde-date kami sa kabilang bayan."
Bumangon siya sa kama at walang sabing humawak siya sa leeg nito sabay halik sa mga labi ni Andrew. Ang lambot talaga.
BINABASA MO ANG
Ang Prinsepeng Mailap sa mga Tao (Completed)
FantasyIsang makisig na lalaki sa gitna ng gubat ang natagpuan ng dalagang nagngangalang Shanaya. Anyo nito na pumukaw sa mata at hinangaan agad ng babae. Anyo na walang ibang kawangis at madaling makahalina. Paano kung sa anyong iyon ay may kumukubli pa...