Chapter VIII

7.4K 1K 81
                                    

Chapter VIII: Captured

Mabigat ang aura sa paligid ng trono ng hari habang sina Hifras at Gorgol ay nakayukod sa direksyon ni Razaan. Kalmado ang dalawang kawal pero si Razaan ay hindi niya mapanatili ang kanyang mahinahong ekspresyon. Makikita ang pangagalaiti sa kanyang mukha. Napapalibutan din ang kanyang kabuuan ng kahel na enerhiya na para bang nagliliyab na apoy. Nanginginig ang kanyang kamao habang ang kanyang mga mata ay nanlilisik habang nakatingin sa dalawa niyang kawal.

Isang araw na ang lumipas mula nang utusan niya ang kanyang dalawang kawal para hanapin at habulin si Finn Doria sa kanyang palasyo, ganoon pa man, bumalik ang dalawa na wala ang kahit anino ng binata.

Pumalpak na naman ang kanyang mga tauhan, ito na ang pangalawang beses na pumalpak siya.

“Sabihin n’yo, paanong hindi n’yo mahanap si Finn Doria?! Isa lang siya pero ang dami n’yo! Hindi n’yo man lang mahuli ang isang binata?! Talaga bang nagsayang ako ng mga kayamanan sa mga inutil na kawal?!” nanggigigil na sigaw ni Razaan.

Sandaling tumahimik ang paligid, pero, pagkatapos ng ilang saglit, nagsalita si Gorgol.

“Ipagpaumanhin n’yo ang aming kapalpakan, Kamahalan! Pero, walang sinuman sa aming mga napagtanungan ang nakakita sa binatang nagngangalang Finn Doria. Bigla na lamang siyang naglaho na parang bula sa ating kaharian at maging sa karatig nating kaharian ay hindi siya namataan!” paliwanag ni Gorgol nang hindi pa rin makatingin ng diretso kay Razaan. “At…”

Nag-alinlangan si Gorgol kaya huminto siya sa kanyang sasabihin. Napansin ito ni Razaan kaya pilit siyang huminahon. Matalim niyang tiningnan si Gorgol at nagwika, “At ano? Magsalita ka, Gorgol!”

Huminga ng malalim si Gorgol at nagpatuloy, “At kamahalan, ang mga kawal na nagbabantay sa kaharian at kapitolyo ay hindi napansin ang pagpasok ng binatang nagngangalang Finn Doria. Sa aking hula, alinman sa hindi nila ginagawa ang kanilang responsibilidad o kaya naman ay masyadong malakas si Finn Doria para makapasok nang hindi napapansin ng ating mga kawal.”

“Para siyang hangin na biglang dumating at biglang umalis! Mayroon din siyang kakaibang mga skill na talaga namang hindi namin maipaliwanag nang lubusan!” dagdag pa ni Gorgol.

Nagngitngit ang mga ngipin ni Razaan at napatayo siya dahil sa galit, “Pinupuri mo ang binatang nagpahiya sa atin ng ganito?! Sa oras na malaman ng emperador ang kapalpakan ko—ninyo, ang ating mga araw ay nalalabi na! Ilang beses na tayong pumalpak, mga inutil! At hindi ko na alam kung ano’ng dahilan pa ang aking sasabihin sa kamahalan!”

Natakot ang mga ministro, at maharlika na naroroon sa silid dahil sa mga sinabi ni Razaan. Alam nila kung gaano kalupit ang imperial family, kahit kapamilya nila ay papaslangin nila para sa pansariling interes, ano pa kaya sila na hamak na tauhan lamang.

Hindi na napigilan ng reyna ang kanyang sarili. Agad siyang umabante at nagsalita dahil sa pangamba, “Pero, Kamahalan! Alam naman ng imperial family na tapat ang ating Red Dragon Family sa kanila! Noon pa man, tayo na ang kakampi nila sa kanilang bawat laban kaya… kaya hindi naman siguro nila tayo igagaya sa mga pinabagsak nilang kaharian, hindi ba?!”

Binigyan ng nakamamatay na tingin ni Razaan ang kanyang reyna. Pagkatapos noon, nanghahamak siyang ngumiti at humalakhak. Pinilit niyang kumalma kahit komplikado na ang kanyang nararamdaman ngayon. Mayroon na siyang pag-aagam-agam sa tiwala ng imperial family sa kanyang pamilya.

“Para sa imperial family, hindi tayo kakampi. Isa lang ang kakampi nila—ang Banal na Simbahan.”

“Tauhan lang nila tayo, at kung puro kapalpakan na lang ang nagagawa ng kanilang tauhan, wala nang silbi kung pananatilihin pa nila ang kanilang tauhan—wala na ring silbi kung pananatilihin nila tayo,” nanghahamak sa sariling hayag ni Razaan. Suminghal siya at mariing nagsalita, “Sa buong buhay ko, hindi ko inaakalang darating tayo sa ganito. Malapit ko nang mabigo ang ninuno ng aking Red Dragon Family…”

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon