Chapter XV: They have to decide, To the Underwater Kingdom
"Boss Poll," lumapit si Erwan sa tabi ni Poll at mahinang bumulong. "Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit gustong makausap ni Boss Grogen si Boss Eon? Mayroon kaya silang binabalak?" animo'y hindi mapakali si Erwan habang kinakausap si Poll. Hamak na mas matanda siya kay Poll ng ilang dekada pero kapansin-pansin pa rin ang paggalang at paghanga sa mga kilos niya.
Kinain ni Poll ang prutas niya. Napawahak siya sa kanyang baba na tila ba nag-iisip. Makalipas ang ilang saglit, bahagya siyang ngumiti kay Erwan at nagwika, "Sa totoo lang, wala akong ideya. Kababalik pa lang ni Ginoong Grogen nitong nakaraan araw kaya malaki ang posibilidad na tungkol sa kanyang pagkawala ang pag-uusapan nilang dalawa."
"Isa pa, estudyante ni Ginoong Grogen si Eon, marahil magkakaroon sila ng pagsasanay kaya umalis silang dalawa," dagdag pang paliwanag ni Poll.
Napakunot ang noo ni Poll nang mapansin niyang hindi pa rin mapakali si Erwan kaya nagtanong siya, "Bakit mo nga pala natanong, Erwan? Mayro'n bang problema?"
Agad na umiling si Erwan habang sumesenyas, "Wala naman, wala naman, Boss Poll. Hindi lang kasi ako mapakali tuwing nakikita ko si Boss Grogen. Kahit na napakaliit niya, ang kanyang aura ay talaga namang nakakatakot..."
Bahagyang tumawa si Poll at tumugon, "Huminahon ka lang, Erwan. Hindi ka naman nila gagawan ng masama, wala naman silang dahilan para gawin 'yun. Isa pa, mabubuti naman silang nilalang-kahit na hambog at laging nananakot si Eon, hindi siya mangangahas na saktan kayo."
"Talaga? Paano ka nakasisiguro, Boss Poll?" interesadong tanong ni Erwan. Ngumiti naman si Poll sa kanya at tumugon, "Dahil kay Guro."
"Tama. Dahil kay Boss Finn... Hinahangaan ko talaga siya gaya n'yo! Napakabuti niyang tao at napakayaman niya pa!" nananabik at nagniningning na matang giit ni Erwan.
"Kung mayroon man kaming pinagkakasunduan ni Eon, 'yun ay walang iba kung hindi pareho kaming humahanga kay Guro. Magkaiba kami ng pananaw pagdating sa paghawak ng sitwasyon pero, hindi ibig sabihin noon ay hindi na kami maaaring maging magkaibigan," sabi ni Poll. Biglang napatitig si Poll sa bughaw na kalangitan at pabulong na nagsalita, "At oo... napakabuting tao ni Guro. Kung hindi niya kami tinulungan, hindi namin alam kung saan kami pupulutin..."
"Kumusta na kaya si Guro..? Ayos lang kaya siya ngayon..?" tanong ni Poll sa hangin.
Samantala, hindi kalayuan sa kinaroroonan nina Poll, huminto si Munting Black at hinarap si Eon. Huminto rin si Eon sa paglipad at agad na lumapag sa damuhan.
"Ano'ng mahalagang sasabihin n'yo sa akin, Guro?" magalang na tanong ni Eon kay Munting Black.
"Mamaya ko na ipapaliwanag ang tungkol sa bagay na iyan," tugon ni Munting Black. "Gusto ko lang malaman mo na nakausap ko na si Migassa."
Nagkaroon ng pagbabago sa ekspresyon ni Eon dahil sa huling sinabi ni Munting Black. Naging seryoso ang kanyang ekspresyon at malumanay siyang nagtanong, "Mayro'n ba siyang sinabi, Guro? Kumusta siya?"
Umiling si Munting Black at bumuntong-hininga, "Wala siyang gaanong sinabi. Nagkausap lang kami sandali tungkol sa aking mga nalaman pero hindi nagtagal, pinaalis niya rin ako dahil gusto niya raw magpatuloy sa pag-iisip. Ayaw niyang magpa-istorbo kaya hinayaan ko na siyang mapag-isa."
"Ano talagang nangyari bago ko mawala? Mayroon bang nangyari habang nasa labas ako? Sa pagkakatanda ko, hindi gano'n kakaiba ang ikinikilos ni Migassa bago ako mawala," tanong ni Munting Black kay Eon.
Sandaling nag-alinlangan si Eon bago magsalita, "Ang totoo niyan, Guro... Nagbago si Migassa pagkatapos nilang mag-usap ni Master isang taon na ang nakararaan. Sinubukan ko siyang tanungin, pero, itinataboy niya ako. Hmph."
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]
FantasiPagkatapos ng isang taong pagsasanay sa Spring of Dreams, sa wakas ay nagbalik na si Finn sa Dark Continent upang maghiganti kay Puppet King Hugo at magbigay banta sa Red Dragon Family. Handa na rin siyang hanapin ang grupong Dark Crow sa kaharian s...