Chapter XXIV

6.3K 885 65
                                    

Chapter XXIV: Not worth it

Nabasag ang barrier na nakapalibot sa buong kapitolyo. Ang barrier na hindi agad nagawang mawasak ng sampung nagtulong-tulong na formation masters ay nawasak dahil lamang sa isang malakas na paghampas ni Finn sa kanyang espada. Gumamit na ng puwersa ang binata, at dahil kontrolado niya ang kanyang lakas, hindi tumagos ang kanyang atake sa kapitolyo. Wala siyang natamaang gusali dahil pagkatapos mawasak ng barrier, agad niyang binawi ang kanyang atake.

Naglaho na ang inatake ni Finn na hambog na sharkman. Tumilapon ito at nahati na sa dalawa ang katawan. Imposibleng mabuhay pa iyon dahil sa sobrang lakas ng atake ng binata.

Huminto na ang labanan dahil sa ipinakitang Heaven Armament ng binata. Bawat isa ay natakot at namangha sa lakas ng sandata ng binata. Humanga rin sila pinakawalang atake ng binata at hindi nila mapigilang mahiwagaan kung ano ang katauhan ng binata.

Mayroong ilan sa kalaban na namukhaan si Finn, ganoon pa man, kakaunti lamang sa kanila ang lubusang nakakilala sa binata.

Samantala, sa pinakataas, ang dalawang hindi nakikitang pigura ng dalawang tao ay mapapansing naguguluhan habang nakatingin sa binata at sa hawak nitong espada. Ang dalawang pigura ay binubuo ng isang medyo matabang lalaki at isang babae. Nakasuot ang dalawa ng puting balabal at ang kanilang mukha ay tila ba maamo.

“Sino ang binatang iyon..? Mayroon siyang napakalakas na skill at kakaiba rin ang kanyang aura. Mayroon din siyang Heaven Armament na ngayon ko lang nakita..” malumanay na sambit ng babae.

“Ito rin ang unang beses na nakita ko ang Heaven Armament na iyan. At sigurado ako na hindi iyan ang malaking espada na pag-aari ng mga demonyo,” komento ng lalaki.

“Ano’ng gagawin natin? Dadakipin ba natin siya?” tanong ng babae. Umiling naman ang lalaki at tumugon, “Hindi pa siya nakasasagabal sa ating pakay. Mayroong oras para hulihin siya pero sa ngayon, magmasid muna tayo at pag-aralan kung sino siya.”

Hindi na tumugon ang babae. Muli silang natahimik na dalawa habang nakatitig kay Finn. Nanatili lamang sila sa kanilang puwesto at walang sinuman sa naroroon ang nakakakita o nakararamdam sa kanilang presensya.

Samantala, nang makabawi si Monroe mula sa matinding gulat, tiningnan niya muna saglit ang binata bago buong lakas na sumigaw.

“Wasak na ang barrier! Kayong lahat, sugurin ang palasyo!” pasigaw na turo ni Monroe sa pinakamalaking gusali sa gitna ng kapitolyo.

“Sugod!”

Natauhan din ang mga miyembro ng Endless Sea Alliance at ang mga kalaban. Muling nagpatuloy ang labanan sa pagitan ng mga merfolk at vicious beasts at pansamantala muna nilang isinantabi ang tungkol sa binata at sa pag-aari nitong Heaven Armament.

Sunod-sunod na pagsabog ang umalingawngaw sa ilalim ng karagatan. Iba’t ibang klase ng kapangyarihan ang nagkalat at pinakawalan ng mga naglalaban.

Pinagmasdan ni Finn ang pagpapatuloy ng digmaan nang walang mababakas na ekspresyon sa kanyang mukha. Itinago niya na muli ang kanyang Heaven Armament pero nang ginawa niya ito, bigla na lamang may apat na pigura ang pumalibot sa kanya.

Dalawa sa mga ito ay nagmula sa Sharkman Clan habang ang dalawa naman ay sa angkan ng Sea Serpent Clan at Swordfish Clan.

Ang Swordfish Clan ay isa ring ka-alyado ng Sharkman Clan. Hindi rin sila ganoon kalakas na angkan ng merfolk noon pero ngayon, ang kanilang lakas ay kabilang na sa limang pinakamalalakas na angkan.

Ang hitsura ng isang miyembro ng Swordfish Clan ay mayroong mukha ng isang isda habang ang dalawa nitong braso ay maihahalintulad sa malaking karayom.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon