Chapter VI

7.4K 969 90
                                    

Chapter VI: Carefree Visit

Ancient Phoenix Realm, Ancient Phoenix Shrine.

Sa templo ng Fire Pheonix sa Ancient Pheonix Shrine, isang dalagita ang taimtim na nakaupo habang nagninilaynilay sa ilalim ng rebulto ng Phoenix na nakapuwesto sa harap ng templo. Taimtim ang expresyon sa mukha ng dalagita at ang kanyang aura ay maihahalintulad sa isang maharlika, sa mataas na kalidad na aura ng isang maharlika. Ang dalagita ay mayroong kulay-pulang mahabang buhok at kabigha-bighani ang mala-porselana niyang kutis. Kapansin-pansin din ang suot niyang animo'y nag-aapoy na bistida.

Napakapayapa ng buong lugar, sabayan pa ng katahimikan ng dalagita. Tanging ihip lang ng hangin ang bumubuhay sa lugar na iyon.

Tungkol sa dalagita, siya ay walang iba kung hindi—si Ashe Vermillion.

Malaki na ang ipinagbago ni Ashe ngayon. Mahigit isang taon na siya sa mundong ito at ang kanyang aura at presensya ay ibang-iba na kaysa rati. Mas lalo pa siyang naging pino, at mas lalo pa siyang gumanda.

Habang tahimik na nagninilaynilay sa ilalim ng rebulto, may mabagal na yabag ng paa ang narinig ni Ashe na dahan-dahang nagpamulat sa kanyang mga mata.

Sinilip ni Ashe ang isa pang dalagitang parating at naging blanko ang kanyang ekspresyon habang pinanonood ang unti-unting paglapit nito sa kanya.

Nakasuot ang dalagita ng napaka gandang pulang baluti. Mayroon din siyang dalawang pamaypay na sandata sa kanyang likuran. Ang baluti't sandata niya ay may sagisag ng animo'y isang napakagandang nag-aapoy na ibon. Ang ibong ito ay kagayang-kagaya ng hitsura ng rebulto sa harap ng templo.

Huminto ang dalagita at pinanatili niya ang limang metrong layo niya kay Ashe. Malamig ang tingin nito sa kapwa niya dalagita na para bang may galit siya rito.

"Ipinapatawag ka ng ating Pinuno, Ashe," malamig na sabi ng dalagita. “May mahalagang sasabihin sa iyo si Pinunong Alisaia.” Dagdag pa ng dalagita.

Walang emosyon na makikita sa mga mata ni Ashe habang nakatingin sa dalagita. Ibinuka niya ang kanyang bibig at marahang nagwika, “Kung nais niya na makausap ako, sabihin mo na siya ang magtungo rito, Fae Requis.”

Nagdilim ang ekspresyon ni Fae. Masama siyang tumingin kay Ashe at inis na nagwika, “Walang galang! Hindi ka kwalipikado para gawin ang gusto mo sa mundong ito. Hindi ko maintindihan kung bakit kinukupkop pa ni Pinuno ang isang gaya mong walang respeto.”

Hindi lang galit ang nararamdaman ni Fae kay Ashe. Naiinggit din siya kay Ashe; malinaw ito at alam ito ng iba pang kabilang sa Ancient Pheonix Shrine.

‘Nagsanay ako ng buong pagsisikap para maabot ang kasalukuyan kong posisyon.’

‘Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para maging malakas na miyembro pero… ang babaeng ito… ang kanyang dugo ng Fire Phoenix ay mas mataas ang kalidad kaysa sa dugo ng Fire Pheonix ng Pinuno!’

‘Dahil dito kaya ang atensyon ng lahat ay nasa kanya. Ang mundo ay talagang hindi patas!’

Hindi matanggap ni Fae ang lahat matapos makarating ni Ashe sa kanilang mundo. Galit siya sa pag-uugali ni Ashe dahil sa halip na magpasalamat ito, nagrebelde pa ito. Hindi nito sinusunod ang utos at gabay ng mga nakatataas, at tinatanggihan ni Ashe ang mga turo ng kanilang Pinuno.

Kung siya iyon, hindi niya iyon tatanggihan dahil lahat naman ng mga miyembro ng Fire Phoenix Shrine ay gusto na makuha ang atensyon ng kanilang pinuno na si Alisaia.

Pero, kahit na naiinggit si Fae kay Ashe, hindi siya umabot sa puntong gusto niyang patayin o saktan ang dalaga. Bukod sa masisira ang relasyon niya sa mga nakatataas, hindi siya isang dalagita na nagpapadala sa kanyang emosyon at inggit.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon