Chapter XXXIV

6.2K 867 95
                                    

Chapter XXXIV: Messengers of the 'God'

Mula nang umalis si Finn sa Enchanted Mountain, ngayon lamang siya muli nakaramdam ng tensyon. Tiwala siyang kaya niyang labanan ang kahit sino gamit ang lakas niya, marami man ito o kaunti—lalong-lalo na at narito siya sa lugar kung saan siya komportable. Ang kanyang elemento ay tubig, at mas malakas siya kapag nasa ilalim siya karagatan dahil madali niyang magagamit ang kapangyarihan ng tubig dito.

Subalit, ang kanyang inaasahang kalaban lamang ay mga Heaven Rank. Hindi niya inaasahan na mayroong Heavenly Knight Ranks sa planetang ito, at dalawa pa ang lumitaw sa kanyang harapan na sobra niyang ipinangamba.

‘Mayroon silang ginagamit na Foundation Art para palakasin ang kanilang pundasyon. Ito marahil ang dahilan kung bakit nasa Heavenly Knight Rank silang dalawa,’ sa isip ng binata.

Sa normal na mga kaso, tanging mga gumagamit lang ng Foundation Art ang maaaring makatapak sa Heavenly Knight Rank. Napakahalaga ng Foundation Art sa mga adventurer dahil ito ang nagsisilbing pampalakas ng kanilang mga pundasyon. Kung walang Foundation Art, hindi na nila makakayanan pang humigop ng enerhiya, at hindi rin sila makakabuo ng matatag na pundasyon sa kanilang soulforce coil.

Habang pinagmamasdan ang dalawa, napansin ni Finn na mahina ang aura ng dalawang ito kumpara sa aura nina Loen at Leonel noong una silang makita ng binata. Pero, ang dalawang ito ay nasa Heavenly Knight Rank pa rin—ranggo na madalas matatagpuan sa mataas na mundo kaya hindi niya ito dapat balewalain.

Ang Heaven Rank at Heavenly Knight Rank ay hindi maaaring pagkumparahin. Para bang langit at lupa ang pinagkaiba ng dalawang ranggo na ito. Ibang antas na ang Heavenly Knight Rank, at kahit na talentado at pambihira ang kapangyarihan ni Finn, sobrang hirap pa rin para sa kanya na tapatan ang isang Heavenly Knight Rank kung gagamit siya ng ordinaryong paraan para makipaglaban.

Hindi niya pagpipilian ang pagtakas. Narito pa sina Gin, at kung tatakas siya hindi niya alam kung ano ang gagawin ng dalawang ito sa kanyang mga kaibigan at sa mga maiiwan dito.

Sumeryoso ang ekspresyon ni Finn sa kanyang mukha. Agad siyang umisip ng paraan kung paano niya lalabanan ang dalawa nang hindi nalalagay sa panganib ang kanyang buhay at ang buhay ng mga naririto. Napatingin ang binata kay Reden. Napabaling din siya sa bangkay ni Serpentos, at agad na mayroong ideya ang pumasok sa kanyang isipan kaya naman kumalma siya at ngumiti.

Nawala ang tensyong nararamdaman niya, pero, nanatili pa rin siyang alerto at hindi siya nagpahalata na kampante na siya.

Pinagmasdan niya ang dalawang pigura. Napansin niyang ang lalaki ay may malusog na pangangatawan habang ang babae naman ay may magandang hubog ng katawan. Bawat isa sa dalawa ay mayroong purong puting kulay ng mga mata. Animo’y bulag ang dalawa, pero, ang totoo natural na sa kanila ang ganitong uri ng mata.

Payapa rin ang ekspresyon ng dalawa at para bang wala silang intensyon na makipaglaban. Inosente ang mukha nila at mukha silang mabait tingnan, subalit, alam ni Finn na hindi siya maaaring tumingin lamang sa panlabas na anyo ng mga ito. Kailangan niyang mag-ingat dahil parehong mapanganib ang dalawa sa kabila ng kanilang mabait na hitsura.

Huminga ng malalim si Finn at nagtanong, “Hindi n’yo sinagot ang tanong ko. Sino kayong dalawa at anon’ng ginagawa n’yo rito?” Huminto ang binata at bago pa man makasagot ang dalawa, muli siyang nagtanong, “Sandali… kayo ba ang nasa likod ng lahat ng pangyayaring ito? Kayong dalawa ba ang tumulong sa Sharkman Clan at sa kanilang mga ka-alyado para buuin ang planong pagpapalaya sa limang nilalang na nakakulong dito?”

Nanatiling payapa ang ekspresyon ng lalaki at babae. Direkta lang ang kanilang tingin kay Finn na para bang ang binata lamang ang naroroon sa lugar na iyon bukod sa kanilang dalawa.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon