Chapter XII

7.2K 973 74
                                    

Chapter XII: Resentment

Sa mansyon ng Duke ng Erdives, dumating ang grupo ng mga assassin at wala silang naabutang Finn at Crome sa lugar. Ang naabutan lang nila ay ang sira-sirang mansyon at ang mga kawal na walang malay na nagkalat sa paligid. Bawat isa sa mga assassin ay may taimtim na ekspresyon, lalong-lalo na si Kween Karen na tagapamahala ng Assassins Guild sa Lungsod ng Erdives.

“Nahuli tayo ng dating… nakaalis na si Finn at tinangay niya pa si Duke Crome,” taimtim na ekspresyong giit ni Kween. Tumingin siya sa kanyang mga tauhan at agad na nagwika, “Makinig kayo. Marahil hindi pa sila nakalalayo sa lugar na ito! Kumalat kayo sa lungsod at kalapit na lugar upang hanapi—”

“Hah! Hindi… mo na kailangang mag-abala pa, Manager Kween! Maghahanap ka lang ng sakit ng katawan sa binabalak mo.”

Hindi naituloy ni Kween ang kanyang sasabihin dahil sa pagsigaw ng isang lalaki na nakahandusay ilang metro ang layo sa kanila. Dahan-dahang sinuportahan ng lalaki ang kanyang sarili upang tumayo at naglabas siya ng recovery pill na agad niyang kinain.

“Sino ka?” kunot-noong tanong ni Kween habang pinagmamasdan si Moromon. Makikita ang inis sa kanyang mga mata, pero, nanatili siyang kalmado. “Isa ka ba sa mga kawal ni Duke Crome… hm? Isa ka ring 8th Level Heaven Rank?”

Nagulat si Kween nang malaman niyang isa ring 8th Level Heaven Rank ang kawal na si Moromon gaya niya. Magkapareho sila ng antas at ranggo at hindi rin nagkakalayo ang kalidad ng kanilang enerhiya. Hindi sila ordinaryong 8th Level Heaven Rank, pero, hindi rin naman sila nalalayo roon.

Sa nakikita ni Kween, malubha ang tinamong pinsala ni Moromon kaya nagulat siya nang sobra, nag-alinlangan at naguluhan.

Nanatili namang kalmado si Moromon. Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata at seryosong nagwika, “Imposibleng maabutan n’yo ang binatang nagngangalang Finn Doria. Masyado siyang mabilis… at kahit maabutan n’yo man siya, sigurado akong hindi n’yo siya matatalo kaya kung ako sa inyo, h’wag na lang kayong mag-abala pa.”

Napataas ang kilay ni Kween at hindi niya napigilan ang magtanong, “Siya ba ang may gawa niyan sa’yo? At… hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, sino ka? Hindi ako pamilyar sa’yo.”

Hindi sinagot ni Moromon ang unang tanong ni Kween. Naging komplikado lang ang kanyang ekspresyon habang inaalala ang nangyari kay Crome. Inatasan siya ni Servero na protektahan si Crome, pero, pumalpak siya. Hindi niya naprotektahan si Crome mula kay Finn at hindi niya alam kung ano na ang lagay ng kanyang pinaglilingkuran.

“Bilang sagot sa iyong katanungan, ang ngalan ko ay Moromon at ako ay ipinadala ni Grand Duke Servero Meyers dito para protektahan ang kanyang anak na si Crome Meyers,” seryosong sagot ni Mormon. Nagsimula siyang humakbang at mapapansing hindi pa ayos ang kanyang kalagayan dahil pasuray-suray pa siya kung maglakad. “Hindi na ako maaaring manatili pa rito ng matagal. Kailangan kong i-ulat kay Grand Duke Servero ang nangyari sa kanyang anak.”

Napahinto si Mormon sa paglalakad at pagsasalita. Napasimangot siya dahil napagtanto niyang hindi na nila magagawa pang itago ang nangyari rito lalo na ngayong may alam si Kween sa nangyari. Sigurado siyang ipapaalam ni Kween ang nangyari sa pangunahing sangay ng Assassins Guild, at sigurado rin siya na malalaman at malalaman ng imperial family na buhay si Finn.

Sa bagay na ito, wala na siyang magagawa pa. Siguradong makatitikim siya ng parusa kay Servero, pero, hindi niya na kontrolado ang lahat. Isa lang siyang kawal, at marami pang higit sa kanya na naglilingkod sa matandang duke.

Hindi na siya magtataka kung susubukan siyang patayin ni Servero dahil sa nangyari kay Crome, pero, wala siyang balak na takasan ang kanyang tungkulin. Haharapin niya ang anumang kaparusahan na matatanggap niya mula kay Servero.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon