Chapter XXXVIII

6.5K 866 113
                                    

Chapter XXXVIII: Proposal

“Kasunduan… sa inyo?” kunot-noong ulit ni Finn sa sinabi ng babaeng tinig. Nararamdaman niya ang matinding galit sa kanyang paligid, at alam niyang nagmumula ang galit na iyon sa nilalang na galit na galit sa kanya—mali. Galit na galit sa mga adventurer na nagkulong sa kanila sa lugar na ito. Nadamay lamang siya sa galit ng nilalang na iyon dahil inaakala nitong siya ay may kaugnayan sa mga adventurer na nagkulong sa kanila rito.

“Oo. Magkakaroon ng kasunduan sa pagitan mo at naming lima. Pero, bago iyon, maaari bang magpakilala ka muna sa amin, taong adventurer?” seryosong sambit ng babae.

Sandaling natahimik si Finn. Mayroon siyang ibang iniisip tungkol sa kasunduan. Hindi siya pabor dito, pero, dahil may gusto pa siyang malaman, sumabay na lang siya sa daloy ng mga pangyayari.

“Finn Doria,” simpleng tugon ng binata. Tumingin siya sa kanyang paligid at humarap muli sa pinanggagalingan ng boses ng babae, “Sinabi ko na ang pangalan ko sa inyo, marahil sapat na iyon para kayo’y magpakilala, hindi ba?”

“Maaari mo akong tawaging Tisia. At ang apat ko pang kasama ay ang aking mga kapatid, sina Tumo, Torko, Talia at Temuer,” pakilala ng babaeng nagngangalang Tisia.

Nakarinig si Finn nang pagsinghal at kasunod nito, ay ang tinig ng lalaking galit.

“Bakit kailangan pa nating sabihin sa kanya ang ating pangalan?! Isa siyang kalabanan baka nakakalimutan mo!” galit na sigaw ng lalaki.

“Oo nga, Oo nga! Kalaban siya! Hindi dapat natin ipinagkakatiwala sa kanya ang ating pangalan!” komento ng matinis na tinig.

“Temuer! Manahimik ka muna sandali dahil mahalaga ang kasunduang ito!” naiinis na sabi ni Tisia. “At isa ka pa, Tumo! Puwede bang ihinto mo ang pagsuporta sa lahat ng sinasabi ni Temuer?!”

Naipit si Finn sa pagtatalo ng tatlong magkakapatid kaya napangiwi siya. Si Tisia ang animo’y panganay na nananaway sa kanila, habang si Temuer naman ang laging galit at nagrereklamo. Tungkol naman kay Tumo… siya ang nagmamay-ari ng matinis na boses na sabat nang sabat sa usapan.

“Pero, Tisia,” sabi ng mapaglarong boses. “Tama naman ang dalawa nating kapatid… hindi dapat tayo nagtitiwala sa kanya, hindi ba?”

Sandaling nagkaroon ng katahimikan noong magsalita ang lalaking may mapaglarong tinig. Hindi rin sumabat si Finn dahil wala siyang kailangang sabihin at hindi niya naman kailangang kuhanin ang tiwala ng limang magkakapatid na nilalang.

“Alam mo kung gaano ka-importante sa atin ang kanyang pag-iral, Torko. Hayaan n’yo na lang ako sa aking binabalak dahil wala na tayong pagpipilian,” tugon ni Tisia matapos ang sandaling pananahimik.

Nakarinig si Finn nang mahinang pagtawa at kasunod nito, ay ang pagsasalita ng nilalang na nagngangalang Torko.

“Kung iyan ang desisyon mo, susuportahan kita, aking kapatid na Tisia,” sambit ni Torko. “Ikaw, Talia? Bakit kanina ka pa nananahimik? Ano ang opinyon mo sa sitwasyong ito?”

“Naniniwala ako sa desisyon ni Tisia…” sambit ng mahinhin na tinig ng babae.

Napabaling si Finn sa kanyang kanan na pinanggagalingan ng mahinhin na tinig.

‘Kung gano’n, siya na marahil ang ika-limang nilalang na nakakulong sa formation… si Talia,’ sa isip ni Finn. Tumingin muli siya sa kanyang unahan at nakangiting nagsalita, “Nagkakilanlan lamang tayong lahat, pero, hindi pa ako pumapayag sa kasunduang sinasabi mo—wala rin akong ideya sa kasunduang balak mong ilatag sa akin.”

Inihalad ni Finn ang kanyang braso at nagpatuloy, “Nais kong magpakita ka sa akin at personal mong ihayag ang iyong gustong sabihin. Nais ko ring malaman kung ano’ng dahilan bakit kayo nakakulong sa formation na iy—”

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon