Chapter XXVII

6.2K 853 49
                                    

Chapter XXVII: Arrived

“Maraming salamat sa inyong konsiderasyon, Kamahalan!” pagyuko muli ni Albos bilang tanda ng paggalang. Sobrang natutuwa siya sa kasalukuyang nangyayari ngayon. Agad siyang pinatawad ni Eregor sa kanyang mga kasalanan sa kaharian. Hindi naglaan ng kaparusahan sa kanya ang hari, pero, kahit naman parusahan siya ni Eregor ay buong puso niya iyong tatanggapin. Alam niya ang kanyang mga pagkakamali, at hindi ganoon kadaling patawarin ang mga pagkakasalang iyon.

Yumuko rin si Eregor at matamis na ngumiti. Tinapik-tapik niya ang balikat ni Albos at marahang nagsalita, “Hindi mo na kailangang magpasalamat. Nagpapasalamat ako’t ligtas kayo ng iyong kapatid, at kahit na naging mapait ang inyong karanasan, nabuhay pa rin kayong dalawa at nagkasama.”

Umayos muli ng tayo si Eregor. Kinuyom niya ang kanyang kamao at mapapansin ang matalim na tingin sa kanyang mga mata. “Hindi na ako makapaghintay na makamit ang hustisya para sa ating mga kalahi. Hindi na ako makapaghintay na maialis sila sa impyernong imperyo na iyon!”

Naging seryoso at malamig din ang eskpresyon nina Zigar at Castro. Narinig nila kanina ang pagsasalaysay ni Albos tungkol sa mga sinasapit ng mga beastman sa kamay ng mga tao at hindi nila mapigilang magalit dahil dito.

Inaalipin at inaalipusta ng mga masasamang tao ang kanilang kalahi kahit walang alam ang mga ito sa nangyayari. Sino ang hindi magagalit sa ganitong pangyayari? Hinahamak ang isang lahi dahil lang sa hitsura at pagkakaroon nito ng katangian ng isang halimaw. Hindi ito katanggap-tanggap para sa kanila lalo na at wala naman silang ginagawang masama.

Simula pa lamang, kinamumuhian na nila ang mga tao dahil sa pagtrato ng mga ito sa kanilang lahi. Gusto nila ng hustisya, pero, wala silang kakayahan na maghiganti dahil sa sobrang lakas ng Imperyo ng Rowan at ng Holy Church.

Kaya kahit galit na galit sila, wala silang magagawa kung hindi ang magtimpi na lamang.

“Kamahalan… naniniwala ako kay Finn. Naniniwala akong kaya niyang baguhin ang kontinenteng ito. Malakas siya at hindi siya pangkaraniwan lamang, sigurado akong sa tulong niya, magkakaroon na ng malaking pagbabago sa kontinenteng ito,” mariin ngunit may paggalang na sabi Albos habang nakayukod pa rin.

Bumuntong-hininga si Eregor at muling bumakas ang ngiti sa kanyang labi. Umiling siya at tila ba tumingin sa kawalan noong siya ay magsalita, “Noong una kaming magkakilala… kahit na hinahangaan ko siya dahil sa kanyang pag-uugali, hindi ako naniniwalang makakaya niyang baguhin ang kontinenteng ito. Sinong maniniwala sa isang hamak na Legend Rank? Napaka imposible ng kanyang hangarin kaya tinanggihan ko ang kanyang alok. Hindi ako handang isakripisyo ang buhay ng aking mga kawal at mandirigma sa labang walang kasiguraduhan.”

“Ganoon pa man, habang pinakikinggan mula sa inyo ang nangyari kay Finn Doria at ang mga himalang nagawa niya, mayroon akong napagtanto…” huminto si Eregor saglit at kinuyom niya ang kanyang kamao. “Kaya niya. Kaya niya tayong tulungan at mayroong kabuluhan ang kanyang mga binabalak. Kung nais niyang baguhin ang kontinenteng ito, ako, si Eregor Leonis ay buo ang tiwala at suporta sa kanya.”

“Susuportahan ko siya hangga’t may kakayahan ako dahil siya ang dahilan kung bakit nasa posisyon ko ako ngayon.”

Muling napatingala si Albos. Medyo natigilan siya nang makita ang sinsiredad sa mga mata ni Eregor. Wala siyang masabi at natahimik na lamang siya. Napasulyap din siya kay Castro at nakita niya itong nakangiti. Habang noong sinulyapan niya ang kanyang ama na si Zigar, ang tanging nakita niya lamang ay seryosong ekspresyon na natural niya nang nakikita sa kanyang ama noon pa man.

‘Hindi pa rin siya nagbabago…’ sa isip ni Albos.

Kahit na masaya si Albos ngayon dahil pinatawad siya ni Eregor, hindi niya pa rin mapigilang malungkot dahil alam niya namang hanggang ngayon ay hindi pa rin siya napapatawad ng kanyang ama. Nalulungkot din siya ng lubos dahil sa kabila ng pagkukuwento niya ng karanasan niya at ni Crypt sa kamay ni Crome, hindi pa rin natinag ang ekspresyon ng kanyang ama at nanatili pa rin itong seryoso na para bang wala itong nararamdaman.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon