Nag-cr ako sa isang pampublikong palikuran sa likod ng isang sementeryo matapos ang pagdalaw ko sa puntod ng aking namayapang lola.
Pagkapasok ko pa lamang ay ramdam ko agad ang lamig ng paligid, pagabi na rin kasi, kaya naman hindi na ako masyadong nagtaka.
Humanap ako ng cubicle na maaari kong pagbawasan ng likidong nasa loob ng aking pantog. Lahat naman ay pawang bakante dahil ako lamang mag-isa sa loob ng cr.
Pagkapasok ko sa loob ng napili kong cubicle ay agad ko nang ginawa ang aking pakay. Nag-uumpisa pa lamang akong umihi ng biglang makaramdam ako ng kalabit sa aking ulunan.
Sa aking pagtataka ay nilingon ko ang aking likuran ngunit wala naman akong nakitang kahit anino ng tao. Kaya naman ipinagpatuloy ko ang aking ginagawa.
Ngunit nakaramdam ulit ako ng kalabit sa aking ulunan. Tinapos ko na muna ang aking pag-ihi at lumabas sa cubicle. Nagulat ako ng may makitang lalaking nakatalikod sa akin, nakaharap sa may pintuan palabas ng cr. Inisip ko na marahil siya ang kanina pa kumakalabit sa akin kaya naman tinanong ko siya.
"Manong, kayo po ba ang kumakalabit sa akin kanina?" ang tanong ko sa kanya.
"Hindi ako iyon," sagot niya ngunit hindi man lamang humaharap sa akin.
"Eh kung hindi po kayo iyon, sino po?" naguguluhang tanong ko.
"Aaahh," sabi niya sabay harap sa akin, "baka yun yung daliri ng paa ko nung nagbigti ako jan," nakangiti nyang pahayag habang nakita ko ang sugat at naaagnas nyang leeg na parang gawa ng isang lubid..
BINABASA MO ANG
Bawal Matulog (isang libro ng pinagsama-samang maiikling kwento ng katatakutan)
Horrormasarap matulog pero kung matapang ka.. naiinip.. at walang magawa... basahin mo ito.. at baka.. hindi mo na gustuhing.. matulog pa ulit..