Chapter 20: Someday

10.7K 360 45
                                    

"Akala ko, hindi ka na darating." sabi ni Tyrone nang pumasok ako ng kotse niya. Nagchat kase siya na may pupuntahan kami ng hapon. Nagdalawang-isip pa ako, kung sasama ako o hindi. Saan naman kase kami pupunta? Pero sa huli, heto ako, nakasakay na sa kotse niya. Iniwan ko muna ang motor ko sa parking lot, umalis na rin sina Eros.

"Saan tayo?" tanong ko habang kinakabit ang seatbelt.

"Secret." aniya at pinaandar na ang sasakyan.

Pareho parin kaming naka pink na suot. Amoy ko naman ang pamilyar na pabango niya at wax. In-on niya naman ang stereo. Nagheheadbang na siya sa tugtog.

"Woi, baka mabangga tayo." saway ko sakanya.

Relax lang siyang nagmamaneho, nakapatong pa ang kaliwang siko sa bintana at sumabay siya ng kanta sa stereo.

Pag automatic na ang luha
Tuwing naghahating-gabi
'Pag imposibleng mapatawa
At 'di na madapuan ng ngiti..

Kumapit ka kaya
Sa akin nang ikaw ay
Maitangay sa kalayaan ng ligaya
Tayo na, tayo na
Ika'y magtiwala sapagka't ngayong gabi
Ako ang mahiwagang elesi..

Gabi na nang makarating kami sa... "Amusement park?"

"Oo, bakit ayaw mo?" baling niya sakin.

Napalunok na lang ako habang nakatanaw sa roller coaster na tumataas, bumababa.

"Face your fears, lika na." Hinigit na ako ni Tyrone. Napatingin ako sa magkahawak naming kamay. Uminit naman ang pisngi ko. Luminga-linga ako sa paligid. Maraming tao. Naku! Baka may makakilala samin dito. Pumasok na kami sa amusement park at dumiretso sa bilihan ng ticket.

"Doon tayo." turo niya sa ferris wheel at hinigit na naman ako.

Sumakay na kami. Hindi nagtagal ay nagsimula ng umandar ang ferris wheel. Magkaharap kami ni Tyrone nang bigla siyang tumabi sakin at inakbayan ako. Nang nasa tuktok na kami ay parang abot na namin ang mga bituin.

"Pa-kiss," Nilapit ni Tyrone ang kanyang mukha sakin. Ngumuso ako at amba siyang hahalikan pero hindi ko tinuloy. Asa naman siya. Pero nagulat ako nang halikan niya ako bigla sa labi. Smack lang. Tumibok ng mabilis ang puso ko.

"Pakipot ka pa, tsk!" singhal niya.

Wew!

"Saang lugar mo ba gustong pumunta?" tanong niya.

"Hmm, kahit saan." sabi ko. Basta kasama ka.

Nang matapos na ang ride sa ferris wheel, ay sunod naming sinakyan ang roller coaster, dito na talaga ako kakabahan. Para kasing mahuhulog ka kung hindi ka kakapit.

Napasigaw na lang ako nang magsimula ng umandar ang rollercoaster. Si Tyrone naman, napasigaw din. Mukhang enjoy na enjoy. Nang masanay na ako sa pag ikot nitong rides ay nag enjoy narin ako.

Sunod naming pinuntahan yung dart balloon. Hindi ako makaputok ng lobo, ang hirap naman. Nakapaputok naman si Tyrone sa ika-apat niyang subok. At ang kapalit nito ay teddy bear na kulay blue. Ang cute. Binigay niya sakin ito.

Napatingin ako sa magkasintahan na nakatingin samin. May bahid ng pandidiri ang kanilang mga tingin. Nakaramdaman naman ako ng ilang.

"Lika na," Hinawakan ni Tyrone ang kamay ko at pumunta na kami sa isang stall. Kumalam naman ang sikmura ko nang makita ang iba't-ibang pagkain. Pinili naming kainin ay pizza.

"Libre naman kita." abot ko sakanya ng pera.

Napasinghal naman siya. "Ako ang magbabayad."

Umupo kami sa may bench habang kumakain. Inakbayan niya naman ako.

"Painom," Lumapit siya sa softdrinks na hawak ko at sumipsip sa straw. Naubos na pala kase ang softdrinks niya.

Pansin ko naman ang mga taong napapabaling ang tingin samin. Yung tingin na parang nandidiri, may iba naman na babae na parang kinikilig at may mga lalakeng napapangiwi.

Hindi ako masyadong makapag enjoy dahil sa mga taong manghuhusga samin.

"Bibili lang ako ng softdrinks." turo ko sa may stall. Tumango naman siya. Tumayo ako at pumunta na doon.

Matapos kung makabili, saktong pagtalikod ko ay may nabangga akong batang babae.

"Ay, sorry.." Umupo ako upang mapantayan ang bata.

"Ok lang po," nakangiti niyang sabi.

"Dwayne?" biglang kong narinig sa aking likuran. Tumayo ako at pagharap ko, nanlaki ang mga mata ko.

Wow! What a small world.

"K-kendra? Anong ginagawa mo dito?" takang tanong ko. Kumabog ng husto ang dibdib ko.

Lumapit siya sa batang nabunggo ko. "Pinapasyal ko lang 'tong pamangkin ko, ikaw, sinong kasama mo?" luminga siya sa paligid. Napalunok na lang ako at tumingin din sa paligid. Naku po! Anong idadahilan ko? Isip-isip.

"Dwayne, ang tagal mo naman." biglang sulpot ni Tyrone. Haist! Hindi ko na alam ang ipapaliwanag ko. Naghuhuramentado na ang puso ko sa kaba.

Nanlaki ang mga mata ni Kendra na pabalik-balik ng tingin samin ni Tyrone.

"Oh, Kendra, ikaw pala," Gulat din si Tyrone at tiningnan niya naman ako. Parang nagsasabing kung ano ang ipapalusot namin kung bakit kami magkasama.

Napakamot na lang ako sa batok. Isip-isip ng ipapalusot.

Kita ko na sa mukha ni Kendra ang pagtataka. Hanggang sa nakaisip na ako ng isasagot.

"Namamasyal kaming buong pamilya," biglang sabi ko.

"Pamilya?" takang tanong ni Kendra.

"Oo, yung kuya niya kase at ate ko ay mag asawa kaya family friends kami." sagot ko.

Tumango naman si Kendra, namamangha. "Wala kayong naikuwento sakin na family friends pala kayo." Tumango din ako at pilit na ngumiti. Ganun din si Tyrone.

"So, nasaan ang family niyo?" tanong ni Kendra.

"Ah, nauna ng umalis." sabi ko.

Tumango siya at pinakilala samin ang kanyang pamangkin.

"Heto nga pala ang pamangkin ko si Liza, say hi kay kuya Tyrone at kuya Dwayne."

"Hi po." nakangiting kaway samin ng bata. Ngumiti naman kaming pareho ni Tyrone.

"Sabay na kayo samin." yaya ko.

"May sasakyan din kami eh," sagot ni Kendra.

Nagpaalam na sila at doon na ako nakahinga ng maluwang.

Nagkatinginan kami ni Tyrone at napailing nalang kaming nakangiti.

"Dinamay mo pa ang pamilya natin ah." natatawang sambit ni Tyrone habang nagmamaneho na siya ng sasakyan.

"Buti nga nakaisip ako ng ipapalusot, eh ikaw?"

"Edi, sasabihin ko ang totoo na nag d-date tayo." aniya.

"Weh.. di nga,"

"Itatago nalang ba natin 'to?" tanong niya.

Hindi naman agad ako nakapagsalita.

Sa isip ko na balang araw, kapag handa na ako ay ipagsisigawan ko sa lahat kung kanino ako masaya at nagmamahal.

***

My Beautiful Rival (BxB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon