Nang makitang nakatayo agad si Joshua ay muling sumugod si Idang. Titiisin niya lahat ng mga sipa at suntok nito na tumatama sa kanya dahil alam niya na sa kalaunan, mapapagod din ang binata. Hinalihaw niya ito ng kaliwa't kanan upang tamaan ito ng kanyang mahahabang kuko.
Inilagan ni Joshua ang mga atake ni Idang. Humahanap siya ng isang magandang pagkakataon para maisakatuparan ang kanyang binabalak.
Tuloy pa rin sa pagsugod si Idang. Hindi niya binibigyan ng pagkakataon na umatake si Joshua. Nakikita niyang unti-unting umaatras na ito sa kanyang mga atake at kapag nasukol na niya ito ay siguradong tatamaan niya ito. Sa muli niya uling pag-atake ay nakita niyang parang napatid ito sa isang nakausling ugat ng puno. Parang nawalan ito ng balanse at nagkakawag ito na parang matutumba. Dahil doon, bukas na bukas at walang anumang depensa ang katawan nito.
Pagkakataon na niya para laslasin ang tiyan nito!
Dinaluhong ni Idang si Joshua at iniunday ang matatalas na kuko sa kanang kamay nito!
Lingid sa kaalaman ni Idang, sinadya ni Joshua na magkunwaring matutumba at ibaba ang kanyang depensa upang sugurin siya nito. Sabay sa pag-unday ni Idang ay biglang humakbang si Joshua pakaliwa para hindi tamaan. Ipinorma nito ang kaliwang kamao para suntukin si Idang.
Lumagpas ang ulos ni Idang at dahil dito ay nawalan siya ng balanse. Muntik na siyang masubsob. Nakita niyang susuntukin siya ni Joshua kaya pilit niyang ipinihit ang katawan para masangga ang paparating na suntok.
Nahulaan ni Joshua ang gagawin ni Idang. Ang pag-amba niya ng kaliwang kamao ay isang panlilinlang lamang upang hindi makita ni Idang ang talagang balak niyang gawin. Dahil wala sa tamang posisyon at ipinihit ni Idang ang katawan pakanan para salagin ang suntok, ang buong bigat ng katawan niya ay napunta sa kanang paa lang. Ang kaliwang paa nito ay kailangang maiangat sa lupa para maipihit ang katawan.
Ang pagkakataong iyon ang hinihintay ni Joshua. Tumalon ito sa ere at biglang nagpakawala ng isang stomping kick sa kanang tuhod ni Idang.
Bali ang tuhod ng aswang! Naramdaman pa ni Joshua ang paglagatukan ng buto sa tuhod ni Idang ng tamaan ng sipa niya ito.
Napasigaw si Idang sa sakit ng maramdaman niyang nabali ang tuhod niya. Parang naparalisa ang kanyang kanang paa paakyat hanggang hita. Nagpilit itong makatayo bagama't namimilipit sa sakit ay handa ito sa muling pagsugod ni Joshua.
Hindi niya inaasahan ang makikita niya pagtayo niya.
Nakita niya si Joshua na mabilis tumatakbo palayo!
Sumingasing sa galit si Idang. Hindi siya makakapayag na tumakas ang kalaban niya. Bagama't bali ang kanang tuhod, pinilit nitong humabol gamit ang dalawang kamay at ang mga paa. Bagama't hindi nito iniinda ang sakit na nararamdaman, bumagal ito sa pagtakbo dahil sa baling tuhod.
Nilingon ni Joshua si Idang at nakita niyang humahabol ito sa kanya. Hindi na ito kasing-bilis tumakbo gaya kanina nung nag-uumpisa pa lang sila maglaban. Alam niyang hindi niya magagawa ang binabalak niya kapag hindi niya gagawan ng paraan na bumagal si Idang. Kahit alam niyang napakabilis niya tumakbo, hindi rin matatawaran ang bilis ng mga aswang.
Nilingon niya si Idang at halos isandaang metro na ang agwat niya dito. Sa tingin niya ay hindi pa ito sapat. Lalo pang binilisan ni Joshua ang pagtakbo.
Lalong nagalit si Idang ng makitang wala na sa paningin niya si Joshua. Ang akala siguro ng kalaban niya ay matatakasan siya nito sa pamamagitan ng pagtakbo lang.
May isang katangian silang mga aswang na wala sa ordinaryong tao. Malakas ang kanilang pang-amoy. Naamoy nila ang isang sanggol kahit nasa sinapupunan pa lang ito ng kanilang ina. Naaamoy nila ang isang bagong panganak kahit ilang kilometro pa ang layo nito.
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Bundok Mari-it (Book II)
AdventureHanggang saan ang kaya mong gawin para matulungan ang isang kaibigan? Tunghayan ang pakikipagsapalaran ni Joshua alyas " Lagalag " sa bundok ng mga naglalabanang engkanto para mailigtas ang kanyang kaibigan. Pinaghalong adventure, fantasy at suspens...