Chapter 13. Ang Kasakiman ni Kulas

7.8K 336 8
                                    

                        Hindi malaman ni Angelo kung ano ang gagawin.  Wala siyang mapuntahan. Kahit saan siya tumingin ay may mga bang-aw siyang nakikita. Pati ang kuweba na inakala niyang pinakaligtas na lugar ay may bang-aw na din na nakatayo sa bukana.

Kahit saan siya magpunta ay sigurado siyang mahuhuli siya ng mga bang-aw. Kung totoo ang sinabi ng matanda na hindi pumapasok sa kuweba ang mga bang-aw, ang kuweba lang ang tangi niyang pag-asa. Ang tanong ay kung paano niya lulusutan  ang bang-aw na nakatayo sa bungad nito.

Bahala na!

Tumakbo si Angelo papunta sa kuweba. Nang malapit na siya ay napansin niyang nakatalikod ang bang-aw at tila may sinisilip sa loob.

Nilingon niya ang mga bang-aw sa kanyang likuran.

Walang humahabol sa kanya!

Hindi makapaniwala si Angelo sa nakita. Nakatayo lang ang mga bang-aw at hindi siya hinahabol. Pati ang mga bang-aw na nanggaling sa bandang itaas na inakala niyang hinahabol siya ay patuloy pa rin sa paglalakad ngunit sa ibang direksiyon na patungo.

Itinuloy ni Angelo ang pagpunta sa kuweba ngunit sa pagkakataong ito, naglakad na lang siya. Pasulyap-sulyap siya sa mga bang-aw habang naglalakad at anumang oras na may makita siyang susugod ay nakahanda siyang tumakbo. Ni isa sa mga bang-aw ay walang pumansin kay Angelo. Hinayaan lang siya ng mga ito hanggang sa makarating siya sa kuweba.

" Hindi kaya kumapit sa akin ang amoy ng kuweba kaya akala nilang ako ang matanda?" tanong ni Angelo sa sarili. Hindi talaga siya makapaniwala na ang mga bang-aw na kanina lang ay gusto siyang lapain ay hinahayaan lang siya ngayon.

Nakatayo na si Angelo sa likod ng bang-aw sa bukana ng kuweba ngunit hindi pa rin ito namamalayan ng bang-aw. Pasilip-silip pa rin ito sa loob na parang may hinahanap ngunit halatang takot ito pumasok.

Hindi siya makakadaan pagpasok kapag hindi niya pinaalis ang bang-aw sa bukana ng kuweba. Kailangan niyang makapasok agad, baka biglang bumalik sa dating ugali ang mga bang-aw at lapain uli siya. Pinagmasdan ni Angelo ang nakatalikod na bang-aw. Halos kasintaas niya lang ito at mas payat ang katawan. 

" Mukhang kaya ko 'tong isa na ito." wika ni Angelo sa sarili. " Pagpihit nito ay kaya kong itulak palabas sabay pasok agad ako sa kuweba."

Inisip niya kung paano ang gagawin. Nakita niya kanina ng hinahabol siya na gamit ng mga bang-aw ang matatalas nilang mga kuko kapag umatake. Naisip ni Angelo na kapag nahawakan niya ang isang braso ng bang-aw, mapipigilan niya iyon at yung isa na lang ang iiwasan niya. Kapag kakagatin naman siya ay puwede niyang sipain ito palayo. Kapag nagawa niya iyon ay may pagkakataon na siyang pumasok sa kuweba.

Dahan-dahang iniangat ni Angelo ang kamay upang hawakan ang bang-aw sa braso. Malakas ang kabog ng dibdib niya at nanginginig ang kamay niya sa sobrang kaba ngunit kailangan niya itong gawin.

Huminga siya ng malalim at kasabay ng kanyang pag buntong-hininga ay bigla niyang hinawakan ng mahigpit ang braso ng bang-aw.

Pumihit ang bang-aw paharap. Kinakabahan man, humanda si Angelo, nakaabang ang kanyang mata sa gagawin ng bang-aw. 

Isang mabalasik na mukha ang humarap kay Angelo. Lumaki ang mata ng bang-aw ng makita siya, bumuka ang bibig nito, kita ni Angelo ang mahahabang mga pangil, at bigla itong umungol ng malakas.

" Woooohh! " 

Nagulat din si Angelo sa biglang pag-ungol ng bang-aw kaya siya ay napasigaw din.

" Aaaaaaaah! "

Ang kaninang mabalasik na mukha ng bang-aw ay napalitan ng takot. Pilit pinapagpag ng bang-aw ang braso upang bumitiw sa pagkakahawak si Angelo.

Dahil sa pagkagulat ay nabitawan ni Angelo ang braso ng bang-aw. Agad siyang tumakbo sa loob ng kuweba samantalang ang bang-aw naman ay mabilis na tumakbo palayo.

Si Joshua Lagalag at ang Bundok Mari-it        (Book II)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon