Chapter 21. Ang Pagkakatuklas

9K 339 16
                                    

                                Habang pumapasok sila sa loob ng isang napakalaking punongkahoy ay hindi pa rin maitago ni Joshua ang sobrang tuwa.

Buhay pa si Angelo at maaari niya itong makita sa pamamagitan ni Danara. Hindi magiging ganoon ang reaksiyon sa kanya ni Danara kung patay na ito. Nasisiguro niyang may inililihim si Danara tungkol kay Angelo na hindi alam ng kanyang mga kalahing Arbore. 

Kailangan niyang makausap si Danara.

Pagkaraang pumasok sa katawan ng puno ay bumaba sila sa isang hagdanan patungo sa ilalim ng lupa. Biglang naisip ni Joshua ang isa pa niyang dapat gawin maliban sa pagligtas kay Angelo.

Kailangan niyang pakawalan ang Ibon ng Gahum.

Ang sabi sa kanya ni Pitta ay alaga ni Payhud ang ibon kaya malamang ay nandito iyon sa tirahan ni Payhud. Kailangan niyang makaisip ng paraan kung paano mapapakawalan ang ibon.

Pumasok sila sa isang maliit na pasilyo at nagulat si Joshua ng bumulaga sa kanya ang isang napakalaking bulwagan. Medyo madilim ito bagama't tumatagos sa ilang butas sa lupa ang sinag ng araw. Makikita sa itaas na bahagi ang mga nag-uusliang ugat ng mga  puno na tumubo sa gubat at ang ibang malalaking ugat  ay parang pinasadya pa na gawing upuan at iba pang kagamitan sa loob ng bulwagan. 

Nakaupo si Payhud sa gitnang bahagi ng bulwagan sa isang malaking buhay na ugat ng isang puno na animo sinadyang baluktutin para maging hugis-upuan. Kausap nito si Dapdap at ang iba pang mandirigmang Arbore.

" Mahal na pinuno, nandito na po si Lagalag," wika ng mandirigmang sumundo kay Joshua.

Sumenyas lang si Payhud kina Joshua habang kausap pa nito si Dapdap. Pagkatapos mag-usap ng dalawa ay nagpaalam na si Dapdap kay Payhud. Isang matalim na sulyap ang ipinukol nito kay Joshua bago tuluyang umalis.

Nang makaalis si Dapdap ay kinawayan ni Payhud si Joshua upang lumapit sa kanya.

" Ipinatawag kita upang ipaalam sa iyo na ikaw ay balak kong gawing isang mandirigmang Arbore ngunit bago mangyari yun, dadaan ka muna sa maraming pagsubok. Kailangan mong malampasan ang lahat ng mga pagsubok na ibibigay sa iyo bago ka maging isang ganap na mandirigma." paliwanag ni Payhud.

" Gagawin ko po ang lahat ng makakaya ko para malampasan ang mga pagsubok na inyong ibibigay," sagot ni Joshua. " isang karangalan ang maging kabilang sa inyong mga mandirigma."

" Si Dapdap ang mabibigay sa iyo ng mga pagsubok at siya rin ang magsasabi sa akin kung maaari ka nang gawing isang mandirigma." sabi ni Payhud." Ipinapayo ko sa iyo na magsanay ka ng mabuti habang hindi pa dumarating ang oras para harapin ang mga pagsubok. "

" Sa ngayon ay tutulong ka sa pagbabantay ng ating teritoryo gaya ng ibang nagnanais din maging mandirigma. Hanapin mo si Dapdap at itanong mo kung saang lugar ang iyong babantayan,"

" Opo, maraming salamat po," Yumuko si Joshua sa harapan ni Payhud bago umalis. Nakita niyang ginawa nila Dapdap ang pagyuko kay Payhud bago umalis.

Iniisip niya ang sinabi ni Payhud na susuungin niya bago maging isang mandirigma. Hindi na niya hihintayin na dumating ang pagkakataong iyon. Si Dapdap ang magbibigay ng mga pagsubok at nasisiguro niya na gagawa at gagawa ito ng paraan para mapatay siya. 

Kailangan na niyang gawin ang dapat niyang gawin sa lalong madaling panahon. Habang tumatagal siya dito ay nanganganib ang buhay ni Angelo, ang mga Aves at pati sina Mario. Sa tingin niya ay lalong nagpapalakas ng puwersa si Payhud kaya nangangalap ito ng mga tauhan para gawing mandirigma.

Kaninang nasa loob siya at kausap si Payhud ay hinahanap ng kanyang mga mata ang Ibon ng Gahum. inaasahan niyang nasa malapit lang ito kay Payhud ngunit bigo siyang makita ito hanggang sa pag-alis niya. 

Si Joshua Lagalag at ang Bundok Mari-it        (Book II)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon