Chapter 26. Ang Sakripisyo ng Kapatid

8.2K 346 12
                                    

                                        Maliwanag na ang paligid ngunit hindi pa sumisikat ang araw ng marating nila Joshua ang lugar kung saan makikita ang mga Panday ng Idalom. Kung titingnan ay tila isa lang itong putol na puno na nakatayo sa gilid ng bundok ngunit kapag pumasok sa loob ng butas nito ay may tila hagdanan ito na inihulma sa lupa papunta sa ibaba. Malayo na rin ang kanilang ibinaba bago nila marating ang dulo ng hagdanan. Sa ibaba ay may napakalaki at napakadilim na butas na tila lagusan papasok pa sa kaluob-looban ng bundok. Sa gilid ng lagusan ay may mga mas maliliit na butas na dahil sa dilim ay hindi rin makita kung saan patungo. Halos wala nang makita si Joshua dahil sa dilim kaya si Kabug na malinaw ang mata kahit sa dilim ang siyang naunang naglakad.

Biglang naramdaman ni Joshua na umiinit ang batok niya, palatandaan na may mga nakatingin sa kanila mula sa likuran. Agad niyang inilabas ang kanyang pana bilang paghahanda sakaling may umatake.

Napatigil sila sa paglalakad ng isang dumadagundong na boses ang nagsalita. Nanggagaling ito sa isa sa mga butas sa gilid ng lagusan.

" Sino kayo at ano ang kailangan ninyo  sa amin?! "

 " Ako si Lagalag at gusto kong makausap si Burnok," sagot ni Joshua.

" Maghintay lang kayo diyan! "Umalingawngaw uli ang malakas na boses.

Sa lakas nito ay halos mapuno ng ingay ang buong lagusan. Bawat butas sa gilid ng lagusan ay tila umaalingawngaw ang boses ng nagsalita. Kung pagbabasehan ang laki ng boses ay tila isang napakalaking nilalang ang nagsalita.

Mula sa kadiliman ay naaninag ni Kabug na may paparating. Itinuro niya iyon kay Joshua. Nang makalapit ay nakita nilang si Burnok ang dumating at masayang binati sila nito.

" Maligayang pagdating dito sa aming lugar, Lagalag! " bati nito kay Joshua. Parang nagtataka pa ito at hindi makapaniwala ng makitang si Kabug ang kasama ng binata. " Ano ang maipaglilingkod namin sa iyo?"

" Nandiyan na si Burnok. Sabihin na ninyo ang inyong kailangan! " muling umalingawngaw ang malakas na boses.

" Tama na 'yan Uok. Lumabas ka na diyan," sabi ni Burnok sa nagsalita.

Ipinaliwanag ni Joshua ang kanyang pakay kay Burnok. Habang nagpapaliwanag si Joshua ay napansin ni Kabug na may lumalabas sa isa sa mga butas sa lagusan. Isang maliit lang na nilalang, halos dalawang talampakan ang taas, mabilog at mapintog ang katawan at mabagal ito kumilos.

Tumulo ang laway ni Kabug at nakaramdam siya ng gutom ng makita ang nilalang na lumabas sa butas.

" Ito ba yung malaking boses kanina?" tanong ni Kabug.

" Oo, siya si Uok at siya ang tagapagbantay dito sa labasan. Lumalaki ang kanyang boses dahil sa alingawngaw ng mga butas sa lagusan. Panlinlang din ito sa mga pumapasok dito." sagot ni Burnok.

" Nagustuhan mo ba ang ginawa ko? " tanong ni Uok kay Kabug.

" Oo, gustong-gusto ko," wika ni Kabug habang nakatingin kay Uok. Hindi ang ginawa ni Uok ang nagustuhan niya. Ang gusto niya ay ang itsura nito. Mataba, mapintog at mabagal kumilos. Tiyak na malasa ito at makatas kapag kinain.

" Maiwan muna namin kayo dito," sabi ni Burnok kay Kabug at Uok." May ipapakita lang ako kay Lagalag."

Pumasok ang dalawa sa isang butas. Ilang saglit silang naglakad bago narating ang lugar kung saan nagpapanday ng sandata ang mga taga Idalom. 

" Dito kami gumagawa ng sandata," sabi ni Burnok habang iniikot nila ang lugar. 

Maliwanag sa buong paligid dahil sa nagbabagang likido na umaagos sa lupa. Patungo ito sa mas malalim na bahagi sa ilalim ng lupa at sa nagbabagang likido na iyon inilalagay ng mga panday ang mga bakal na gagawing sandata. Ilang saglit lang nila itong inilagay at nang kuhanin ay nagbabaga na rin ito. Saka nila ito pupukpukin hanggang makuha ang gusto nilang hugis at sukat. Pagkatapos ay pababagahin ulit at ilulubog sa isang tila bukal ng langis para tumibay. Kikinisin at pakikintabin at ilang saglit lang ay magiging isang magandang sandata na ito.

Si Joshua Lagalag at ang Bundok Mari-it        (Book II)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon