Pinuntahan ni Joshua ang lugar kung saan niya nakita si Danara ngunit wala ito dito. Naghintay siya ng ilang sandali at ng wala pa rin ito ay nagpasiya siyang lumipat ng lugar. Hindi pa siya nakakalayo ay may narinig siyang tumatawag sa kanya.
" Lagalag!"
Pilit hinahanap ni Joshua ang boses ngunit hindi niya makita kung nasaan ang tumatawag sa kanya.
" Lagalag, dito! "
Napatingin si Joshua sa pinanggalingan ng boses. Galing ito sa likod ng isang puno. Pinuntahan niya ang puno ngunit kahit inikutan na niya ito ay wala pa rin siyang makita. Paalis na sana siya ng biglang lumitaw si Danara na nakaupo sa pinakamababang sanga ng puno.
Nagulat pa si Joshua sa biglang paglitaw ni Danara.
" Tama nga ang hinala ko ," sabi ng dalagang engkantada. " Hindi ka isang engkantado. Dapat ay nakita mo ako dahil ang ginamit ko ay ang Patupong at hindi ang Tigadlum.
" Anong Patupong? tanong ni Joshua.
" Ang Patupong ay likas na kapangyarihan naming mga Arbore. Nagagawa naming mawala sa paningin ng iba kapag nakahawak kami sa isang buhay na puno o halaman." paliwanag ni Danara." Karaniwang ginagamit lang namin ito sa mga tao at ibang mababang elemento pero hindi ito epektibo sa kapwa namin engkantado. Ang mataas na antas nito ay ang Tigadlum kung saan kahit ang kapwa mo engkantado ay hindi ka makikita at magagawa mong maglaho kahit hindi ka nakahawak sa puno o halaman."
Naalala ni Joshua si Queenie o Pitta ng minsang ginamit din ang kapangyarihang ito pero nagawa niyang makita ito sa salamin.
" Nagtataka nga ako bakit hindi kita nakita samantalang ng minsang ginawa sa akin ang ganyan ng isa ring engkantada ay nakita ko siya," sabi ni Joshua. " Hindi siya isang Arbore pero may kapangyarihan siya na kagaya ng ginamit mo."
" Ang ibig sabihin ay hindi ka lang sanay gamitin ang iyong mga mata sa gawain ng mga engkantado o sadyang mahina lang talaga ang kapangyarihan mo." sagot ni Danara. " Nagagamit din ng ibang lahi ang Patupong pero mataas na antas na ito para sa kanila. Kaming mga Arbore lang ang lahing may likas na kapangyarihan ng Patupong. "
" Hindi talaga ako isang engkantado," paliwanag ni Joshua. " May mga nagagawa ako na hindi nagagawa ng isang ordinaryong tao pero marami akong hindi kayang gawin na nagagawa ng isang ordinaryong engklantado."
" Ibig sabihin ay hindi ka isang Lagawan o isang engkantado? " tanong ni Danara.
" Hindi" sagot ni Joshua. " isa lang akong tao. Espesyal lang ng konti kaysa iba, pero tao pa rin ako at hindi isang engkantado. Nagpunta lang ako dito para iligtas ang kaibigan kong si Angelo."
" Nasa ligtas na lugar na si Angelo at kung isa ka ngang tao, mas delikado pa ang lagay mo kaysa sa kanya. " sabi ni Danara. " Galit sa mga kagaya mo ang mga engkantado dito."
" Paano mo nasabi na ligtas si Angelo? Nasaan ba siya ngayon? " tanong ni Joshua.
" Hindi ko kaya na mamatay ang isang nilalang, mababang-uri man o engkantado, na ako ang dahilan." paliwanag ni Danara." Nasa lugar ng mga bang-aw si Angelo at ginawan ko ng paraan na hindi siya makain ng mga ito. Ligtas siya doon hanggat nasa kanya ang kuwintas."
" Kuwintas? Anong kuwintas yun at para saan?" tanong ni Joshua.
" Ang kuwintas na iyon ay ibinigay sa isang lalaking kalahi ninyo para patunayan sa isang engkantado na hindi mapagkakatiwalaan ang mga mababang-uring kagaya ninyo. Hindi ka gagalawin ng mga bang-aw kapag nasa iyo ang kuwintas ngunit hindi mo rin makikita ang tamang daan palabas ng bundok. Hindi binitawan ng lalaki ang kuwintas hanggang sa tumanda siya dito sa bundok. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, ang kuwintas pa rin ang nasa isip niya." paliwanag ni Danara. " Akala ko noon ay pare-pareho ang lahat ng mga tao, gaya ng matandang ermitanyo. Sa maiksing pagkikita namin ni Angelo ay nalaman ko na hindi lahat ng tao ay kagaya ng matandang ermitanyo. Meron din palang may busilak na kalooban gaya ni Angelo na walang iniisip na masama laban sa kapwa at kagaya mo na handang mamatay para sa isang kaibigan."
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Bundok Mari-it (Book II)
AbenteuerHanggang saan ang kaya mong gawin para matulungan ang isang kaibigan? Tunghayan ang pakikipagsapalaran ni Joshua alyas " Lagalag " sa bundok ng mga naglalabanang engkanto para mailigtas ang kanyang kaibigan. Pinaghalong adventure, fantasy at suspens...