Chapter 28. Patawad, Kaibigan

8K 348 10
                                    

                                Narating ni Alsandair ang lugar kung saan huminto ang pagdaloy ng ilog. Ginawan ng harang ng mga Ubogan, mga elemento ng tubig-tabang na kapanalig ni Payhud ang ilog upang huwag dumaloy papunta sa dagat. Hinarangan nila ang lahat ng posibleng daanan ng tubig at hinukay ang parteng iyon upang lumalim. Kung pagmamasdan, nagmistula na itong isang maliit na dagat sa gitna ng kagubatan.

Napatigil sa pagtampisaw sa tubig ang mga Ubogan ng makita ang paparating na si Alsandair. Bilin sa kanila ni Payhud na patayin ang sinumang hindi kapanalig na darating. Alam nilang hindi isang kapanalig si Alsandair. Humanda ang mga Ubogan para sugurin ang kalaban.

                                

                                Umaatras na rin ang mga pulis ng makitang papalapit ng papalapit ang mga bang-aw at mga aswang. Bagamat marami na silang napapatay, parang hindi nababawasan ang mga papalapit na bang-aw. Dahil sa dami, makikitang lagpas na sa kalagitnaan ng ilog ang mga nauuna samantalang ang mga nahuhuli ay pababa pa lang bundok.

Umatras na rin sina Angelo at Mario kasabay ng mga pulis.

" Umuwi na kayo sa pamilya ninyo," sabi ng isang opisyal ng pulis kina Mario. " Hindi na namin kayang pigilan ito. Tanging dasal na lang ang makakapagligtas sa atin."

Patakbo na si Mario pabalik ng bigla siyang hinawakan ni Angelo sa braso. Nilingon niya ito at nakita niyang nakatingin ito sa itaas. Tumingala din si Mario at hindi siya makapaniwala sa nakita.

Libo-libong ibon mula sa kabilang panig ng bundok ang lumilipad sa kalangitan. Sa sobrang dami ay halos magdilim ang buong paligid. Nangunguna sa paglipad ang mga naglalakihang mga agila.

Napatigil sa pag-abante ang mga sumusugod na bang-aw. Tila alam ng mga ito kung ano ang pakay ng mga ibon. Ang mga pababa ng bundok ay tumigil din sa pagbaba at tila pinagmamasdan ang napakaraming ibon na umiikot sa kanilang ulunan. Ang iba ay nahintakutan at nagsimula uling umakyat ngunit tumigil uli ng makitang may mga nilalang na sa itaas ng bundok.

Mga mandirigmang Aves!

Biglang nagtakbuhan ang mga bang-aw pababa sa ilog dahil sa nakita. Kilala nila ang mga engkantadong may pakpak at alam nilang hindi ito mga kakampi.

Dahil sa paghinto ng mga nasa unahan, hindi umusad ang pagsugod ng mga bang-aw kahit na nagpatuloy sa pagbaba ang mga nahuhuli dahil sa takot sa mga Aves hanggang ang lahat ng mga bang-aw ay nasa ilog na.

Isang matinis na huni ang narinig mula sa isa sa mga agila na lumilipad. Sabay-sabay bumulusok ang mga ibon papunta sa mga bang-aw.

Halos hindi magkamayaw ang mga bang-aw at aswang sa pagsalag ng mga kalmot at tuka ng mga ibon. Kahit may mga tinatamaan at napapatay silang mga ibon, parang hindi ito nababawasan dahil sa sobrang dami. Sa isang ibon na mapaslang ng mga bang-aw ay halos sampu ang pumapalit para kuyugin sila.

                                        Takot na nagsipagsisid sa ilalim ng tubig ang mga Ubogan ng makita nila kung gaano kalakas ang kapangyarihan ni Alsandair. Ang mga kasamahan nila na naunang lumaban ay halos nagkalasug-lasog dahil sa malalakas na alon na pinaghampasan ang mga ito sa mga bato.

Ang hindi nila alam ay hindi sapat ang pagsisid para matakasan ang isang katulad ni Alsandair. Kumumpas ang dalawang kamay nito paitaas at biglang sumirit ang malakas na puwersa ng tubig papunta sa itaas kasama ang mga Ubogan. Nagsigawan ang mga ito habang parang inililipad sila paitaas ng tubig. Halos umabot na ito sa limampung talampakan ang taas at patuloy pa sa pagtaas.

Isandaang talampakan.

Dalawandaang talampakan!

Ikinumpas uli ni Alsandair ang mga kamay.

Si Joshua Lagalag at ang Bundok Mari-it        (Book II)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon