Hindi magkamayaw ang mga mandirigmang Arbore at iba pang elemento ng bundok na kapanalig nila sa paghahanda sa pagsalakay sa pugad ng mga Aves. Naisip ni Payhud na panahon na upang salakayin ang mga Aves habang hindi pa ito lubusang handa sa pakikipaglaban. Nakita niya sa utak ni Kurit kanina na karamihan sa mga Aves ay may mga sakit pati ang kanilang pinunong si Falcon.
Alam ni Payhud na isang napakalakas na engkantado si Falcon at noon pa man ay wala siyang laban dito kaya nag-isip siya ng paraan kung paano talunin ito. Pinalakas niya ng husto ang kanyang tauhang si Dapdap kung saan dahil rin sa sipag at tapang nito sa pakikipaglaban ay nakuha nito ang isa sa pinakamataas na antas ng kapangyarihan, ang kapangyarihan ng Kabal.
Dahil sa Kabal, hindi tinatablan si Dapdap ng mga sandata maliban sa mga bagay na pag-aari niya. Sinunog nila ang mga pag-aari ni Dapdap pati na ang mga sandata nito at ngayon, wala nang tatalab na sandata dito. Tiyak na kaya nitong lipulin ang lahat ng mandirigmang Aves ng hindi man lang nasusugatan.
Si Payhud naman ay wlaang ginawa kung hindi magpalakas ng kapangyarihan. Hindi man niya kayang higitan ang kapangyarihan ni Falcon, kaya na niyang tapatan ito sa isang labanan at habang naglalaban sila ni Falcon, uubusin naman ni Dapdap ang mga mandirigmang Aves. Sa naisip niyang gagawing pag-atake, alam niyang lalong mahihirapan ang mga Aves.
Tinawag niya si Dapdap.
" Magpadala ka ng tauhan sa mga bang-aw at sa mga aswang. Sabihin mong ngayon na ang panahon para salakayin nila ang mga mababang-uri sa Talisay kasabay sa pagsalakay natin sa mga Aves."
"Ang ibig sabihin ay hindi sila sasama sa atin sa pagsalakay sa mga Aves? " tanong ni Dapdap.
" Hindi." sagot ni Payhud. " Alam kong pinapangalagaan ng mga Aves ang kapakanan ng mga mababang-uri ngunit sa gagawin natin, mahahati amg kanilang puwersa. Gusto ko rin na makatawid ang mga bang-aw sa kabila bago pa maibalik ng nakatakas na Kataw ang tubig sa ilog."
" Masusunod po mahal na Pinuno." sagot ni Dapdap.
Sa pugad ng mga Aves, tinipon ni Falcon ang lahat ng kanyang mga kalahi.
“ Sa matagal na panahon, itinago ko ang ating kapangyarihan upang makapamuhay ng mapayapa at tahimik dito sa ating pugad. Ngayon ay hinihingi ng pagkakataon na muling ibalik ang ating katangian na matagal na nakatago sa ating kamalayan. Kung ating titingnang mabuti, tayong mga lahing Aves ay hindi nagsasanay sa pakikipaglaban, iilan lang ang ating mga mandirigma at wala tayong ginagawang hakbang para mapaunlad ang ating kakayahan. Ang nag-iisang dahilan ay sapagkat tayong mga Aves ay nilikhang mga mandirigma sapul pa sa ating pagkabata. Tayong mga Aves ang likas na mandirigma ng lahat ng lahing engkantado. Tayo ang pinakamagaling pagdating sa labanan , ito man ay labanan sa lupa, sa hangin , sa tubig o kahit sa dilim ng gabi. Ang katangiang ito ay aking sadyang ipinagkait sa inyo upang mapangalagaan ang kapayapaan dito sa ating pugad at upang maging ehemplo sa ibang lahi at maipakita sa kanila na kaya nating mamuhay ng matiwasay at sagana na hindi naglalaban-laban.
“ Nagkamali ako sa aking ginawa. Bagamat malinis ang aking hangarin kung kaya ko ginawa ang bagay na iyon, may mga nilalang na iba ang nais mangyari. Gusto nilang sakupin ang lugar na ng mga tao at lipulin ang mga ito upang lumawak ang kanilang teritoryo. Alam nating lahat na ang mga tao ang sumisira sa kalikasan at ang higit na naaapektuhan ng pagkasira ay tayong mga engkantado ngunit wala tayong karapatan para panghimasukan ang ganoong mga bagay at ilagay sa ating kamay ang batas ng kalikasan. May sariling pamamaraan ang kalikasan upang gantihan ang mga nilalang na sumisira sa kanya. May sariling pamamaraan ang kalikasan upang panatilihin ang balanse ng mundo. Tayong mga Aves ang isa sa mga lahing naatasan na magbantay upang mapanatili ang balanseng kinakailangan ng mundong ating ginagalawan ngunit hindi nangangahulugan na kailangan nating saktan o patayin ang mga sumisira nito. Hayaan nating ang kalikasan ang siyang magturo sa mga tao kung ano ang dapat gawin.
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Bundok Mari-it (Book II)
AdventureHanggang saan ang kaya mong gawin para matulungan ang isang kaibigan? Tunghayan ang pakikipagsapalaran ni Joshua alyas " Lagalag " sa bundok ng mga naglalabanang engkanto para mailigtas ang kanyang kaibigan. Pinaghalong adventure, fantasy at suspens...