Muling lumipad uli si Kabug papunta sa basket.
Nagsimulang magsigawan ang mga nanonood.
" Pasudla!, Pasudla! Pasudla! "
Inabangan ito ni Joshua. Nang tumapat si Kabug sa kanya ay sinubukan niyang abutin uli ang paa nito ngunit tinaasan nito ang lipad kaya hindi niya maabot. Mabilis na tumakbo si Joshua papunta sa basket.
Bagama’t lumilipad, inabutan pa rin ni Joshua si Kabug malapit sa basket. Nang bumaba ng lipad ito upang ipasok ang bola ay biglang tumalon si Joshua at sumabit sa gilid ng basket. Hinatak nito ang katawan pataas at sinalubong ng sipa ang pababang si Kabug.
Tinamaan ng sipa ni Joshua ang bola at nabitawan ito ni Kabug. Agad siyang bumitaw mula sa pagkakakapit sa basket at tinakbo ang bola.
Bumuwelta ng lipad si Kabug at hinabol si Joshua.
Pagdampot ni Joshua sa bola ay siya ring pagdating ni Kabug. Pinalo nito ng malapad na pakpak ang binata.
Pakiramdam ni Joshua ay nabangga siya ng isang tumatakbong kotse sa lakas ng pagkakapalo sa kanya. Kung gaano kahina si Kabug sa lupa ay siya naman lakas nito sa ere. Tumilapon ang binata ngunit niyakap niya ng mahigpit ang bola upang hindi mabitawan. Agad siyang tumakbo papunta sa basket upang ipasok ang bola.
Nakita ni Kabug na malapit na si Joshua sa basket. Binilisan nito ang paglipad.
Nakatingin si Joshua sa basket habang tumatakbo. Isang puntos na lang ang kailangan niya at sa tantiya niya ay limang metro na lang ang layo niya mula sa basket.
Apat na lang.
Tatlo.
Bumuwelo na siya at lumundag papunta sa basket. Itinaas niya ang kanang kamay habang hawak ang bola upang isalaksak ito.
Malapit na. Halos abot kamay na niya ang basket.
Biglang nagulat si Joshua ng mula sa likuran ay dinagit siya ni Kabug. Hawak siya nito sa kanyang damit mula sa likuran at inilipad siya ng pataas lagpas pa sa poste ng basket. Pilit niyang inihagis ang bola papunta sa basket.
Tumama lang ito sa gilid ng basket, Umikot sa gilid at gumulong palabas.
Inihagis siya ni Kabug sa labas ng palaruan papunta sa mga nanonood.
Isang grupo ng mga laman-lupa ang babagsakan ni Joshua.Nagtakbuhan ang mga ito ng makitang babagsak sa kanila si Joshua, maliban sa isa na abala sa pagkain. Huli na ng malaman nito na may babagsak mula sa itaas at siya ang babagsakan. Hindi na nito nagawang makatakbo. Sa halip ay bigla itong umupo, niyakap ang dalawang tuhod, bumaluktot ang katawan, at animo naghugis bilog na parang bola.
Biglang naglabasan sa katawan nito ang mahahaba at matutulis na panusok!
Sa tantiya ni Joshua ay mahigit sampung talampakan ang taas ng pinaghagisan sa kanya ni Kabug. Lalo siyang nagulat ng makitang puro matutulis na bagay ang babagsakan niya sa ibaba.
Matutuhog siya pagbagsak niya!
Mula sa kung saan ay biglang lumabas si Alsandair at kumumpas ito. Isang malaking alon ng tubig ang lumabas mula sa kawalan at inanod palayo ang laman-lupa na babagsakan ni Joshua. Mula sa lupa ay sumirit pataas ang isang malakas na bukal ng bumabalong na tubig. Bumagsak si Joshua sa gitna ng bukal at napigilan nito ang pagbagsak niya. Habang pababa siya ay unti-unting humihina ang bukal hanggang sa tuluyang nawala ito at nakababa si Joshua na hindi man lang nasaktan.
Tuluyang nawala ang tubig at pati ang lupa ay biglang natuyo uli. Walang bakas ng naganap na pangyayari ang makikita maliban sa ibang mga nagrereklamong manonood na nabasa.
BINABASA MO ANG
Si Joshua Lagalag at ang Bundok Mari-it (Book II)
AventureHanggang saan ang kaya mong gawin para matulungan ang isang kaibigan? Tunghayan ang pakikipagsapalaran ni Joshua alyas " Lagalag " sa bundok ng mga naglalabanang engkanto para mailigtas ang kanyang kaibigan. Pinaghalong adventure, fantasy at suspens...