Chapter 8. Ang Kapangyarihan ni Joshua

9.3K 366 11
                                    

                        Akmang aabutin na ni Angelo ang pangalawang saging ng biglang isang matinis na huni ang kanyang narinig mula sa tatlong makak sa itaas ng puno.

Napalingon siya at nakita  ang pasugod na bang-aw, nakaamba ang matatalas na kuko.

Umigtad si Angelo at nakailag siya sa paghalihaw ng bang-aw ng kamay nito.

Bagamat bahagyang nasugatan lang sa tagiliran, wasak naman ang tagiliran ng kanyang suot na damit na tinamaan ng kuko ng bang-aw.

Dahil sa pag-ilag ay nawalan ng balanse si Angelo at natumba ito. Babangon sana siya ng makitang pasugod naman ang ikalawang bang-aw, handa siyang saksakin ng matatalas na kuko nito.

Gumulong si Angelo sa lupa at hindi siya tinamaan ng pagsaksak nito. Sumugod naman ang naunang bang-aw at pilit pinapatamaan siya ng mga kuko nito. Muntik-muntikan ng matamaan si Angelo kung hindi dahil sa kanyang mabilis na paggulong.

Natigil ang kanyang pagulong ng bumangga ang kanyang katawan sa isang punongkahoy. 

Nakita ito ng dalawang bang-aw at sumugod uli ang mga ito.

Wala na siyang mapuntahan!  Naisip ni Angelo, katapusan na niya.

Mula sa puno ay tumalon ang dalawang makak,ang mga unggoy na inutusan ni Danara. Bumagsak ang mga ito sa likuran ng dalawang bang-aw. Sinakmal ng isang makak ang batok ng isang bang-aw samantalang ang isang makak naman ay pilit na nangunguyapit sa likuran ng isa at kinakagat ito.

Nagkaroon ng pagkakataon si Angelo para makabangon.Nang makatayo ay nakita niya ang pangatlong makak na parang tinatawag siya at pilit siyang pinapasunod dito.

" Magtitiwala pa ba ako sa mga unggoy na ito?" naitanong ni Angelo sa sarili. Naisip niya, ang tatlong maliliit na unggoy ang nagligtas sa kanya kaya susunod siya sa mga ito. Tumakbo siya sa direksiyon papunta sa pangatlong makak.

Nahawakan ng bang-aw ang makak na kumagat sa kanya at ibinalibag ito. Hinalihaw nito ng kalmot ang isa pang makak na nakakagat sa batok ng kasama nito ngunit biglang tumalon ang makak kaya ang likuran ng kasama nitong bang-aw ang nahiwa ng matalas nitong mga kuko. Laslas ang likuran nito at napahiyaw ang bang-aw sa sakit.

Gumanti ito at kinalmot ang kasama nitong bang-aw na nakatama sa kanya. Nahiwa ang dibdib nito ngunit hindi gaanong malalim. Magpapalitan sana ng kalmot ang dalawang bang-aw ng mapansin nila ang tumatakbong palayo na si Angelo. Humabol ang dalawang bang-aw. 

Sa dinaanan ni Angelo ay may isang puno na may sanga na nakaharang sa daanan. Binaluktot ito ng isang makak at pinigilan hanggang sa makalampas si Angelo. Nang ang dalawang bang-aw na ang tumapat dito, bigla itong binitawan ng makak.

Sapul sa mukha ang dalawang bang-aw!

Dahil sa lakas ng pagkakatama ay bahagyang nahilo at bumagsak ang dalawang bang-aw. Nang mahimasmasan ay tumayo ang mga ito at tinanaw na lang si Angelo. Malayo na ito at patuloy pa rin sa pagtakbo kasunod ang tatlong makak.

Sumisingasing sa galit ang dalawang bang-aw.Hindi sila makakapayag na mawala ang kanilang masarap na pagkain.  Susundan nila si Angelo kahit saan ito magpunta.

                        Hindi makapaniwala si Joshua sa sinabi ni Pitta. May taglay daw siyang kapangyarihan ng isang Aves. Wala naman siyang nararamdamang kakaiba sa kanyang katawan at nagagawa ng karaniwang tao ang kanyang mga ginagawa. Hindi rin siya puwedeng maging anak ng isang engkantado dahil hindi naman naiiba ang kanyang itsura sa kanyang mga kapatid at marami ang nagsasabi na magkakahawig sila,at nakakasiguro siya na hindi engkantado ang kanyang mga magulang.

Si Joshua Lagalag at ang Bundok Mari-it        (Book II)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon