Chapter 29. Ang Pagtatapos ng Labanan

8.6K 347 12
                                    

                                                Bago pa makalapit si Dapdap kay Joshua ay sumugod ang isang Aves at tinangka siyang tusukin ng sibat. Sinalo lang ni Dapdap ng kamay ang sibat at itinulak pabalik ang Aves. Dalawa pang mandirigmang Aves ang humarang sa kanya at sa likod ng dalawa ay humarang din si Pitta.

" Huwag na kayong makialam," pagbabanta ni Dapdap. " pagkatapos nito ay kayo ang isusunod ko."

" Dadaan ka muna sa ibabaw ng aming mga bangkay bago ka makalapit sa sugo," sagot ng isang mandirigmang Aves.

" Huwag kayong mag-alala." sagot ni Dapdap. " Lahat kayo ay makakalaban ko at lahat kayo ay dadaanan ko ang mga bangkay."

" Tama siya." biglang sumagot si Joshua mula sa likuran. " Dapat ay kami muna ang maglaban. Hindi siya tinatablan ng inyong mga sandata at ako lang ang makakapatay sa kanya."

Natawa si Dapdap sa sinabi ni Joshua.

" Isa kang hangal Lagalag kung iniisip mong mapapatay mo ako. Tama ang iyong sinabi, walang sandatang tatalab sa akin at kabilang doon ang sandatang hawak mo." 

Naglakad si Joshua papunta sa harapan ngunit hinawakan siya ni Pitta sa braso.

" Hayaan mo na kami." sabi nito sa binata." Malaki na ang sakripisyo mo para sa amin at isang kalabisan na ang gagawin mo. Gusto kong makauwi ka sa inyo ng buhay."

" Nasa akin ang sandatang makakapatay sa kanya." sagot ni Joshua. 

Bumitaw sa pagkakahawak si Pitta. 

" Mag-iingat ka Josh." mahinang sabi nito sa binata.

Tumango lang ang binata at nginitian ang engkantada.Hinayaan na lang ito ng mga mandirigmang Aves ng senyasan sila ni Pitta na padaanin ito.

" Hanga ako sa tapang mo Lagalag," sabi ni Dapdap. " ngunit ngayon ko napatunayan na mali ang sinasabi nila sa iyo sa paligsahan. Ang sabi ng mga nakasaksi sa pakikipaglaban mo ay matalino ka daw makipaglaban."

" Masasabi mo bang matalino ang isang nilalang na lalaban kahit wala siyang pag-asang manalo? "

" Hindi ako tinatablan ng kahit anong sandata at alam kong alam mo yun. Paano mo ako papatayin? Sa pamamagitan ng pagsipa at pagsuntok?"

" Nasa akin ang sandatang papatay sa iyo." mahinahong sagot ni Joshua. 

Natawa si Dapdap sa sinabi ng binata.

" Walang sandatang makakapatay sa akin maliban sa kapangyarihan ni Payhud." 

" Diyan ka nagkamali Dapdap." sagot ni Joshua. " Hindi ako lalaban sa iyo kung  hindi ka kayang patayin ng sandata ko."

Hinugot ni Joshua ang palakol sa kanyang tagiliran. Ito ang palakol na ibinigay ni Danara sa kanya para gawing pamutol ng ugat ng Kratagus.

Sandaling natigilan si Dapdap ng makita ang palakol. Isang ordinaryong palakol ng mandirigma ang hawak ng binata ngunit nakilala niya agad iyon.

Ang palakol na iyon ay sandata ng isang Arbore!

Ang alam niya ay sinunog na niya ang lahat ng kanyang kagamitan ng mapasakanya ang kapangyarihan ng Kabal kaya hindi maaaring kanya ang palakol na iyon.

" Bakit natigilan ka? " nakangiting tanong ni Joshua. " Hindi ba sa iyo itong palakol?"

" Nililinlang mo ako Lagalag." sagot ni Dapdap. " Sinunog ko na ang lahat ng gamit ko kaya hindi akin ang palakol na 'yan."

" Kahoy lang ang nasusunog, hindi ang bakal.' sagot ni Joshua. " Bakit hindi mo subukang lumapit para malaman mo kung sa iyo nga ito."

Nag-atubiling sumugod si Dapdap. Tama ang sinabi ni Lagalag. Iniwan niyang tupok na tupok ang lahat ng kanyang gamit pati na ang kanyang mga sandata ngunit paano nga kung may natirang bakal na hindi nasunog at ngayon ay hawak na ni Lagalag. Kung sakali ngang galing sa kanyang kagamitan ang ginawang palakol na hawak ni Lagalag, tatablan siya nito.

Si Joshua Lagalag at ang Bundok Mari-it        (Book II)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon