Kabanata 11

26 16 0
                                    


Natapos na ang klase namin sa buong araw. Pagkatapos na pagkatapos ng klase namin ay hinila na ako ni Hinna palabas ng gate ng school papunta sa bahay nila.

Mukhang excited na excited talaga siya, yung tipong mas excited pa siya kaysa sa akin. Habang naglalakad kami pauwi, kuwento siya ng kuwento tungkol sa kuwarto niya. Sinabi pa niya sa akin na hindi na siya makapaghintay na ipakita ang laman ng kuwarto niya, pati na rin ang mga collection ng puzzle na binuo niya simula bata pa siya.

Sa tingin ko, kaya gusto niya akong papuntahin sa bahay nila ay para ipakita lang ang kuwarto niya at ang mga gamit niya.

Well, wala na akong magagawa, kailangan ko lang mag-go-with-the-flow sa kanya.

Ilang oras lang ay nakarating na din kami sa bahay nila Hinna. Talagang malaki ang bahay nila, two-story building at mukhang pinag-isipan ang pagdisenyo ng bahay.
Hindi na rin ako magtataka, mukhang may may-kaya sa buhay ang pamilya nila Hinna.

Natandaan ko na ikinuwento niya sa akin na umaakyat sa barko ang tatay niya at maraming business naman ang pamilya ng nanay niya kanya malamang lang na nabibigay sa kanila ang mga gusto nila.

Pumasok na kami sa loob ng bahay nila Hinna. Malamig sa loob at halatang naka-aircon. Nakakahiya na pumasok ng nakasapatos dahil napakakintab ng tiles nilang sahig. Natandaan ko na naikuwento sa akin ni Hinna kanina na may vacuum cleaner din sila kaya hindi na ako magtataka kung bakit malinis ang sahig nila.

Hinubad ko ang black kong sapatos at pumasok sa loob ng bahay nila ng nakasuot lang ng medyas. Mabuti at maganda ang naisuot kong medyas ngayon at hindi magkaibang pares.

Pagkapasok namin ay dumeretso kami sa sala nila. Pinaupo niya ako sa sofa at binigyan ng juice na galing pa sa ref nila.

"Wala dito si Mommy, pumunta sila sa hotel kasama yung Tita ko may kinalaman sa business affairs kaya chill ka lang, feel at home. Kapag nagutom ka, magtingin ka lang sa kusina ng makakain," sabi niya sabay turo niya sa kusina nila.

Sa totoo lang ay hindi ako komportable na pumunta sa bahay nila Hinna sa una palang kaya wala akong intensyon na maging feel at home.

Umupo lang si Hinna sa sofa at kinuha ang cellphone niya para mag-scroll sa social media niya.

Ilang minuto na ang lumipas at walang pagbabago sa sitwasyon namin. Hindi ko alam kung para saan pa at pumunta ako sa bahay nila. Haaay. Naboboring na ako at walang magawa kundi tumingin sa kisame nila at magbilang ng butiki.

Maya-maya, may narinig kaming kumalabog galing sa taas o second floor.

"Baka pusa lang yun," sabi ni Hinna sa akin sabay ngiti.

Maya-maya ay may narinig ulit kaming kalabog sa taas ngunit sa pagkakataong ito ay mas malakas na. Kasabay nito ang pag-ihip ng malamig na hangin na dahilan para gumalaw ang kurtina. Tumindig ang mga balahibo ko sa katawan.

Nagkatinginan kaming dalawa ni Hinna. Tumalon siya sofa palapit sa akin. Kumapit siya sa braso ko ng sobrang higpit na para bang ayaw na niya akong bitiwan. Dahan-dahan siyang lumingon sa akin at tumingin sa mata ko.

"Oo nga pala, wala nga pala kaming pusa," sabi niya sabay lunok ng laway.

Wala kaming choice kundi tingnan kung saan nanggaling ang mga kalabog na yun. Tumayo kami sa sofa at nagsimulang naglakad. Kinuha ni Hinna ang isang walis tambo na nasa gilid at ibinigay ito sa akin.
Tumango naman ako at kinuha ang walis tambo. Mas mabuti nang dala-dala ko ito para na rin sa proteksyon namin kung sakali na may ma-encounter kaming hindi maganda.

Umakyat na kami sa hagdanan papunta sa second floor. Ako ang nauuna sa paglakad habang dala-dala ang walis habang nasa likuran ko si Hinna na para bang natatakot.

Kailangan kong lakasan ang loob ko. Wala nang urungan ito. Kailangan naming harapin kung anumang ang nasa itaas.

Pagkatapos ng ilang hakbang sa hagdanan ay nakarating kami sa second floor. Malawak rin ang second floor ng bahay nila. Nandito makikita ang mga pintuan ng mga kuwarto.

Maya-maya ay may narinig naman kaming mga kaluskos. Sinundan namin ang tunog ng mga kaluskos na ito at nakarating kami sa tapat ng pinto ng isa sa mga kuwartong nandoon.

Naglakas-loob akong buksan ang pinto at alamin kung ano ang nasa likod nito. Tumingin muna ako kay Hinna at sabay naming tinulak ang pinto. Kasabay nito ang pagsigaw naming dalawa at ang pagwasiwas ko ng walis sa ere.

Mabilis ang lahat ng pangyayaring iyon. Pero lahat ng takot namin ay nawala pagkatapos naming mabuksan at makita ang nasa kabila ng pinto. Isang pangyayaring hindi namin inaasahan.

Sa kama, nandoon si Aly at Jinno na magkasama. Napatigil sila sa ginagawa nila nang makita kaming dalawa ni Hinna. Nakaluhod silang dalawa parehas, nasa likod ni Aly si Jinno habang nakapalibot ang braso nito sa leeg ni Aly na parang nagre-wrestling.

Parehas kaming nagulat ni Hinna at napatulala dahil hindi makapaniwala. As in legit na gulat.

Nabitiwan ko ang hawak-hawak kong walis na kanina kong iwinasiwas sa ere. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isipin sa ngayon na nakita ko na silang dalawa na nasa ganung kalagayan, na sila pala ang nasa likod ng mga kalabog at kaluskos naming narinig.

"J-jinno! A-aly! Anong ginagawa niyo dito!?," tanong ni Hinna sa kanilang dalawa na parang hindi nasabi ang mga pangalan nila.

"Kami nga ang dapat magtanong sa inyo yan, bakit kayo nandito!? Ginulat niyo kami!," sabi naman ni Jinno sa kapatid niya.

"Kayo kaya ang nagtakot sa amin. Akala namin may multo dito dahil sa pagkalabog at pagkaluskos na naririnig namin dito! Hindi namin alam, kabaklaan niyo lang pala yun!," bulyaw naman Hinna kay Jinno.

"Anong kabaklaan!?," defensive na sagot ni Jinno sabay tulak kay Aly. "Naglalaro lang kami ng baraha pero nandaya siya kaya idinaan ko na lang sa pisikalan."

"Hindi ako nandaya, sadyang magaling lang talaga ako maglaro," pagtatanggol ni Aly sa sarili niya.

Napansin ako ni Jinno kahit tahimik lang ako at hindi umiimik.

"Oh, andyan pala si Marri!," sabi ni Jinno habang nakatingin sa akin.

Nagulat naman si Hinna dahil binanggit ni Jinno ang pangalan ko na parang matagal na kaming magkakilala.

"Magkakilala kayo?," tanong ni Hinna sabay turo sa aming dalawa ni Jinno.

"Nagkita na kami dati nung kinakausap siya ni Aly," sagot ni Jinno.

"Huh!? So matagal na kayo magkakilala ni Marri?," tanong ni Hinna kay Aly.

Tumango naman si Aly bilang tugon.

"Ang liit nga naman ng mundo!," sabi ni Hinna na parang tuwang tuwa sa mga nalaman niya.

"Ehem," pagkuha atensyon ni Jinno kay Hinna. "Hinna, hindi mo ba alam kung gaano na kami kalapit sa isa't isa ni Marri?"

"Huh? Anong ibig sabihin mo?," tanong ni Hinna sa kapatid niya.

Lumapit sa akin si Jinno at inakbayan ako. Wait. Ano bang nangyayari? Bakit niya ako inakbayan?

"Alam mo ba kung ano ang tawag niya sa akin? Kuya Jinnooo!," sabi ni Jinno na parang proud na proud siya tungkol dito habang ako naman ay binabalot na ng kahihiyan.

Napakunot ng noo si Hinna habang sinasabi "Hindi ito maaari!" habang umiling iling na para bang hindi niya ito matanggap.

Ewan ko kung bakit siya umaarteng ganito. Ang masasabi ko lang ay pareho silang weird ng kapatid niya.

Tumingin ako kay Aly at ngumiti lang siya. Hindi rin siya nagbanggit ng iba pang detalye tungkol sa 'Kuya Jinoooo Incident' na parang kinalimutan na niya ang tungkol dito kagaya ng napagkasunduan namin.

The Moth and the FireflyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon