Part 16 ... Pagpapatawad

47 3 0
                                    




"Pagpapatawad"

-------

Kinabukasan ng umaga ay isang helicopter ang umiikot sa ibabaw ng isla. Ilan sa mga taga barangay ay nagpuntahan sa aplaya ng bumababa na ito. Napadungaw sa bintana si Clayden. Tanaw niya ang papalapag na helicopter.

"Erwin dumating na yata si Papa."

Nagmadali silang bumaba ng bahay ni Erwin. Nakapalibot ang mga usisero sa helicopter nang makalapit na ang binata. Bumababa ang mga sakay nito.

"Pa! Ma! Sumama rin pala kayo Ma. Liezzel, Ate Kaye pati kayo sumama. Dinala mo pa ang pamangkin kong ai Botyok. Ha ha ha!" Humalik siya sa kanyang mama at niyakap siya ng kanyang kapatid na bunsong babae.

"Botyok ka diyan. Bonjie! Kaganda ng pangalan ng bunso ko tatawagin mong Botyok!" sabi ng kanyang ate.

"Ha ha ha . Para kasing si Buddha sa katabaan itong si Botyok!" Limang taong gulang ang kanyang pamangkin.

"Ayaw nilang magpa-iwan. Gusto raw nilang makita ang mga labi ng Lolo Armando ninyo." sabi ng kanyang papa.

Ibinaba ang kanilang mga bag. Lumapit si Erwin para tumulong sa pagdadala.

"Good morning po sir!"

" Good morning rin sayo Erwin. Maganda nga pala talaga itong isla ninyo. Clayden, saan ang bahay ni pañero?"

" Ayun Pa sa itaas ng burol. Ang yate ay kanila rin."

"Tara na. Baka mainip si pañero sa kakahintay." Binilinan muna nila ang piloto bago sila pumunta sa malaking bahay na bato nina Noreen. Pagka-alis nila ay lumipad na ang helicopter.

Pagdaan nila sa pantalan ay nakita nilang maraming tao sa malaking yate na nag-aayos ng mga bandaritas. May mga malalaking lantsang nakatabi sa yate. May mga taong naghahakot ng mga kahon na kinukuha sa mga lantsa at dinadala sa yate. Nakarinig sila ng tugtog ng isang banda mula sa loob ng yate na parang nag-eensayo.

Sa aplaya malapit sa pantalan ay nailagay na ang mga mahahabang mesa at upuan. May mga bubong na gawa kawayan at sa mga dahon ng niyog. May lugar na katayan ng mga baboy at manok. Abala ang mga matatandang kababaihan sa pagluluto at paghahanda ng mga panangkap sa mga pagkaing ihahanda para sa kaarawan ni Noreen.

Sa labas ng bahay na bato ay naghihintay na sina Don Vicente. Masayang nagbatian ang dalawang magkaibigan nang magkita. Nang nasa loob na ng bahay ang lahat ay nagkakilanlan na silang lahat. Personal na ipinakilala ni Clayden si Noreen sa kanyang mga magulang at kapatid.

Magkatabi sina Noreen at Clayden sa upuan. Ikinuwento nila ang lahat nilang alam sa nangyari mula ng magkita silang dalawa. Lahat ay tahimik na nakinig. Hindi makapaniwala ang papa at mama ni Clayden na nagparamdam at nagpakita sina Lola Eleonor at Lolo Armando. Sinabi rin ng dalawa ang mga kwento ni Lola Justa tungkol sa pag-iibigan nina Eleonor at Armando noong kapanahunan nila. Kung paano namatay ang mga lolo at lola nila.

"Parang isang hiwaga ang pagpaparamdam at pagpapakita nila. Hindi ako makapaniwala. Kaya pala hindi na sila nakita noon." sabi ng papa ni Clayden.

"Kami rin ay nahiwagaan nang malaman namin amigo. Ang pagkawala ng aking Tita Eleonor ang dahilan kung bakit humina ang katawan ni Lolo Vicente noon. Nagsisi siya ng labis dahil mahal na mahal niya si Tita. Pagkatapos ng digmaan ay ipinahanap niya sina Tita at Armando. Sinuyod ang buong isla at mga karatig na isla rito. Ipinahukay nila ang mga libingan ng mga napatay ng mga Hapon dito. Nagbabakasakali sila na dalawa sa mga nakalibing ay sina Tita at Armando. Nagkasakit si Lolo Vicente nang malamang nabigo lahat ang mga naghahanap sa dalawa. Bago siya namatay ay sinabi niya na humihingi siya ng kapatawaran at labis ang kanyang pagsisisi. So anong pwede nating gawin amigo ngayong alam na natin kung nasaan sila. Ipalibing natin sila?" Kwento ni Don Vicente.

Reincarnation (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon