"Buhay na Alaala"
Ang Nakaraan.........
-----------
Bagama't maghahapon na at mataas pa rin ang sikat ng araw ay hindi pansin ni Armando ang init dahil sa lamig ng hanging nagmumula sa karagatan. Naka-upo siya sa paborito niyang malaking batong naka-usli sa buhanginan. Nag iisa lamang ang bato sa dalampasigan. Kung pagmamasdan mabuti ang bato sa malayo ay para isa itong mukha ng isang tao. May lumang kwento sa kanilang isla na ang nasabing bato ay dating isang binatang naging kasintahan ng isang sirena. May sumpaan silang babalik ang sirena. Naghintay ang binata sa dalampasigan araw at gabi, umulan man o umaraw. Sa awa ng mga taga isla noon ay hinahatiran nila ng tubig at pagkain ang binata pero hindi niya ginagalaw ang bigay nila. Isang araw ay nawala na ang binata. Inisip ng mga taga isla ay sumama na ang binata sa kasintahan niyang sirena. Isang umaga nagulat na lang sila ng biglang lumitaw ang bato sa dalampasigan. Kaya ang paniwala nila ang bato ay ang binata na naghihintay pa rin sa kanyang mahal na sirena.
"Hinihintay mo ba ang iyong minamahal?" Mahinang bulong galing sa likuran ni Armando.
Napalingon siya sa kanyang likuran. Nakatayo si Eleanor. Naglalaro ang mahabang buhok ng dalaga dahil sa hangin. Nasisinagan ng pulang araw ang magandang mukha ng dalaga na lalong nagpaalab sa nararamdaman ng binata dahil sa angking kagandahang tila para sa kanya ay diyosang nakatayo sa harapan niya. Nakangiti siya sa binata at tila nangungusap ang mga mata na bumibighaning lalo sa binata.
"Eleonor kanina ka pa ba?"
"Oo Armando. Kaninang-kanina pa. Pinagmamasdan kita mula sa malayo. Para kang rebultong naka-upo riyan. Hindi man lang gumagalaw. Ano ba ang iniisip mo?"
"Ang dagat Eleanor."
"Dagat? Anong mayroon sa dagat?"
Inalalayan ni Armando ang dalagang umakyat sa ibabaw ng bato. Sabay silang umupong magkatabi.
"Marami mahal ko. Tulad siya ng isang tao. Marunong magalit at magmahal. Mapusok siya kapag nagagalit at malambing kapag mahinahon. Ang galaw ng mga alon ang kanyang paraan para ipadama ang kanyang mga nararamdaman."
"Malalim ang mga sinasabi mo mahal ko. Katulad ka rin ba ng dagat?"
"Siguro."
Hinawakan ni Armando ang kamay ng dalaga.
"Halos hindi na ako nakatulog kagabi. Dama ko pa rin ang dampi ng iyong mga labi. Ang akala ko ay panaginip lamang. Pero ngayong narito ka sa tabi ko ay buhay na buhay pala ako."
"Ako man Armando. Hindi ka na nawaglit sa aking isipan. Ganito pala ang pagmamahal. Mahal na mahal kita Armando!"
Sumandig ang dalaga sa balikat ni Armando habang nilalaro ng kanyang mga daliri ang kamay ng binata.
"Mahal na mahal din kita aking Eleanor!"
"Istrikto si Kuya Joven sa akin. Ikalawa siya kay papa. Napakabait naman ni mama at sa kanya raw ako nagmana."
"Kaya ba wala kang naging nobyo sa Maynila?"
"Siguro pero may gusto sina papa para sa akin. Anak ng kasosyo niya sa negosyo. Ayoko naman sa kanya. Masyadong hambog!"
"E bakit sa dami mong manliligaw ako ang nagustuhan mo?"
Tumingin ang dalaga sa mukha ni Armando at ngumiti.
"Dahil malakas ang nag-utos sa akin at hindi ko mahindian."
"Sino?"
Itinuro ni Eleonor ang tapat ng kanyang dibdib.

BINABASA MO ANG
Reincarnation (Completed)
ParanormalMinsan na nga ba tayong nabuhay? Na sa pagsilang nating muli ay tila panaginip na nagpapa-alaala sa atin ang nauna nating buhay? Walang makapagsasabi at makapagpapatotoo pero minsan ay naitatanong natin sa ating mga sarili at nasasabing "Nakita ko n...