No part of this book may be reproduced or transmitted in any form or by any means, electronic or mechanical, including photocopying, recording or by any information storage and retrieval system without the written permission of the author.
This book is a work of fiction. Names, characters, places and incidents either are products of the author's imagination or are used fictitiously. Any resemblance to actual persons, living or dead, events or locales is entirely coincidental.
"Panaginip"
--------------
Minsan na nga ba tayong nabuhay? Na sa pagsilang nating muli ay tila panaginip na nagpapa-alaala sa atin ang nauna nating buhay? Walang makapagsasabi at makapagpapatotoo pero minsan ay naitatanong natin sa ating mga sarili at nasasabing "Nakita ko na ba ang lugar na ito? Nakarating na ako rito pero hindi ko alam kung kailan!"Mahiwaga hindi ba?
*******
"PANAGINIP"
Walang pinipiling panahon ang tunay na pag-ibig. Kahit kamatayan ay hindi kayang hadlangan at paghiwalayin ang dalawang pusong wagas na nag-iibigan. Sa dako pa roon ay naghihintay ng tamang panahon para muling tumibok ang dalawang pusong nakalaan sa isat-isa!
*******
MALAMIG ang hanging dumadampi sa mukha at katawan ni Clayden. Nakaupo siya sa ibabaw ng isang malaking bato sa tabi ng dalampasigan. Pinagmamasdan niya ang mga mumunting alon sa dagat na humahalik sa maputing buhanginan. Dapit hapon na at nagsisimula ng pumula ang araw. Papalubog na ito na nagpapaganda sa kalangitan. Sa makakapal na ulap ay parang ginto ang sinag nito na ikinakasiya ni Clayden na pagmasdan. Tumataas na ang dagat at lumalaki na ang mga mumunting alon. Malalim ang nasa isip niya. Pagal na ang kanyang katawan at isip sa walang halos pahinga sa kanyang trabaho. Gusto niya ng katahimikan kahit pansamantala lamang. Malayo sa magulo at maingay na siyudad ng Maynila at dito sa isla niya naisipang pumunta. Dito, wala siyang naririnig na ingay ng mga sasakyan, walang mga busina, walang usok ng mga tambutso. Walang cellphone at telebisyon maliban sa radyo na ginagamit ng nanay ni Erwin, ang kanyang personal na driver at katiwala. Hinikayat niya si Erwin na magbakasyon muna sila rito sa Isla Puting Bato, tatlong oras na biyahe ng lantsa mula sa malaking isla ng Negros.
Malaki-laki ang isla at may isang barangay ito. Wala pa sa limang daang katao ang naninirahan sa isla. Halos magkakilala na ang mga tao. Kaya alam nila kung may dayong dumarating sa kanilang isla.
Isa sa mga burol sa isla ay kinatitirikan ng isang lumang mansion na pag-aari ng isang mayamang don na matagal ng namayapa. Walang nakatira rito sa mga pamilya ng don maliban sa mag-asawang katiwala nila na siyang nagbabantay at naglilinis sa mansion. May malawak na lupain ang mayamang don na halos mahigit sa kalahati ng isla ay nasasakupan ng kanyang lupain. Kabilang na rito ang magandang baybayin na may maputing buhanginan, malinaw ang dagat na may malinis na dalampasigan.
Mula sa kina-uupuan ni Clayden ay tanaw niya ang mansion. Ikalawang araw na niya sa isla. Nagsabi siya sa kanyang papa na magbabakasyon muna siya pero hindi niya sinabi kung saan. Dati-rati ay sa ibang bansa siya nagpupunta. Nanawa na siya. Kapag kausap niya si Erwin ay laging ipinagmamalaki sa kanya ang isla. Malinis at malinaw nga naman ang dagat nila. Daig pa ang sa Boracay.
Nag-aagaw na ang liwanag at dilim. Nakasindi na ang gasera sa bahay nina Erwin na natatanaw niya. Hinayaan siya ng katiwala na mag-isa sa dalampasigan. Habang pinagmamasdan niya ang papalubog na pulang araw ay may napansin siya sa hindi kalayuan. Sa ibaba ng burol ay may tila isang babaing nakatayo. Mahaba ang buhok na nilalaro ng hangin. Nakatingin ang babae sa dagat na parang may hinihintay. Ang ipinagtataka niya ay parang hindi ito gumagalaw. Nakatayo lamang. Sa tantiya niya ay nasa 21 ang edad ng babae. Maganda kahit naka side view sa kanya ang mukha ng babae.
BINABASA MO ANG
Reincarnation (Completed)
ParanormalMinsan na nga ba tayong nabuhay? Na sa pagsilang nating muli ay tila panaginip na nagpapa-alaala sa atin ang nauna nating buhay? Walang makapagsasabi at makapagpapatotoo pero minsan ay naitatanong natin sa ating mga sarili at nasasabing "Nakita ko n...