May isang araw na ang lumipas matapos ang araw na hindi ko kailan man makakalimutan, ang araw kung kailan namatay ang itinuring kong nag-iisang kaibigan sa mundong ito. Iisang kaibigan na nga lang ang mayroon ako, inagaw pa sa akin. Pati naman iyon ay ipagkakait sa pamamalagi ko rito?
Sariwa pa rin ang sakit na ibinigay ng pagsabog na nangyari sa buong Kaharian. Lahat ay nagluksa lalo na ang mga naiwan ng mahal nila sa buhay. Hindi pa rin matanggap sa kung paano tinapos ng taong nasa likod nito ang buhay ng mga inosenteng mamamayan ng Norland. Pati ang ibang nananahimik ay dinadamay ng kalaban. Hindi man lang sila naawa sa mga batang nawalan ng mga magulang, marami ang naulila. Marami ang nagdadalamhati ngayon dahil sa pagsabog na nangyari.
Hindi pa rin ako makapaniwala na wala na si Ysabelle. Ang bilis ng mga pangyayari. Hindi ko inasahan na sa pagbigay namin ng pagkakataon sa kaniya na makita niya ang kaniyang Ina at kapatid, pinagbigyan din namin siyang mawala sa amin nang tuluyan.
Nakokonsensiya ako sa aming ginawa. Kung hindi namin pinaalam sa kaniya ang tungkol sa nangyari sa kaniyang Ina at kapatid, hindi siya mababawian ng buhay. Nasa ilalim pa rin siguro ng palasyo at naghihintay na bumalik ang kaniyang lakas para gamitin sa paglinis sa kaniyang pangalan.
Kung wala sigurong pagsabog na naganap, buhay pa siguro si Ysabelle. Ang buong Kaharian ay nanatiling payapa. Walang mga hikbi at hinagpis ang makikita't maririnig ngayon mula sa mga taong naiwanan. Hindi ko sana nararamdaman ngayon ang sakit nang pagkawala ni Ysabelle. Buhay na buhay pa sana siya ngayon at pilit na maging matatag sa paglinis ng kaniyang pangalan. Siya sana ang magsisilbing lakas namin upang lumaban at pagkalap ng impormasyon na magsisilbing p'ruweba sa kaniyang kainosentehan. Kasama sana namin siya ngayon sa laban na ito. Kasama ko pa rin sana siya hanggang sa matapos ang misyon ko.
Hanggang sana na lang ang lahat ngayon.
"Zariya? Kanina ka pa nakatitig sa kawalan. Lumalamig na ang pagkaing nasa harapan mo." Bumalik lang ang aking ulirat nang sitahin ako ni Kharim Celia.
Bumalik tuloy ang atensiyon ko sa pagkaing nakahain sa harap ko. Kasalukuyan kaming nag-a-agahan kasama ang lahat ng taga-silbi na nakadestino sa kusina. Ang lahat ay tahimik at ang iba naman ay walang ganang kumain gaya ko.
Wala ni isang ingay ang maririnig sa loob. Nawala na ang sigla at saya na sumasalubong sa amin tuwing umaga dahil sa kadaldalan ni Ysabelle. Wala na ang kaibigan kong nagdadala lagi ng tsismis sa amin. Wala na si Ysabelle na lagi akong inaasar, chini-chismisan, at katawanan sa lahat ng kalokohan.
Nakaramdam ako ng pagsikip ng dibdib nang maalala ko ang masayang mukha ni Ysabelle na bumubungad sa akin dito sa kusina. Nakakalungkot isipin na hindi ko na 'yon masisilayan. Hanggang ala-ala na lamang ang lahat ng masasayang nangyari sa amin. At ang mga ala-ala na iyon, babaunin ko hanggang sa mawala na rin ako sa mundong ito o sa modernong mundo kung saan ako galing.
Lahat ay nagluluksa pa rin sa pagkawala ni Ysabelle. Walang sino man ang nagbalak na ungkatin ang tungkol sa pagbintang, pagkakulong, pagtakas at pagkamatay ng kapwa namin taga-silbi bilang respeto sa kaniya. Pero alam ng lahat na pawang kasinungalingan ang lahat ng ibinato na paratang sa kaibigan ko. Kilala ng lahat si Ysabelle na matapat na taga-silbi at ulirang Anak kaya imposibleng siya ang may kagagawan sa pagkalason ni Haring Valor.
Siya ang biktima rito. Si Ysabelle ang dapat hinahanapan ng hustisya. Gayun din si Haring Valor. Parehas silang biktima sa nangyari. Ang dapat na hanapin ngayon ay ang mga taong walang pusong gumawa nitong lahat.
"Dalian mo na riyan, Zariya. Kailangan mo pang hatiran ng almusal si Prinsipe Dern sa kaniyang silid. Hindi maaaring hindi siya kumain ngayon dahil buong araw siyang hindi kumain kahapon. Baka mapa'no ang Prinsipe," ani ni Kharim Celia sa tabi ko. "Nag-aalala na ako sa kaniyang kalusugan. Hindi siya maaaring magkasakit."
BINABASA MO ANG
The Kingdom Of Norland
Historical FictionKilalanin si Zariya Serein Cortez, isang ordinardyong estudyante na nagmula sa modernong mundo ang napadpad sa taong ilang dekada na ang nakalipas at sa kakaibang mundo na sa panaginip niya lamang nakikita noon. Dahil sa isang insidente, ang kaniya...