KABANATA 33

654 61 17
                                    

Agad akong napatakbo sa kinaroroonan ni Prinsipe Arsh nang makita kong bumalagta ang tatlong kawal ng Lacandia na nasa likuran ko kanina. Kung hindi ito nakita ni Prinsipe Arsh, malamang ay ako ang nasa posisyon nila, ako ang nakabulagta ngayon sa sahig. Wala akong kamalay-malay na nasa bingit na pala ng kamatayan ang buhay ko kanina. Malapit ko na sanang makita si San Pedro.

Hindi ko pa naman sila kayang kalabanin dahil tatlo sila. Anong laban ko? Tatlo versus sa isa? Isa pa, wala pa akong sapat na kaalaman sa pakikipaglaban. Paniguradong talo ako kapag nagkataon. Buti nga at 'di pa rin ito nahahalata ng mga Prinsipe na isa akong Prinsesa ngunit hindi ako marunong na makipaglaban.

"Huwag ka matakot, hindi ko hahayaang masaktan ka." Sinalubong ako ni Prinsipe Arsh ng mahigpit na yakap at marahang hinaplos ang aking buhok. Sinusubukan niyang pawiin ang takot na nadama ko kanina. Sa mga yakap na iyon, mararamdaman kong hindi niya ako pababayaan at lagi siyang nariyan, handang protektahan ako ano mang oras.

Hindi rin nagtagal ang pagkakayakap niya sa 'kin dahil agad din itong kumalas. Napakarami na kasing mga kalaban ang pumapasok ngayon sa ikalawang palapag at halos lahat ay sabay-sabay kaya nahihirapan kaming mapatumba sila. Kakahandusay pa lang ng ilan ay siya namang pagdasa ng iba. Hirap na hirap na kami dahil mukhang hindi naman sila nababawasan. Kung tutuusin, nadadagdagan pa sila.

Ipinunta ako ni Prinsipe Arsh sa kaniyang likod at matapang niyang sinalubong ng espada ang mga kawal ng Lacandia. Walang tigil ang pakikipagpalitan nila ng espada ngunit sa huli, laging napapabagsak ni Prinsipe Arsh ang mga ito. Ang galing gumamit ng espada ang Prinsipe!

Ngunit siya rin ay napapagod. Tagatak na ang pawis nito at bakas na nahihirapan na nga talaga siya.

Parami nang parami ang nagsisidatingan na kalaban. Nakita ko na hirap na hirap na si Prinsipe Arsh dahil siya lang mag-isa ang lumalaban. Nasa labas ang kaniyang ibang kapatid at maging sila, pagod na rin.

Kaya naman hindi na ako nagdalawang-isip pa na iayos muli ang hawak kong palaso. Kailangan kong kumilos. Walang mangyayari kung mananatili lang akong duwag at hindi lumalaban.

Ang mahalaga ngayon, makakatulong ako. Hindi ko hahayaang wala man lang akong ginawa habang sinasalakay ng mga kalaban ang palasyo.

Kumuha ako ng bala at nagsimula nang pumana.

Habang patuloy ang paggamit ko ng palaso at marami na rin akong napapatumba, unti-unting nawala ang takot na nararamdaman ko. Hindi ko inakala na kaya ko pala, na maaari ring maging kasing galing ko ang mga Prinsipe. Mas naging kampante na ako sa kakayahang taglay ko ngayon. Siguro nga ay dahil nasa katauhan ako ni Prinsesa Amity kaya hindi ako nahirapan na palabasin sa katawan niya ang mga tinatago niyang kakayahan at kahusayan sa pakikipaglaban. Sa wakas, magagamit ko na rin ito!

Wala pa akong galos na nakukuha ngunit nakakaramdam na ako ng pagod dahil hindi talaga sila nauubos bagkus ay dumarami pa talaga sila. Hindi nga namin matukoy kung saan sila nanggagaling. Namamatay ba sila at muling nabubuhay? Napakadaya naman nilang maging kalaban! Masiyadong hindi patas makipaglaro ang Kaharian ng Lacandia.

Hingal na hingal na ako, ganoon din si Prinsipe Arsh. Pero kahit anong hirap at pagod ang maramdaman namin, hindi kami maaaring sumuko. Ipagpapatuloy namin ito hangga't sa huling hininga namin. Ibubuhos namin ang aming lakas sa digmaang ito.

Ngunit mas lalo akong nanghina nang wala na akong makapa na bala ng palaso na nasa bag na dala ko. Kinabahan ako dahil sa isiping ubos na ang bala ko! Palaso lang ang tanging sandata ko sa labanan na ito. Ano na lang ang gagawin ko? Ano ngayon ang ipanglalaban ko sa kanila?

Pero hindi ko ito pinahalata sa mga kawal. Itinutok ko pa rin ang palaso sa kanila at dahan-dahang humakbang patalikod. Iniiwasan kong salubungin sila dahil wala na akong laban ngayon. Ngunit nagtataka ako dahil hindi pa rin sila lumulusob sa akin.

The Kingdom Of NorlandTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon