KABANATA 26

658 66 38
                                    

"Hindi maaari... m-mali ang iniisip ko," nanginginig ang kamay kong ibinaba ang basket na hawak ko. Inilislis ko ang laylayan ng suot kong bestida at nagsimulang humakbang patungo sa lihim na lagusan na pinasukan ni Prinsipe Cozen.

Hindi ko na inisip pa ang inutos sa 'kin ni Mang Luisito. Ang mahalaga ngayon, masundan ko si Prinsipe Cozen at masagot ang lahat ng mga tanong ko. Nais kong patunayan na mali ang hinala ko. Importanteng impormasyon ang makukuha ko sa pagsunod sa kaniya.

Mas lumakas ang kutob ko pero ayokong paniwalaan iyon.

Hindi si Prinsipe Cozen ang taong iyon.

Imposible!

Hindi niya kayang pagtaksilan ang Kaharian ng Norland lalo na ang kaniyang Amang Hari. Siya ay isa sa mga Prinsipe at ang tungkulin nito na pagsilbihan nang tapat ang kanilang Kaharian at ingatan ang trono ng kaniyang Ama.

Nang makitang nakain na nang tuluyan si Prinsipe Cozen ng lagusan na iyon, nagmadali na akong lumabas sa pinagtataguan ko.

Iniwan ko ang lagayan ng mga prutas sa gilid ng damuhan. Sinigurado kong walang makakakita nu'n. Bibilisan ko na lamang ang pagpunta sa Lacandia upang makabalik din agad. Hindi ko na sinayang pa ang bawat segundo. Tumakbo na agad ako papunta sa lawa, ang dulong bahagi ng hardin.

Tumapat ako sa malaking bato na naroon at walang anu-anong lumitaw sa harapan ko ang lihim na portal patungo sa Kaharian ng aking Inang Reyna. Tila nakilala na agad ako ng lagusan dahil ilang segundo lang ay nagpakita na ito sa akin. Wala akong kahirap-hirap na palabasin iyon.

Ang sabi sa akin ni Kharim Celia, kusang lilitaw ang portal kapag tumapat ako sa malaking bato na narito sa lawa. Hindi lahat ng taong tatapat sa bato ay makikilala ng portal. Ito ay lihim na lagusan na ginawa ng kalaban, ganoon katalino ang aking Ina. Nagawa niyang makapasok sa teritoryo ng kaniyang kalaban at isakatuparan ang mga bagay na maaaring makatulong sa kaniyang mga plano. Tanging ang mga piling tao lamang ang pinili ng aking Inang Reyna na makaalam at makapasok sa lagusan na ito. Kaya gano'n na lamang ang kaba at takot ko nang makita si Prinsipe Cozen na kainin ng portal.

Iisa lang ang ibig sabihin nito, magkakilala ang aking Inang Reyna at si Prinsipe Cozen. May koneksiyon silang dalawa at kailangan kong alamin kung anong koneksiyon iyon.

Hindi maaaring maging traydor din ang isang Prinsipe. Hindi ako papayag sa kung ano man ang binabalak nila. Kailangan ko itong pigilan. Mas malaki ang posibilidad na magwagi ang aking Ina kung may kasabwat siya na nasa mataas na posisyon at lalo na kung isa pa itong Prinsipe.

Ayoko ng mga iniisip ko ngayon tungkol kay Prinsipe Cozen. Ayoko siyang isipan nang masama, ayokong pagdudahan ang katapatan niya pero hindi ko mapigilan.

Humihiling ako na sana hindi tama ang lahat ng iniisip ko ngayon.

Sana...

"Kailangan kong magmadali," ani ko sa 'king sarili.

Iniangat ko na ang kanang paa ko upang makapunta sa loob ng lagusan. At nang tuluyan ko nang isinunod ang kaliwang paa ko, awtomatikong nasa malawak na quadrangle na ako ng palasyo. Sa isang iglap, nasa Kaharian ng Lacandia na ako.

Nakatayo ako sa gitna at luminga-linga muna sa paligid. Hindi ko pa kabisado ang pasikot-sikot dito dahil ito pa lamang ang pangalawang beses na nakapunta ako rito.

Hindi na nasundan pa ang unang pag-ulat ko sa aking Ina. Nagtataka nga rin ako dahil hindi na ako pinatawag.

"Prinsesa Amity..." Lumingon ako sa nagtawag ng pangalan ko. Isang taga-silbi ang agad na lumapit sa tabi ko. Yumuko muna siya sa harap ko bilang pagbibigay respeto. "Anong ginagawa mo rito, Prinsesa? Walang ibinilin ang Mahal na Reyna na ikaw ay darating." Nagtataka ang kaniyang boses.

The Kingdom Of NorlandTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon